Teka, parang napanood ko na ‘to?

Cirujano de Corazon 

Hindi man maulit ang eksaktong nangyari sa kasaysayan, kadalasan nama’y magkatunog ang nagiging himig nito, lalo na sa politika.

Hindi puwedeng nagkataon lang na may Aquino ang nakaupo sa Senado at Duterte na nagpoprotesta laban sa isang Marcos na naluklok sa puwesto. Kumbaga sa isang teleserye, ito ang season 2 — inabot lang ng apat na dekada ang production.

Ang mga Aquino

Noong eleksyon ng 2025, pangalawa sa may pinakamaraming boto si Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa pagka-senador. 

Hindi na ito ang unang pagkakataong may Aquino sa senado: nauna ang kanyang tiyuhin na si Benigno “Noynoy” Aquino III na kalauna’y naging Pangulo ng Pilipinas, at si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Nagkataon lang na siya at si Bam ay nanilbihan sa ilalim ng isang presidenteng may apelyidong Marcos. 

Hinirang na senador noong 1967, si Ninoy ay ang pinakamatalas na oposisyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., dahilan upang siya ay ipadakip nang ideklara ang batas militar noong 1972. Siya ang naging boses ng demokrasya sa gitna ng mga abuso ng rehimeng Marcos, ngunit noong 1983, siya ay pinaslang habang pababa sa eroplano sa Manila International Airport. Ang kanyang pagkamatay ay isa sa mga naging mitsa ng EDSA People Power noong 1986.

Ngayon, may Marcos ulit sa puwesto at may Aquino sa Senado — ngunit iba ang nagiging takbo ng kanilang relasyon. 

Ang mga Marcos

Noong 2022, naupo sa puwesto sa pagkapangulo ang anak ni Marcos Sr. na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilalim ng alyansang UniTeam kasama si Bise Presidente Sara Duterte. Ngunit nagiba rin ito matapos lang ang humigit-kumulang isang taon — at nag-ugat ito sa alegasyon ng korapsyon, pag-abuso sa pondo, at pati na ang pagnanais ni Marcos Jr. na amyendahan ang konstitusyon — na nangyari na rin dati. 

Ang termino ni Marcos Sr. ay naaalala ngayon sa pagiging marahas nito. Mula 1972 hanggang 1986, tinatayang 11,603-60,000 ang naging biktima ng rehimen. Siya rin ang may pinakamatagal na panunungkulan sa opisina: sa pag-amyenda ng 1935 Constitution, napahaba ang kanyang termino na naging kanlungan ng 1973 Constitution.

Ang nangyari noong 1972-1973 ay halos sumasalamin sa kung ano ang gustong gawin ni Marcos Jr. ngayon: may baguhin sa konstitusyon. Ang pagkakaiba lang, mas maamo si Marcos Jr., ngunit kahit na ganoon, tinutulan pa rin siya ng mga Duterte. 

Matagal na’ng hindi puwedeng paghaluin ang mga Marcos at Duterte — dahil bukod kay Ninoy, ay may isang Duterte na noo’y isa ring boses sa ilalim ng dilaw na bandila.

Ang mga Duterte

Mula pa noong dekada 70s-80s ay may isang Duterte na lumaban sa diktadurang Marcos. Matatandaang noong Agosto 2016 ay ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagpapalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani.

Kilala bilang “Nanay Soling”, si Soledad Duterte, ina ni Rodrigo Duterte, ang namuno sa Yellow Friday Movement, isang samahang tumututol sa pamamalakad ni Marcos Sr. Ang kulay sa pangalan ng kanilang kilusan ay hango sa mga dilaw na lasong itinali sa Manila International Airport na hindi na natunghayan pa ni Ninoy — at siya ring naging kulay ng paglaban sa rehimen.  

Bagama’t sinubukan ng UniTeam ang pakikipagtambalan sa Marcos, hindi rin ito umubra — ngayon, si Sara Duterte na ang aktibong bumoboses laban kay Marcos Jr., ngunit hindi dahil sa diwa ng Yellow Movement tulad ng sa kaniyang lolang si Soledad.

Sana’y maulit muli

Nangyari man na parang naulit ang kaganapan noong dekada 70s-80s ay naiba naman ang naging takbo ng kanilang relasyon at pinaglalaban: wala nang matinding bangayan ang Marcos at Aquino, bagkus ay mas maamo na sila sa isa’t isa; ang Duterte naman ay sa pansariling interes na ang inilalaban matapos ang pagkabasag ng UniTeam.

Hindi nagkataong may Marcos-Duterte-Aquino ulit sa gobyerno, dahil kung lalagumin natin, malalim ang naging presensya nila sa politika kung kaya’t sila ang pinili ng kani-kanilang kampo base sa naging kasaysayan ng kanilang mga ninuno — naiba man ang kanilang mithiin at ipinaglaban, pareho pa rin ang ritmong sinusundan nila apat na dekada na ang nakalipas: may kampihan at bangayan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...