‘Pamumulitika’ sa pagkadawit ng failed flood-controls sa leptospirosis, kinondena ni Rep. Garin

Kriztelle Sitoy

Tinuligsa ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin ang mga alegasyong ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis ay sanhi ng palpak na flood-control projects, at tinawag itong porma ng pamumulitika habang patuloy na lumulobo sa mahigit 2,300 ang kaso ng sakit sa buong bansa.

“Leptospirosis is a different matter… So if you ask me, alam mo, pamumulitika ulit ‘yung nili-link sa flood control projects eh,” wika ni Garin, na dating kalihim ng Department of Health (DOH).

Iginiit niyang ang tunay na pagkukulang ay nasa pagpapatupad ng mga hakbang pangkalusugan, hindi sa imprastraktura. 

“It’s very painful to see people dying… for an illness that should’ve been preventable.” dagdag ni Garin. 

Batay sa datos ng DOH, umabot na sa 2,396 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7.

Kasama rito ang dose-dosenang nasawi, kabilang ang 13 na namatay sa San Lazaro Hospital mula Hulyo 13 hanggang Agosto 6. 

Ang leptospirosis ay sakit na dulot ng Leptospira bacteria na naipapasa sa pamamagitan ng kontaminadong tubig na may ihi ng hayop. 

Karaniwang dumarami ang kaso nito tuwing panahon ng tag-ulan lalo na sa mga mababang lugar na madalas bahain.

Kabilang sa mga sintomas ang lagnat, panginginig, pananakit ng kalamnan at ulo, pagsusuka, at paninilaw ng balat at mata. 

Sa gitna ng pagtaas ng kaso, patuloy na bumibigat ang sitwasyon sa mga ospital sa Metro Manila.

Umaabot na sa 300 porsyento ang kapasidad ng emergency room sa Philippine General Hospital (PGH); sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), 75 porsyento ng mga pasyente ng leptospirosis ay naka-dialysis; at sa Ospital ng Maynila, tumalon mula 66 hanggang 77 ang kaso sa loob lamang ng isang araw. 

Dahil dito, nagtayo ang DOH ng mga Leptospirosis Fast Lane sa 19 na ospital upang pabilisin ang pagsusuri at gamutan ng mga taong naapektuhan ng baha.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing pagrepaso sa lahat ng flood-control project at binalaan na ‘no one will be spared’ kung mapatutunayang may pananagutan sa mga palpak, di-natapos, o ghost na proyekto. 

Gayunpaman, binalaan ni Garin na ang pag-uugnay ng mga isyung ito sa pagtaas ng kaso ay nagiging pamumulitika sa gitna ng pangkalusugang krisis—isang posisyon na taliwas sa mensahe ng administrasyon.

Sa huli, patuloy ang babala ni Health Secretary Teodoro Herbosa na nakamamatay ang leptospirosis kung hindi agad magagamot. 

Kaya naman, pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na iwasang lumusong sa baha, magsuot ng protective boots, takpan ang sugat, at magpakonsulta agad sa doktor. 

Bagama’t inirerekomenda ang doxycycline bilang lunas, hinihikayat ng DOH na kumonsulta muna bago uminom nito upang maiwasan ang maling paggamit at antimicrobial resistance.

Sa gitna ng leptospirosis surge, malinaw ang mensahe ni Garin: dapat nakatuon ang atensyon sa pagpigil, maagap na gamutan, at pagsalba ng buhay—hindi sa pamumulitika.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...