
Nais ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maisama ang Philippine National ID sa proseso ng account verification ng Meta upang mas madaling matukoy ang mga indibidwal na gumagamit ng social media sa paggawa ng krimen.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, hinihimok ng pamahalaan ang Meta na ipatupad ang naturang sistema upang matugunan ang hirap sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng ibat-ibang platform kapag may iligal na aktibidad.
Ibinahagi ni Aguda ang panawagan matapos ang kanilang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng Meta sa Singapore kung saan tinalakay din ang mga hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga social media platform.
Sinabi rin nito na hindi na dapat magamit ng mga user ang social media bilang panangga sa pananagutan kapag nakagawa sila ng krimen.
“Hindi na kayo puwedeng magtago sa likod ng facebook kapag may ginawa kayong iligal. ‘Yong attribution kasi ngayon, ang hirap,” ani Aguda.
Iginiit din ng kalihim na kailangan palakasin ng Meta ang kakayahan nitong agad na matukoy at maalis ang mapanganib na content, lalo na matapos ang insidenteng nanatiling online nang ilang minuto ang livestream ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU)
Nauna nang nakausap ng DICT ang online gaming platform na Roblox upang gawin ang parehong proseso at nangako naman ang mga ito na magpapatupad ng hakbang na magbibigay daan sa mas malinaw na pagkakakilanlan ng mga gumagamit nito.
“‘Pag nagawa ni Roblox ’yon, sabi ko kay Meta, ‘Wala kayong excuse na hindi niyo ma-implement.’ Kasi ang sabi sa amin ni Meta, ‘Well, mahaba-habang proseso, etcetera.’ ‘O, sige, hintayin natin si Roblox ha,’”
Sa kabilang banda, kinilala naman mismo aniya ng Meta na nagkaroon sila ng pagkukulang sa artificial intelligence system nito, dahilan upang hindi agad matukoy ang Facebook Live video ng insidente noong Agosto 18.
“It should not have happened. Ang claim naman nila, ‘yan ‘yong mga 1 percent na nakalusot sa AI nila,” ani nito.
Dagdag pa niya, hindi katanggap-tanggap para sa pamahalaan ang ganitong pagkukulang lalo na kung may mapanganib na content na patuloy ba kumakalat sa platform.
Sa kasalukuyan, wala pang batas na partikular na nagpapataw ng pananagutan o parusa sa Meta kaugnay ng insidente. Kasabay nito, ginagawa pa ng Senado ang Child Online Safety and Protection Act. na kabilang sa mga panukalang batas ba magtatakda ng pananagutan ng mga online platform.
Dahil dito, sinabi ng DICT na nakikipag-ugnayan muna ito sa Meta upang mapalakas ang mga proactive measure ng kompanya at maiwasan ang pag-uulit ng naturang insidente.
“Wag na nating paabutin sa kasuhan. Right now, with our laws, walang liability ‘yong platform,” aniya.
Binantaan din nito na huwag na sana umabot na magaya ang nangyari sa United State of America (USA) kung saan kaliwa’t kanang lawsuit ang inabot nila at ngayon pa lang ay maayos na upang wala nang sampahan ng kaso ang maganap.
Inaasahan naman na magpapadala ang Meta ng technical working group sa Pilipinas ngayong buwan na binubuo ng mga law enforcement at technical expert upang makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na layon na pag-aralan ang mga teknikal at koordinasyong hakbang upang maiwasan ang katulad na insidente sa susunod.
“Ang sabi naman ni Facebook, ang compromise, ‘Linawin niyo lang sa batas at magtatayo kami ng entity diyan,’” ani nito.
Bukod sa Facebook, kabilang sa mga platform ng Meta ang Messenger, Instagram, WhatsApp, at Threads.