Pagsulsi muli sa punit na lipunan

Mula sa mga kamay ng nakaraang henerasyon, iniabot sa atin ang mundong ito. Ngunit ang iniabot ay hindi buo: tila isang lumang lona na pinunit ng kasaysayan, tinahi ng digmaan at dinapuan ng pagkakawatak-watak. 


Naroon ang hamon sa mga kabataan ngayon na muli maitahi ang punit na telang ito upang muling maging kanlungan ng lahat. Bilang ang diwa ng 2025 International Youth Day, na may temang “Local Youth Actions for the SDGs and Beyond,” ipinagkakaloob nito ang nagsusumigaw na pag-asa; ngunit sumasalamin din sa mga sugat na kinakailangang lunasan.

Ipinagmamalaki ng United Nations ang World Programme of Action for Youth bilang sagisag ng pagkilala sa kabataang tagapagmana ng kinabukasan. Sa mga bansang may matatag na institusyon, ito’y nagiging tulay upang tunay na makilahok ang kabataan sa paggawa ng desisyon. 

Ngunit sa realidad ng Pilipinas at ng iba pang bansang tulad nito, madalas nananatili itong nakasulat sa papel. Ang mga pinto ng pulitika at pamamahala ay tila bahagyang nakabukas lamang, sapat upang makasilip ngunit hindi makapasok ang kabataan. Ang ating tinig ay madalas inuugat sa konsultasyong simboliko, hindi sa makapangyarihang representasyong may kakayahang magbago ng batas o patakaran.

Ang mga hamon

Bilang ang kabataan ang bumubuo sa halos 30% ng populasyon, malinaw ang kanilang bigat sa pambansang hinaharap. Ngunit habang may iilan na nakakapag-ambag sa pamamagitan ng mga organisasyon, volunteer work, at teknolohiyang nilikha para sa kapakinabangan ng komunidad, marami ang naiiwan sa laylayan ng oportunidad.

Sa halip na maging lunsaran ng kolektibong aksyon, nagiging mabuway ang mga organisasyong pang-kabataan kapag nilalamon ng internal na kompetisyon, personalismo, at pangangalaga sa imahe higit sa adhikain. Ito ang pumipigil sa kanila na makabuo ng mas matatag na puwersang panlipunan na kayang humamon sa estruktura ng kawalan ng boses.

Sa harap ng lumalalang political disenfranchisement, ang kultura ng malusog na pakikibahagi sa organisasyon ay nagiging balwarte ng paglaban. Kapag ang mga kabataan ay natutong mag-ugat sa kolektibong layunin at magtahi ng ugnayan sa kabila ng pagkakaiba, doon nagiging posible ang mas malawak na kilusan para sa katarungan at kaunlaran. Ito ang diwa ng kabataang hindi lamang saksi sa panahon, kundi aktibong tagapag-anyo nito.

Handog ng nakaraang henerasyon ang mundong nadatnan natin; kaya’t marapat lamang na gamitin ang lahat ng sandata upang ukitin ang kasalukuyan at kinabukasang para sa atin. At sa bawat sinulid ng pagkilos na inilalapat ng kabataan, unti-unting naisasara ang mga punit ng lumang lona, hanggang sa muli itong maging bubong na kanlungan ng lahat.

Ang kabataan ay hindi lamang tagapagmana kundi tagapanday ng hinaharap. 

Marapat lamang na gamitin natin ang lahat ng karunungan, lakas, at malasakit upang tahiin o habiin ito muli. Hindi para ibalik sa dati, kundi para hubugin ito sa anyong mas matibay, mas makatarungan, at mas handang sumilong sa lahat.

2 Votes: 1 Upvotes, 1 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...