Pinakamataas na bilang ng struggling readers sa bansa, pasan ng CamSur

Photo Courtesy of EDCOM 2

Sa kabila ng naitalang pagbuti sa kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral sa buong bansa, nananatiling Camarines Sur ang may pinakamataas na bilang ng struggling readers sa Key Stage 1 o mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3, ayon sa pinakahuling datos ng Department of Education (DepEd) na inilathala ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).

Batay sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), umabot sa 15,251 ang bilang ng mga mag-aaral sa Camarines Sur na nangangailangan pa ng masinsinang interbensyon sa pagbasa, pinakamataas sa lahat ng school divisions sa bansa. 

Higit namang mas kaunti ang naitalang struggling readers sa mga karatig-probinsya nito sa Bicol: Albay (5,237), Sorsogon (4,878), Masbate (4,712) at Camarines Norte (4,467).

Pag-angat sa gitna ng malaking agwat

Bagama’t nakapagtala ang DepEd ng pagtaas sa bilang ng mga mag-aaral na umabot sa inaasahang antas ng pagbasa sa pagtatapos ng School Year 2025–2026, ipinakita rin ng pagsusuri ng EDCOM 2 na halos isa sa bawat dalawang mag-aaral sa bansa ay hindi pa rin nakaabotsa grade-level reading proficiency.

Tumaas man ang bilang ng mga learner na “Grade Level Ready” at “Independent Readers,” nananatiling malawak ang learning gap sa iba’t ibang rehiyon. 

Ayon sa komisyon, mahalagang tingnan hindi lamang ang pagtaas ng literacy performance kundi maging ang lawak ng mga batang nangangailangan pa ng agarang suporta upang maiwasang madala ang kahinaan sa pagbasa hanggang sa mas mataas na baitang. 

Pundasyon sa pagbasa, susi sa pagkatuto

Ipinaliwanag ng EDCOM 2 na ang kakayahang bumasa sa unang tatlong baitang ang nagsisilbing pundasyon ng pagkatuto sa lahat ng asignatura.

Kapag hindi umano natugunan ang kahinaan sa pagbasa sa mga unang taon ng pag-aaral, mas tumitindi ang hirap ng mga mag-aaral sa pag-unawa sa iba pang aralin habang tumataas ang kanilang baitang. 

Dahil dito, patuloy na isinusulong ng DepEd ang pagpapalawak ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, paggamit ng CRLA sa mas maagang pagtukoy sa mga nangangailangang mag-aaral, at pagpapatibay ng reading intervention upang mapabilis ang pag-angat ng literacy sa mga paaralan. 

“We see that in the first full year of ARAL alone, significant progress has been made already in supporting our students, following the hard work of the agency and our teachers. Moving forward, our task now is to design specialized supports to our students in high school, and to better differentiate interventions to help our students actually reach ‘grade level readiness.’”  ayon pa ni Karol Mark Yee, Executive Director ng EDCOM 2 

Higit pa sa estadistika

Para sa mga eksperto sa edukasyon, ang mataas na bilang ng struggling readers ay hindi lamang usapin ng kakayahang bumasa kundi salamin din ng mas malawak na hamon sa kalidad ng edukasyon, kabilang ang learning loss matapos ang pandemya, madalas na pagliban sa klase, at kakulangan sa agarang remedial support. 

Ayon sa EDCOM 2, nangangailangan ng sama-samang pagtugon ng DepEd, mga lokal na pamahalaan, paaralan, guro at mga magulang upang matiyak na walang batang maiiwan sa pagkatuto.

“We commend DepEd for undertaking a comprehensive literacy assessment, even going the extra mile to examine how our students are doing in Senior High School.” saad ng EDCOM 2.

Dahil dito, nananatiling hamon sa DepEd at iba pang sektor ng edukasyon ang pagpapalawak ng mga reading intervention upang mas maraming mag-aaral ang makamit ang inaasahang antas ng pagbasa sa mga susunod na taon.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...