Pagsubok ng Kadiliman: Ang Tahimik na Krisis ng Kuryente sa Lanao del Sur

Sobaidah Gubat

Alas kuwatro pa lamang ng umaga ay gising na ang ilang residente ng Basak area sa Lanao del Sur. Hindi lamang upang maghanda para sa pagpasok sa paaralan o trabaho, kundi upang samantalahin ang natitirang oras ng kuryente — kung mayroon man.

Sapagkat sa pagsapit ng alas-singko ng umaga, maaaring mawala na naman ang ilaw at hindi na muling bumalik hanggang sa gabi.

Sa loob ng maraming taon, bahagi na ng buhay ng mga taga-Lanao del Sur ang pagkawala ng kuryente. Ngunit lumala ito sa mga nakaraang buwan. Mula sa dating nakatakdang rotational interruption na tumatagal lamang ng ilang oras, umaabot na ngayon sa 17 hanggang 18 oras ang bawat insidente ng brownout, na nararanasan tuwing makalawa, bukod pa sa mga biglaang pagkawala ng kuryente nang walang paunang abiso.

Para sa mga residente ng Basak area — na kinabibilangan ng Ditsaan-Ramain, Bubong, Buadiposo-Buntong, Mulondo, Maguing, Taraka, Tamparan, Lumba-Bayabao, Poona Bayabao, at Masiu — hindi na tanong kung kailan mawawala ang kuryente, kundi kung paano sila muling makaaangkop sa tuwing ito’y nawawala.

Batay sa pinagsamang datos mula sa 2024 Census of Population ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang mahigit 327,000 residente ang direktang naaapektuhan ng problemang ito.

Ngunit paano nga ba umabot sa ganitong sitwasyon?

Isang Suliraning Matagal Nang Dinadala

Mahalagang maunawaan na walang iisang dahilan ang patuloy na krisis sa kuryente sa Lanao del Sur.

Sa mga nagdaang taon, ilang ulat mula sa pamahalaan ang nagbigay-liwanag sa mga hamong kinahaharap ng Lanao del Sur Electric Cooperative (LASURECO). 

Noong 2022, inihayag ng Department of Finance (DOF) na nahaharap ang kooperatiba sa banta ng power curtailment dahil sa hindi nabayarang obligasyong umaabot sa mahigit ₱16B sa sektor ng enerhiya.

Sa hiwalay na mga policy brief ng Bangsamoro Parliament, kinilala rin na ang mga suliranin sa suplay ng kuryente sa rehiyon ay may kaugnayan sa mga pinansyal at operasyonal na hamon ng mga electric cooperative.

Samantala, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), may mga pagkakataong ang pagkawala ng suplay ay dulot din ng teknikal na problema sa transmission lines at pagkasira ng ilang bahagi ng distribution system.

Ipinakikita ng mga ito na ang krisis sa kuryente sa Lanao del Sur ay hindi simpleng bunga ng iisang pagkakamali o iisang tao lamang. Ito ay resulta ng mga suliraning naipon sa paglipas ng panahon — pinansyal, teknikal, at operasyonal.

Ngunit ngayong 2026, nagbigay ang LASURECO ng mas detalyadong paliwanag hinggil sa kasalukuyang rotational brownouts na nararanasan ng kanilang mga konsyumer.

Ano ba talaga ang nangyayari?

Sa isang opisyal na advisory na inilabas ngayong Hunyo 2026, ipinaliwanag ng LASURECO na ang kasalukuyang pagpapatupad ng rotational brownouts ay bahagi ng tinatawag na “load curtailment.”

Ayon sa kooperatiba, lumampas na sa 80% ang kapasidad ng kanilang substation, kaya kinakailangang bawasan ang load ng ilang feeder upang maiwasan ang mas malawakang blackout.

Ipinaliwanag din nila na ang  kuryente ay nagmumula sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) o National Power Corporation (NPC), dumadaan ang kuryente sa transmission lines ng NGCP bago makarating sa mga substation ng LASURECO at sa mga konsyumer.

Sa madaling salita, ang nararanasang brownout ay hindi simpleng “patay-sindi” lamang, kundi bahagi ng mas komplikadong sistemang may limitadong kapasidad na kailangang kontrolin upang maiwasan ang mas malalang aberya.

Ano ang Manual Load Dropping?

Isa sa mga terminong binigyang-diin sa advisory ay ang Manual Load Dropping (MLD). Ito ay isang kontroladong pansamantalang pagputol ng kuryente sa ilang lugar upang maiwasan ang tuluyang pagbagsak ng buong power grid system.

Ayon sa LASURECO, isa itong emergency measure kapag kulang ang suplay ng kuryente. Sa pamamagitan nito, pansamantalang pinapatay ang kuryente sa mga piling lugar sa itinakdang oras upang maipamahagi ang limitadong suplay at maiwasan ang mas malawakang blackout.

Ibig sabihin, ang rotational brownout ay isang paraan upang mapanatiling gumagana ang sistema ng kuryente, kahit kapalit nito ang abala sa mga konsyumer.

