Sa ilalim ng mantel: Pistang handa, pahingang bula

#CartoonOnPoint by Chelsea Ramboyong

Matapos ang paghupa ng ingay mula sa kapaskuhan, maitabi ang mga kagamitan at mahugasan ang mga pinggan, ang sigla mula sa kwentuhan, pagbubukas ng regalo, at pagsasalo sa handang sagana, tila nagkahangganan din ang mahika ng kasihayan. Sa likod ng bawat magarbong mesa ay ang walang humpay na paggawa ni Nanay mula sa pagluluto ng mga putahe, paglilinis ng bakuran, pagbabantay sa apo, at paghihintay kapag may kulang sa hapag. Sa likod ng handang hinahangaan ay isang babaeng gising mula umaga hanggang gabi habang normal lang sa lahat ang kanyang pagod na tinatamasa. Marahil hindi ito isang mahika—hindi ko na kayang magdiwang nang hindi tinatanong kung kaninong pagod ang pinagmumulan ng saya. 

Ayon sa Philippine Commission on Women, ang kababaihan sa Pilipinas ay gumugugol ng halos 11 oras kada araw sa unpaid care at domestic work na kinabibilangan ng pagluluto, paglalaba, pangangalaga sa mga bata at nakatatanda na siyang patuloy na pumipigil sa kanila na magkaroon ng oras para sa bayad na trabaho o sariling pag-unlad. Ang National Household Care Survey mismo ay nagpakita na ang mga babae ay nakakaranas ng “second shift” pagkatapos ng kanilang opisyal na trabaho na naglalagay sa kanilang well-being sa gitna ng pagkukulang ng pahinga at personal na oras. 

Hindi lang basta gawaing bahay ang usapan dahil ito ay nagiging uri ng mental at emotional labor. Si Nanay Marites, isang guro sa probinsya, ay hindi lang nagluluto kundi siya rin ang nag-aayos ng budget ng pamilya, nagpaplano kung sino ang sasalang sa misa, at lagi pang inaalala kung sapat ang regalo para sa mga pamangkin. Ang ganitong “listahan sa isip” ay hindi nakikita sa mga numero ngunit ito ang bumibigat sa isipan ng kababaihan habang ang iba ay nagbibilang ng oras ng pahinga at pagdiriwang. Ang ganitong uri ng trabaho ay hindi nasasama sa Gross Domestic Product ng bansa kahit na kung ikukwenta ay katumbas sa malaking porsyento ng ekonomiya. 

Ang kawalan ng pagkilala ay hindi biro dahil ang unpaid care work ng mga kababaihan ay tinatayang katumbas ng halos ₱2 trilyong halaga, o halos 20 % ng GDP ng bansa ngunit nananatiling hindi binibigyang halaga. Ito ang produktibidad na tahimik na nagpapagana sa ekonomiya dahil may nagluluto at nag-aasikaso, may nakakapagtrabaho at nakakapag-aral. Ngunit para sa mga babaeng gumagawa nito, ang kapalit ay pagiging invisible at disposable—hindi binabayaran, hindi binibilang, at hindi iniisip sa paggawa ng polisiya. Habang buhat nila ang pundasyon ng lipunan, itinutulak sila palabas ng teknikal at pinansyal na espasyo at ibinabaon sa time poverty sa pagnakaw ng oras para sa sariling pag-unlad.

Ang mga tradisyunal na gender roles ang nagpapalakas sa ganitong di-balanseng distribusyon ng trabaho. Sa karamihan ng tahanan, iniisip pa rin na ang babae ang “bahala sa bahay,” habang ang lalaki ang inaasahang breadwinner. Kahit may full-time job si Nanay Marites, siya pa rin ang inaasahang maglilinis, maghahanda ng tanghalian, at mananatiling alerto kung may bisita. Ito ay hindi lamang nakakaapekto sa oras kundi pati sa oportunidad dahil tinitignan na ang mga babaeng hindi makaalis sa dagdag na responsibilidad ay mas madalang na ma-promote, mas kaunti ang oras para sa kanilang passion o edukasyon, at mas malala ang epekto sa kanilang career at kalusugan. 

Hindi madali para kay Lola Nene na nag-aalaga rin ng apo habang inaasikaso ang bisikleta nito at nagbabantay sa mesa. Hindi biro ang tawagin siyang “lola,” “nanay,” at “ate” sa isang araw, sabay sabing “magpahinga ka na” na may halong pag-aasang ipagpapatuloy niya ang trabaho. Sa bawat tawag na iyon ay may kasamang pag-asa na magugugol ng libo-libong minutong paglingkod na hindi kasama sa sahod pero inaasahan ng lipunan mula sa kaniya. 

Ngunit para kay Lola Nene, ang kanyang pagkilos ay hindi lang bunga ng gendered norms kundi ng tunay na pagmamahal—isang kusang loob na pagkalingang nagbibigay saysay sa Pasko at Bagong Taon ng buong pamilya. Hindi ito nakakababa ng pagkatao dahil ang nagiging mapang-api ay ang patriyarkang sistemang binabalot ang ganitong pagmamahal bilang “trabaho ng babae,” na para bang obligasyon at hindi piniling alay. Ang mahalaga ay hindi ang pagpigil sa pag-aaruga kundi ang pagkakaroon ng kaagapay at paggalang dahil ang pag-ibig, kapag pinasan mag-isa, ay kalaunang nauuwi sa kapaguran.

Panahon na para mabago ang mga naratibo na hindi sapat ang simpleng pasasalamat. Hindi dapat sinosolo ng mga kababaihan ang responsibilidad mula sa pagpa-plano hanggang sa pagtupad ng kasiyahan. Nararapat itong samahan ng pagkilala at pagbabago sa mga norms at responsibilidad sa bahay kagaya ng patas na paghahati ng gawaing bahay, suporta sa mga working mothers at caregivers, at polisiya na tunay na kumikilala sa halaga ng unpaid care work. Ang kapaskuhan at holidays ay hindi dapat oras ng labis na pagod para sa mga babae kundi panahon ng pahinga para sa lahat.

Hangga’t ang saya ay nakatuntong sa pagod na hindi nakikita, mananatiling kulang ang diwa ng pista—hindi lang sa handa sa mesa kundi sa katarungan sa gawaing nagpapagana sa bawat tahanan.

11 Votes: 10 Upvotes, 1 Downvotes (9 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...