Hanggang saan aabot ang 85 pesos mo?

Walumpu’t limang piso. Isang order ng ulam sa karinderya at isang soft drinks na panulak. Mahigit isang kilo lamang ng bigas na kakasya ng ilang araw. At isang litro ng gasolina ay ubos na sa loob ng isang oras. Ngayon, isipin natin kung ito ang dagdag na inaasahang sasalo sa tumataas na gastusin ng bawat Pilipino sa isang araw. 

Inanunsyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang pagtaas ng minimum na sahod noong Martes, Hunyo 30. Magtataas ito sa halagang P85 at ipapatupad ito sa pamamagitan ng dalawang tranches. Inaasahan na sa pagsapit ng Enero sa susunod na taon ay aabot na sa ₱780 kada araw ang minimum na sahod sa Metro Manila. 

Ang pagtaas ng minimum wage ay isang malaking hakbang na makatutulong sa mga manggagawang Pilipino upang tugunan ang kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw. Dagdag pamasahe na ito bunsod ng tumataas na presyo ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan. Maaari rin itong ilaan sa school allowance ng mga bata at sa iba pang gastusin gaya ng pagkain, gamot, at iba pa. Ayon kay Tolentino, mahigit kumulang 1.1 milyong Pilipino mula sa National Capital Region (NCR) ay inaasahang makikinabang sa hakbang na ito. 

Hindi maliit ang walumpu’t limang piso. Ngunit hindi rin sapat ang halagang ito upang makahabol sa bilis ng pagtaas ng presyo. 

Karaniwang isang beses lamang sa loob ng isang taon puwedeng itaas ang sahod ng mga manggagawang Pilipino sa isang rehiyon. Ito ay ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) Resolution No. 05, Series of 2024. Walang-wala ang isang beses na pagtaas ng sahod sa patuloy na paglaki ng presyo ng mga bilihin. Halimbawa, hindi pa man nangangalahati ang taon, apat na beses nang tumaas ang inflation rate sa bansa. Mula sa 2.0% noong Enero, umakyat ito hanggang sa umaabot ito sa pinakamataas na antas ngayong taon na 7.2% nitong Abril, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority. Isa itong patunay na mas mabilis tumaas ang presyo ng mga bilihin kumpara sa sahod ng mga manggagawa. 

Higit pa sa karaniwang inflation, nariyan din ang mga pandaigdigang krisis na nakaaapekto sa patuloy na paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Halimbawa na lamang ay ang patuloy na alitan ng United States (U.S.) at ng Iran na siyang nagdulot ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz at nag-ambag sa pagtaas ng presyo ng petrolyo. Kalaunan, umabot na rin ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin gaya ng pagkain, pamasahe, kuryente, at iba pa. 

Dahil dito, unti-unting nababawasan ang purchasing power ng mga manggagawa. Bagama’t mas mataas na ang halagang matatanggap nila, mas kaunti ang kanilang mabibili dahil sa nagpapatuloy na banta ng inflation. Ito ang dahilan kung bakit mabilis na mababawasan ang tunay na halaga ng walumpu’t limang piso na dagdag sa minimum na sahod. 

Higit pang lumiliit ang aktuwal na naiuuwing kita ng mga manggagawa dahil sa mga kontribusyon sa pamahalaan gaya na lamang ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. Bagama’t hindi pinapatawan ng income tax ang mga manggagawang sumasahod ng minimum wage, nariyan pa rin ang iba pang bayarin at mga indirect tax gaya na lamang ng Value-Added Tax (VAT) mula sa mga produkto at serbisyong tinatangkilik araw-araw. Kung gayon, nawawalan ng saysay ang naiuuwing kita dahil kokonti na lamang ang halagang maaaring gastusin dulot ng iba’t ibang mga kaltas. 

Kung sasabayan pa ito ng unti-unting pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ano na lamang ang matitira sa walumpu’t limang piso? 

Mas lalo itong nagiging komplikado dahil binibigay ang dagdag sa sahod na ito sa pamamagitan ng dalawang tranches. Ayon sa DOLE, ang unang tranche ay ipapatupad sa Hulyo 19, kung saan madadagdagan ng P60 ang kasalukuyang sahod. Ang ikalawang tranche naman—na nagkakahalaga ng ₱25—ay ipapatupad sa Enero 20 sa susunod na taon. Kung maghihintay pa tayo ng anim na buwan bago ganap na mabuo ang ₱780 kada araw, paano na lamang kung mauunahan na naman ito ng panibagong pagtaas ng mga bilihin? 