Ang Problema sa Agus-1

Isa pang mahalagang detalye sa advisory ay ang sitwasyon ng Agus-1 Substation.

Ayon sa LASURECO, ang 50 MVA (megavolt-amperes) power transformer sa Agus-1  ay overloaded o lampas na sa kapasidad nito dahil mas mataas ang demand kaysa sa supply.  Posibleng dulot ito ng tumataas na konsumo ng mga residente, lalo na sa panahon ng matinding init.

Nagbabala rin ang kooperatiba na kung magpapatuloy ang sobrang karga nang walang load management, maaaring masira ang transformer at magdulot ng mas malawak at mas matagal na blackout. Dahil dito, ipinatutupad ang rotational brownouts upang maprotektahan ang buong sistema.

Gayunman, sa gitna ng usapan tungkol sa teknikal na kapasidad at megawatts, nananatili ang tanong kung paano ito tunay na nakaaapekto sa araw-araw na buhay ng mga residente. 

Edukasyong Sinusubok ng Kadiliman

Sa likod ng mga teknikal na paliwanag ay mga totoong taong araw-araw na nagsisikap na maiangkop ang kanilang buhay sa gitna ng kawalan ng katiyakan.

Para sa isang Grade 11 Academic Track student mula sa Ditsaan-Ramain na si Hussien, ang brownout ay higit pa sa simpleng abala.

“Noong una, hindi naman gaanong naaapektuhan ang pag-aaral ko dahil tatlong beses lang sa isang linggo ang pagkawala ng kuryente at lima hanggang pitong oras lang ito. Pero ngayon, umaabot na ito ng 17 hanggang 18 oras nang tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo,” aniya.

Kapag nawawalan ng kuryente, nawawala rin ang internet connection, kaya nagiging mahirap ang pag-aaral.  Minsan, hindi rin niya natatapos nang maayos ang takdang-aralin dahil walang ilaw.

“Yesterday, I was doing my assigned homework, and due to lack of light, I wasn’t able to see anything clearly, making my notes messy and memorizing the wrong words.”

Kapag nawawalan ng kuryente, flashlight ng cellphone ang kanyang pangunahing sandigan. Ngunit kapag naubusan na ito ng baterya, kandila na lamang ang kanyang tinitiis na kapitan.

Bagama’t hindi bumababa ang kanyang grado, aminado siyang mabigat ang epekto nito sa kanyang kalusugang pangkaisipan.

“It made my academic journey harder than it should have been.”

Sa panahon ng digital learning, ang kawalan ng kuryente ay hindi lamang abala kundi dagdag na hadlang sa kanila. Isa itong dagdag na pasanin sa pag-aaral ng mga kabataang nagsisikap na makaahon sa kahirapan.

Kabuhayang Naghihintay sa Pagbalik ng Ilaw

Kung para sa mga estudyante, dagdag na balakid sa kanilang pag-aaral ang pagkawala ng kuryente; para naman sa mga maliliit na negosyante, ito ay katumbas ng bawas kita at dagdag gastos.

Sa isang grocery store na apat na taon nang nagpapatakbo sa palengke ng Bubong, araw-araw na hamon ang pagtiyak na mapapanatiling maayos ang mga paninda sa gitna ng mahabang brownout.

Ayon sa may-ari, hindi lamang ang mga ilaw ang nawawala kapag nawawalan ng kuryente.

“Tuwing walang ilaw, lalo na kapag gabi, hirap makakita ang mga customer. May mga senior citizen din na nahihirapan. Tapos may risk pa na manakawan ka dahil hindi mo makita ang buong tindahan dahil sa dilim kahit na may mga kasama ka naman sa pagbabantay.”

Bagama’t mayroon namang refrigerator na nakatutulong sa pagpapanatili ng kalidad ng mga produkto, hindi nito lubusang natutugunan ang problema.

“May mga customer na gusto sana bumili ng soft drinks o malamig na inumin. Pero kapag nakita nilang hindi ganoon kalamig, nagbabago ang isip nila.”

Sa pagtatangkang mapanatili ang operasyon, sinubukan din nilang gumamit ng generator, ngunit hindi ito praktikal dahil sa mataas na gastos sa gasolina.

“Malaki ang gastos. Lalo na ngayon na pataas nang pataas ang presyo ng petrolyo.”

Sa kabuuan, ang kawalan ng maaasahang kuryente ay dagdag pasanin sa maliliit na negosyong bumubuhay sa lokal na ekonomiya, lalo’t higit sa isang lalawigang patuloy na nagsisikap na pasiglahin ito. Ito rin ay isang malaking tinik sa bawat maliliit na negosyanteng sa pamimili lamang umaasa ng kita upang may pang-uwi at may mailagay sa hapag ng pamilya.

Kapag Kalusugan na ang Nakataya

Ngunit marahil, pinakamabigat ang epekto ng brownout kapag kalusugan na ang nakasalalay.

