Sana, electrician na lang ako

#CartoonOnPoint by Clark Echano

Dati, manghang-mangha ako sa mga kayang kumumpuni ng kuryente. Kaunting kalikot lang, napasisindi na nila ang mga appliances na nasisira. Sa katunayan nga, kapag tinatanong ako kung anong gusto ko na trabaho, hindi ako nangingiming isagot na gusto ko talagang maging electrician.

Lagi akong nakasubaybay kay papa sa tuwing inaayos niya ang kuntador ng aming kuryente. Minsan ay taga-abot ng mga materyales at madalas ay tagahawak ng lente kapag inaabot na siya ng dilim sa pagbubutingting. Gusto ko ‘yong ginagawa ko kahit na nakakangalay.

Laging nariyan si mama pagtapos naming magtrabaho ni papa. Bitbit ang supot ng monay at dalawang bote ng softdrinks, marahan niyang pupunasan ang pawis sa likod naming dalawa. Bagamat lagi akong nasa tabi ni papa, hindi ko naman maikakaila na mas sanggang-dikit kami ni mama. Palagi siyang nariyan kahit hindi ko kailangan. Maya’t maya niya akong inaalalayan kahit na kaya ko naman. Lagi niya akong pinaalalahanan kahit na alam ko naman. Kung nawawala ako, nariyan siya para ako’y ilawan upang ‘di maligaw.

Akala ko, palagi akong maliliwanagan. Nagising na lamang ako nang hindi ko na nakikita ang paligid- black out ang paligid. Nakakatakot kasi hindi ko alam kung saan ako mapupunta. Nawawala na naman ako, ngunit hindi gaya ng dati, walang umaalalay sa akin hanggang sa may maaninag na ako. Bayad naman ang aming kuryente. Siguro, napundi na ang ilaw namin. Napagod na yata si mama.

Ang totoo niyan, kaya ko tinatiyaga na manatili kay papa sa tuwing siya ay may kinukumpuni, kasi gusto kong matuto na mag-ayos kapag napundi ang pinakamaliwanag na ilaw sa buhay namin. 

Sa tinagal-tinagal ko sa pagkatuto, ni hindi ko man lang naisalba ang matagal nang tumatanglaw sa amin. Sana sa susunod na buhay ay electrician na lang ako, para alam ko ang gagawin kung mapundi uli ang pinagkakaingatan kong ilaw.

4 Votes: 4 Upvotes, 0 Downvotes (4 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...