Hindi na kataka-takang nananawagan ang ilang labor groups sa pagtaas ng sahod na hindi bababa sa ₱200 at dagdag na ₱1,200 na living wage. Hindi na lamang ito simpleng usapin ng paghingi ng mas malaking kita; isa itong panawagan na gawing sapat ang sahod upang matugunan ang aktuwal na halaga ng pamumuhay sa kasalukuyan–lalo na sa isang malaking siyudad gaya ng Metro Manila. 

Ayon sa ulat ng IBON Foundation noong April 2026, pumapalo sa ₱1,289 bawat araw ang living wage o ang tinatayang halaga upang mamuhay nang may dignidad ang isang mamamayan sa NCR. Ang living wage ay higit sa kakayahang matugunan ang ating pangunahing pangangailangan. Nagbibigay ito ng pagkakataon na magkaroon tayo ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at maging ang kaunting ipon para sa mga hindi inaasahang gastusin. Kung ikukumpara ang living wage sa minimum na sahod sa Metro Manila, hindi ito sapat upang mabuhay nang may dignidad ang mga manggagawa. 

Hindi lamang ito makikita sa datos; isa rin itong realidad na patuloy na kinakaharap ng maraming manggagawang Pilipino. 

Para kay Marie Grefaldo, bise presidente ng Association of Minimum Wage Earners and Advocates (AMWEA) na nagtatrabaho sa isang paper mill sa Bulacan, pakiramdam niya ay mas mababa pa sa minimum na sahod ang kanyang kinikita dahil sa mataas na halaga ng pamumuhay sa isang probinsyang malapit lamang sa kabisera. Ayon sa kanyang panayam sa Rappler, tuwing namimili siya ng kanyang mga groceries, naglalaan siya ng P150 para sa manok. Ngunit habang mas mabilis na tumataas ang presyo nito kaysa sa kanyang sahod, nanatili pa rin sa P150 ang kanyang badyet–mas kaunti nga lang ang kanyang naiuuwing manok kaysa dati. 

Isa lamang si Marie sa mga manggagawang Pilipino na pilit na pinagkakasya ang natatanggap nilang minimum na sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang kanyang karanasan ay isang malinaw na salamin sa mapait na katotohanang hindi sapat ang walumpu’t limang pisong dagdag na sahod upang makamit ang isang pamumuhay na may dignidad. 

Ngunit hindi lang ang halaga ng minimum wage ang dapat na pag-usapan; isa ring malaking usapin ang saklaw nito. 

Sa kasalukuyan, Metro Manila lamang ang saklaw ng ₱85 na pagtaas ng minimum wage. Gayunpaman, hindi lamang sa siyudad tumataas ang presyo ng mga bilihin; nararanasan din ito ng mga manggagawa sa probinsya na patuloy na nakikipagsapalaran sa gitna ng tumataas na halaga ng pamumuhay. Bagama’t magkaiba ang realidad ng mga nasa probinsya, hindi sila ligtas sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin. 

Dahil dito, lalong lumalawak ang agwat sa pagitan ng mga manggagawa sa lungsod at sa probinsya. Kung mananatiling hindi pantay ang sahod ng mga mamamayan sa iba’t ibang parte ng bansa, maaaring mahikayat ang mga ito na makipagsapalaran sa lungsod, kahit ang kapalit ay ang mas mataas na halaga ng pamumuhay at pakikipagsik-sikan sa mataong kabisera. 

Hindi dapat maging luho ang pamumuhay na may dignidad. Kung gayon, panahon na upang isaalang-alang ng gobyerno ang pagtiyak na sapat ang halaga ng minimum na sahod sa kasalukuyang halaga ng pamumuhay sa bansa. Nararapat na nakakasabay ito sa pang-araw-araw na realidad ng mga Pilipino at tunay na nakakatulong sa kanilang antas ng pamumuhay. 

Wala sa pagtaas ng minimum wage ang sukatan ng pag-unlad ng bansa; ito ay nasa kakayahan ng bawat mamamayan na tugunan ang kanilang pangangailangan sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Hangga’t patuloy na pinagkakasya ng maraming pamilyang Pilipino ang bawat sentimo para lamang makapaghanda ng pagkain sa mesa tatlong beses sa isang araw, hindi pa lubos na matatawag na maunlad ang Pilipinas. 

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...