
Isabella Laraga
Boses ng katutubo, lakas ng Pilipino. Tahanan ng mahigit 14 hanggang 17 na milyong katutubo ang Pilipinas. Ito ay 12% hanggang 20% ng pambansang populasyon. Nagkakatulad ang katangian ng kanilang mga wika, kultura, tradisyon at paniniwala. Dahil dito, malaki rin ang impluwensya nila sa buong kapuluan.
Ayon sa International Work Group for Indigenous Affairs (IWGIA), matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang mga kababayan nating katutubo. Pinakamarami sa Mindanao na mayroong 63%, pangalawa sa Luzon na may 34%, at 3% naman ang nasa Visayas. Iba-iba man ang pinagmulan at kinagisnan—mula sa matataas na kabundukan, masusukal na kagubatan, mahahabang mga ilog, at malalawak na karagatan—sabay-sabay nilang hinuhubog ang kultura at pagkakakilanlang Pilipino.
Ang karapatan ng mga katutubo ay nakalantad sa Republic Act (RA) No. 8371, o kilala rin bilang Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) ng 1997. Sa batas na ito, kinikilala ang pagmamay-ari ng mga katutubo sa yamang lupa at katubigan na matagal na nilang pinanahanan at ginagamit. Kinikilala rin nito ang kanilang karapatang magdesisyon para sa sariling pamayanan. Ngunit sa kabila ng batas na ito, naghihirap pa rin ang mga katutubo na mamahala sa kanilang mga likas na yaman at mga lupain dahil na rin sa mga komersyal na tensyong dulot ng mga negosyo sa agrikultura at pagmimina.
Paano nakakaapekto ang katutubong Pilipino sa kasalukuyan?
Sa kasalukuyan, mayroong 110 na pangkat-etnolinggwistiko sa Pilipinas. Kaya naman, kapag sinasabing “Pinoy culture,” hindi lang mga Tagalog, mga Bisaya, o mga Ilokano ang ipinapahiwatig nito—kung hindi kagawian ng bawat Pilipino mula sa bawat isla ng Pilipinas.
Marami sa kultura at tradisyong Pilipino ay nagsimula at ngayon ay nagpapatuloy sa mga katutubo. Ito ay mga ritwal, awitin, tula, sayaw, at selebrasyon na hanggang sa kasalukuyan ay ipinapasa at itinuturo pa rin sa bagong henerasyon.
Halimbawa rito ang iba’t ibang paraan ng paghahabi sa bansa. Mapa-T’nalak ng mga T’boli, Inabel mula sa Ilocos, Inaul ng Maguindanao—mula noon hanggang ngayon, pinapanatili itong buhay at masagana.
Noong nakaraang taon, naging dahilan ang paghahabi upang magkaroon ng dagdag na hanapbuhay ang mga magsasakang Ifugao. Kinailangan ito dahil ang “tinawon”—rice heirloom o katutubong bigas na matatagpuan sa Ifugao Rice Terraces—ay inaabot ng 10 buwan para maani. Dahil dito nagkaroon sila ng alternatibong pagkakakitaan habang matagumpay na napapanatili ang hagdan-hagdang palayan.
Malaki rin ang ginagampanan ng mga katutubo sa pagproprotekta sa ating mga kalupaan at katubigan. Halimbawa rito ay sa pamamagitan ng Indigenous Peoples’ and Community-Conserved Territories and Areas (ICCA). Tumutukoy sa mga teritoryo at lugar na pinangangalagaan ng mga katutubo at lokal na komunidad. Ito ay mga lupain, kagubatan, at anyong-tubig na boluntaryong pinoprotektahan ng mga katutubong pamayanan gamit ang pamamaraan na nakabatay sa kanilang kultura at nakagawiang batas. Pinagsasama nito ang pagkonserba ng kalikasan at ang pagpapanatili ng kabuhayan at kultura ng mga katutubo.
Gayunpaman, ang mga magsasaka ay madalas na ginigipit at marahas na pinalalayas mula sa lupang kanilang tinitirhan. Ito ay upang magbigay-daan para sa mga dayuhang kumpanya. Nagpalala ito ng mga tensyon. Sa ilang mga kaso, humantong ito sa mapanganib na mga alitan.
Kumusta naman ang mga katutubo?
Sa kabila ng napakalaking ginagampanan ng mga katutubong Pilipino sa pag-preserba ng kultura nito at pagprotekta sa mga likas na yaman, malawak pa rin ang diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay na hinaharap nila.
Nasa kanila man ang karapatan, sa kasalukuyan ay maraming mga katutubong lupain ang hindi pa rin kinikilala. Ang mga Indigenous People na gustong magkaroon ng legal na pagkilala sa kanilang mga kinagisnan, gaya ng ipinapahiwatig sa IPRA ay nahaharap sa iba’t ibang mga hadlang.
Isa na rito ang napakataas na gastos sa pagkuha ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) at Certificate of Ancestral Land Title (CALT). Upang maiproseso ang isang titulo, kinakailangan ng humigit-kumulang 10–20 na taon. Hindi lahat ng katutubo may sapat na pera para rito at sa paghihintay ng isa hanggang dalawang dekada, walang legal na proteksyon ang lupa nila.
Sa edukasyon naman, marami sa mga kababayan nating katutubo ay hindi pa rin marunong bumasa o makaintindi ng kanilang binabasa. Ipinapakita nito na kung ikukumpara sa ibang parte ng bansa, sila ay napag-iiwanan. Dahilan dito ang kakulangan ng paaralan sa kanilang lugar at ang hindi pagtugma ng sistema ng edukasyon sa kanilang kultura.
Si Bae Dalayagan Gloria Penaso—isang lider mula sa Tribong Manobo—ay nakatira sa bulubunduking nayon ng Pianing. Kinakailangang maglakbay ng mga residente ng kanyang komunidad ng halos 20 na kilometro makakuha lamang ng mga pangunahing serbisyo. Dati rin ay maraming napipilitang maglakad ng halos apat na oras, makarating lang sa sentro ng lungsod.
Sa kasalukuyan, kahit na mayroon nang karagdagang kalsada patungo sa kabundukan at pagkakaroon ng mga motorsiklo bilang transportasyon, nananatiling hindi abot-kaya para sa maraming katutubo ang gastos na kailangan sa pagbiyahe.
Papaano na?
Mula sa pangkabuhayan, panlipunan, at pangkasasayan na aspeto—hindi maikakaila ang impluwensya ng mga katutubo sa ating kultura at ang kanilang gampanin sa pag-aalaga ng ating kalikasan.
Sa bawat hinahabing tela at mga kagubatang prenepreserba, pinapanatili ng mga katutubo ang ating kinagisnan.
Buhay ang kultura dahil sila mismo ang kultura. Sila ang nagdadala, nagsasabuhay, at nagpapaglaw ng pamumuhay mula langit hanggang lupa. Ngunit sa huli, tila hindi natin sila nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga.