Preserbasyon pa rin ba ang mga punong nakahandusay sa dis-oras ng gabi?

Kharl Duztin Tabianan

Ang pagpreserba at pagprotekta sa kalikasan ay dapat singtibay o tatag din ng mga punong naka-ugat sa lupa. Kung pagliligtas sa mga puno talaga ang intensyon, mahalagang tugma at makita rin ito sa bawat aksyon. Kung hindi tugma ito, hindi natin masasabing may naililigtas na puno.

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang inaasahang manguna sa mga usaping pangangalaga ng kalikasan at pagpapanatili ng mga puno. Ngunit kasunod ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ahensya hinggil sa earth-balling sa ilang proyekto, muling nabuksan ang usapin kung ang mga aktibidad na ito ay tunay bang nakakatulong sa kalikasan, o nagiging anyo na lamang ng kontroladong destruksyon dahil sa paraan ng pagsasagawa nito.

Proteksyon o destruksyon?

Ang earth-balling ay proseso ng paglipat ng puno sa pamamagitan ng pagbunot nito kasama ang lupa at ugat na nakapaligid dito. Ginagamit ito bilang paraan upang maiwasan ang tuluyang pagkamatay ng mga puno sa mga proyekto sa imprastraktura. 

Gayunpaman, ang prosesong ito ay naging sentro ng kritisismo dahil sa mga ulat na tila hindi nasusunod ang wastong pamantayan sa pagbunot at paglilipat ng mga puno.

Kaya’t mahalagang masiguro na ang bawat hakbang na may kinalaman sa kalikasan ay naisasagawa nang tama at may sapat na pag-iingat. Dahil minsan, ang earth-balling na dapat sana’y nagsisilbing proteksyon ay nauuwi rin sa destruksyon.

Bunot sa dilim

Noong Hunyo 11, 2026, ibinahagi ng concerned citizen na si Tay Mesario sa social media ang isang bidyo ng operasyon ng mga manggagawa kung saan makikitang binubunot ang mga puno sa Roxas Boulevard dakong alas-diyes y medya ng gabi. 

Sa naturang bidyo, makikita ang ilang puno na nakahandusay at may mga ugat na tila naputol o nabawasan na. Nagdulot ito ng matinding kontrobersiya matapos kuwestiyonin ng marami kung bakit may ganitong operasyon pa rin sa kabila ng pagsuspinde ng DENR sa San Miguel Corporation (SMC) sa pagsasagawa ng mga aktibidad gaya ng tree-cutting at earth-balling bilang bahagi ng kanilang proyekto na Southern Access Link Expressway (SALEx).

Bagama’t matagal nang aprubado at awtorisado ng DENR ang pagsasagawa ng earth-balling, kinakailangan itong maisagawa nang wasto. Kabilang sa mga pangunahing pamantayan nito ang:

  •  Paglalagay ng rooting hormone bago bunutin ang puno upang makatulong sa pag-angkop nito sa bagong lugar.
  • Pagpapanatiling buo ng root ball o ng lupang nakapaligid sa ugat upang hindi masira ang root system.
  • Maingat na pagbubuhat at paglilipat sa puno upang mabawasan ang pinsala sa mga sanga, katawan, at ugat nito.

Batay sa mga itinakdang kondisyon ng DENR, malulusog na mga puno lamang ang maaaring sumailalim sa earth-balling. Dapat ding walang harang at maayos ang paligid ng bubunuting puno upang maisagawa nang wasto ang pagbunot at paglipat. Gayundin, ang pagkakaroon ng lugar na paglilipatan upang matiyak ang patuloy nitong paglaki at kaligtasan.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang DENR at SMC kung ang nasabing operasyon sa Roxas Boulevard ay pagpapatuloy ng naunang nasuspindeng aktibidad o isang aprubadong earth-balling operation na bahagi ng proyekto.

Ang mga nasuspindeng tree-cutting at earth-balling operation para sa SALEx ay nagkaroon ng reassessment kung kaya bang mailigtas ang dami ng mga punong nabunot sa pamamagitan lamang ng pagsasawa ng relocation o earth-balling.

“If properly earthballed, there is a high chance that it will survive, [especially] with proper maintenance, regular watering, and of course, our use of a rooting hormone, which could guarantee around 80% of survival,” ani ni Arturo Calderon ng DENR-NCR development division.

Bagama’t mataas ang tsansa ng survival ng mga punong sumailalim sa earth-balling, ang edad, uri, laki, at kondisyon ng puno ay ilan sa mga salik na nakaaapekto sa survival rate nito.

Dahil dito, nananatiling mahalagang usapin kung ang bawat earth-balling operation ay naisagawa alinsunod sa mga itinakdang pamantayan upang matiyak ang kaligtasan ng mga punong inililipat. 

Ilan sa mga naitalang kaso ng hindi matagumpay na earth-balling ay ang mga sumusunod:

  • 2013: Namatay ang isang earth-balled pine tree sa Baguio City matapos itong ilipat kaugnay ng isang mall expansion project.
  • 2023: Humigit-kumulang 200 puno sa Cebu ang namatay matapos mailipat ng isang contractor na umano’y kulang sa sapat na teknolohiya at kagamitan.

Dama ang bawat puno

Mula 2001 hanggang 2025, humigit-kumulang 1.6 milyong ektarya ng tree cover, katumbas ng 8.0% ng kabuuang tree cover noong 2000, ang nawala sa Pilipinas. Nagresulta ito sa tinatayang 960 milyong metriko tonelada ng carbon dioxide equivalent (CO₂e) emissions. Gayunpaman, hindi pa kabilang sa bilang na ito ang mga nadagdag na tree cover sa parehong panahon.

Hindi ito simpleng usapin ng pagbubunot o pagpuputol ng puno.

Ang bawat pagkawala ng tree cover ay may kaakibat na epekto sa kapaligiran. Ang carbon dioxide na nananatili sa atmospera ay nagtatrap ng init, na nagpapalala sa epekto ng climate change at nakaaapekto sa balanse ng mga ecosystem.

Kasabay nito, ang pagkawala ng mga puno ay nagpapababa sa kakayahan ng lupa at mga ugat na sumipsip ng tubig-ulan, na maaaring magresulta sa:

  • Soil erosion o pagguho ng lupa
  • Pagbaha
  • Tagtuyot
  • Pagkagambala sa natural na water cycle

Sa bawat matinding init na ating nararanasan at sa bawat pagbabang ating tinatahak, naroon ang paalala kung gaano kahalaga ang papel ng mga puno sa ating kapaligiran.

Tag-ulan man o tag-init, madarama natin ang epekto nito.

Sukatan ng proteksyon

Kung talagang proteksyon at preserbasyon ang layunin ng earth-balling, hindi sapat na mailipat lamang ang mga puno sa ibang lugar.

Ang tunay na sukatan nito ay kung ilan sa mga punong iyon ang patuloy na mabubuhay at lalago pagkalipas ng mga taon. Sapagkat ang earth-balling ay hindi nasusukat sa dami ng punong nabunot, kundi sa dami ng punong nananatiling buhay at nakatayo.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...