Qualification standards para sa school mental health positions, aprubado na ng CSC

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Zyra Marie Patosa

Upang mapunan ang kakulangan ng mental health professionals sa mga pampublikong paaralan, ipinasa na ng Civil Service Commission (CSC) ang mga pamantayan ng kwalipikasyon para sa 10,000 bagong posisyon ng School Counselor Associate I.

Ang aksyong ito ay alinsunod sa Republic Act 12080, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na nilagdaan noong 2024.

Bukod dito, itinakda rin ng CSC ang malinaw na career progression para sa mga mental health personnel, mula sa antas ng School Counselor I hanggang IV at Schools Division Counselor.

Pagtugon sa isyu ng pagkaantala

Matatandaan ang sunod-sunod na pagbatikos ng House Basic Education Committee nitong ika-24 ng Hunyo sa matagal na pag-apruba ng naturang mga tuntunin ng CSC.

Ipinunto ng Kamara na ang pagkaantala nito sa mga papeles ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pa ganap na naipatutupad ang Republic Act 12080, halos dalawang taon matapos itong lagdaan.

Ito rin umano ang dahilan kung bakit hindi kaagad maumpisahan ang pag-hire kahit na may nakalaang ₱2 bilyon na pondo para sa 2026.

​Sa naging pagdinig, binigyang-diin ni Rep. Roman Romulo, House Basic Education Committee Chair at co-chair ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), ang pangangailangan ng agarang aksyon, lalo na sa gitna ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan tulad ng pamamaril sa Tacloban City kung saan dalawang menor de edad ang mga suspek sa pagkasawi ng dalawang estudyante at pagkasugat ng 20 iba pa.

“Why did it take so long? That law is still in 2024. So how long will it take?” ani Romulo.

Gayunpaman, ngayong naaksiyunan na ng CSC, maaari na ngayong likhain ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga kinakailangang plantilla positions.

Sa kabilang banda, itinuring ni Education Secretary Sonny Angara sa isang statement release nitong Hulyo 1 ang pag-apruba na ito bilang isang “major milestone” sa pagpapatupad ng RA 12080.

Kwalipikasyon at susunod na mga hakbang

Ang posisyong counselor associate ay bukas sa mga nagtapos ng psychology, behavioral science, o guidance and counseling na may 200 oras na relevant training, at hindi nangangailangan ng lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC).

Kasalukuyan nang binabalangkas ng Department of Education (DepEd) ang internal guidelines para sa proseso ng recruitment, appointment, at deployment ng mga bagong kawani.

Ani Angara, ito ang unang yugto ng pagpapalawak ng mental health workers sa mga paaralan.

Samantala, hinikayat naman ni Senate President Sherwin Gatchalian, ang pangunahing may-akda ng batas, ang DepEd na huwag nang mag-aksaya ng panahon sa pagpuno ng mga bakanteng posisyon.

2 Votes: 0 Upvotes, 2 Downvotes (-2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...