
Orlando Liwag
Agad na napigilan ng mga opisyal ng paaralan at pulisya ang isang umamo’y planong pamamaril na kinasasangkutan ng isang Grade 10 student sa General Mariano Alvarez, Cavite nitong Martes, Hunyo 30.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office (CPPO), mabilis na umaksyon ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga opisyal ng General Mariano Alvarez Technical High School.
Napag-alaman ang nasabing banta nang madiskubre ng isang guro ang mga mensahe online na naglalaman umano ng detalye ng planong pamamaril sa loob ng kampus na nakatakda sana sa Hulyo 2.
“The DepEd officials, Local Chief Executive and the Philippine National Police (PNP) in
the municipality were prompted in order to do everything to prevent the incident from
happening,” pahayag ng pamunuan ng paaralan noong Hunyo 28.
Bunga ng agarang koordinasyon, kasama ang kinauukulang pamilya at mga opisyal ng barangay, narekober ng mga awtoridad ang ‘improvised’ at hindi rehistradong baril bago pa man ito magamit.
Dahil menor de edad ang suspek, agad na inilipat ang mag-aaral sa Municipal Social Welfare and Development upang sumailalim sa tamang paggabay at rehabilitasyon, alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kaukulang reklamo alinsunod sa mga umiiral na batas.
Naitala ang pagpigil sa insidente kasabay ng paglitaw ng mga banta ng pamamaril sa mga paaralan sa Batangas at Negros Occidental. Kasunod din ito ng trahedya sa isang paaralan sa Tacloban kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 13 iba pa ang nasugatan kamakailan.
Binigyang-diin ng CPPO sa kanilang pahayag na ang insidente ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging mapagmatyag, agarang pag-uulat, at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga paaralan, pamilya, komunidad, at kinauukulan upang maiwasan ang mga potensyal na trahedya.
Pinayuhan din ng kapulisan ang publiko na agad iulat ang anumang banta at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon o ang paglalantad sa pagkakakilanlan ng mga menor de edad na sangkot sa imbestigasyon.