Sa isang Facebook post na ibinahagi ng isang residente ng Lanao del Sur, inilahad niya ang epekto ng matagal na pagkawala ng kuryente sa kanilang pamilya.

Ayon sa kanya, ang kanyang anak ay kailangang sumailalim sa nebulization kada anim na oras. Sa gitna ng mahahabang power interruption, napilitan silang humanap ng alternatibong paraan upang hindi maputol ang gamutan.

Ngunit higit pa sa kanilang sariling sitwasyon ang kaniyang ikinababahala.

“How about those people who solely rely on electricity for a medical treatment?” Sa unang tingin, maaaring simpleng tanong lamang ito. Ngunit inilalantad nito ang isang mas malalim na realidad.

Sa bawat oras na walang kuryente, may mga pamilyang nag-aalala kung paano mapapanatiling gumagana ang mga kagamitang medikal na umaasa sa suplay ng kuryente. May mga pasyenteng nangangailangan ng regular na gamutan. May mga batang may karamdaman. May mga matatandang nangangailangan ng tuloy-tuloy na pangangalagang pangkalusugan.

Sa ganitong konteksto, ang kuryente ay hindi kaginhawaan. Nakaaapekto rin ito sa usapin ng kalusugan at kaligtasan — buhay at kamatayan.

Ang Krisis sa Kuryente ay Krisis sa Pag-unlad

Sa mga talakayan tungkol sa pag-unlad, madalas na binibigyang-diin ang imprastraktura, pamumuhunan, at modernisasyon. Ngunit ayon sa United Nations Sustainable Development Goal 7 (SDG 7), ang pagkakaroon ng abot-kaya, maaasahan, at modernong enerhiya ay pundasyon ng napapanatiling pag-unlad.

Hindi ito hiwalay sa edukasyon, kalusugan, ekonomiya, at pagbabawas ng kahirapan. Sa halip, ito ang nagsisilbing gulugod ng mga serbisyong ito.

Kapag walang maaasahang kuryente, nahihirapan ang mga estudyanteng matuto. Naghihikahos ang mga negosyong lumago. Patuloy na bumabagal ang pagpapadala ng  mga serbisyong pangkalusugan.

At ang mga problemang ito ay patuloy na lumalalim, patuloy na umiiral. Kaya’t hindi dapat tingnan ang brownout bilang simpleng teknikal na problema lamang, kundi bilang isyung panlipunan na direktang nakaaapekto sa kalidad ng buhay ng bawat mamamayan.

Mga Panukalang Solusyon at ang Pananagutan ng Pamahalaan

Sa nakaaalarmang matagal nang suliraning ito sa sektor ng enerhiya sa Lanao del Sur, ilang panukalang batas ang inihain sa Kongreso upang tugunan ang pinansyal na suliranin ng LASURECO.

Kabilang dito ang mga panukalang naglalayong patawarin ang mga naipong interes, surcharge, at penalty ng electric cooperative sa mga obligasyon nito sa PSALM, gayundin ang pagbibigay ng pagkakataon para sa restructuring ng mga natitirang utang.

Ayon sa House Committee on Energy, layunin ng mga panukalang ito na tulungan ang kooperatiba na makabangon mula sa matagal nang problemang pinansyal at mapabuti ang kakayahan nitong maghatid ng tamang serbisyo sa mga konsyumer.

Gayunpaman, para sa mga residente, hindi sapat ang mga repormang nananatili lamang sa papel. Para sa kanila, ang tunay na sukatan ng pagbabago ay ang aktuwal na pagbuti ng kanilang pang-araw-araw na buhay. 

Higit Pa sa Pagbabalik ng Ilaw

Sa tuwing bumabalik ang kuryente matapos ang mahabang oras ng pagkawala, tila pansamantalang natatapos ang problema — muling umiikot ang mga bentilador, nagkakaroon ng koneksyon sa internet, at nagliliwanag ang buong tahanan.

Ngunit para sa daan-daang libong residente ng Basak area, alam nilang hindi pa rito nagtatapos ang kuwento. Patuloy silang mag-aantay, hindi lamang ng liwanag mula sa bawat bumbilya ng kani-kanilang bahay, kundi ng katiyakan. Katiyakang tuloy-tuloy na makapag-aaral ang mga kabataan, maayos na gamutan para sa mga may karamdaman, at matatag na kabuhayan na kayang magpapatid sa kalam ng tiyan.

Sa isang lalawigang matagal nang naghahangad ng pag-unlad, ang kuryente ay hindi dapat maging pribilehiyo.

Ito ay isang batayang serbisyo.

At hangga’t nananatili ang matinding kakulangan sa kuryente sa Basak Area sa Lanao del Sur, mananatiling malinaw ang isang masakit na katotohanan: Sa bawat patay-sinding ilaw ng bawat tahanan sa komunidad na ito, hindi lamang liwanag na dulot nito ang naglalaho, kundi mga oportunidad na dapat sana’y matagal nang sinasariwa ng bawat mamamayan — mga oportunidad na sana’y matagal nang nagpapabuti sa kanilang kalagayan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...