Thompson inakay Gin Kings sa Game 4, tinabla serye kontra Beermen; TNT isang panalo na lang para masungkit Finals ticket

Explained PHExplained PHSports7 months ago

Photo Courtesy of Rappler/Philstar

Pinangunahan ni two-time PBA Finals MVP Scottie Thompson ang Barangay Ginebra San Miguel sa panalo laban sa San Miguel Beermen upang itabla ang kanilang semifinal series, habang nagtamo naman ng mahalagang panalo ang TNT Tropang 5G laban sa Meralco Bolts, na naglapit sa kanila sa Finals ng PBA 50 Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum, Enero 11. 

Minanduhan ng two-time PBA Finals MVP na si Scottie Thompson ang Barangay Ginebra San Miguel upang burahin ang maagang kalamangan ng San Miguel Beermen at itabla ang serye sa pamamagitan ng 105–91 na panalo.

Bumawi ang No. 2 seed TNT Tropang 5G mula sa pagkatalo sa Game 3 at kinuha ang 3–1 na bentahe sa serye matapos talunin ang Meralco Bolts, 102–83.

Thompson humataw, Ginebra bumangon

Bumangon ang Gin Kings mula sa 16-point deficit sa unang quarter, 30–19, matapos magtala si Thompson ng career-high triple-double na 35 puntos, 11 rebounds, at 11 assists, na nagsilbing susi upang dalhin ang Ginebra sa isang best-of-three na laban.

“I prayed for this game,” ani ng seven-time champion. 

“Talagang we fought hard. We battled down the stretch. We defended well. I hope ma-continue namin sa next game,” dagdag pa niya.

Ito ang pinakamataas na scoring output sa karera ng one-time PBA MVP, at siya rin ang kauna-unahang local player sa loob ng 36 na taon na nakapagtala ng 30-point triple-double, mula pa noong PBA legend na si Ronnie Magsanoc.

Nagbigay rin ng mahalagang kontribusyon si Norbert Torres na may 13 puntos, tampok ang tatlong tres, upang tulungan ang Ginebra na burahin ang malaking kalamangan ng Beermen. 

Nag-ambag din ang kapwa double-digit scorers na sina Japeth Aguilar at Jayson David na may 12 at 10 puntos.

Kumana ng mahahalagang pull-up jumpers sina Jayson David at Troy Rosario na nagbigay sa Ginebra ng kanilang pinakamalaking kalamangan na 14 puntos.

TNT isang panalo na lang para makapasok sa finals

Pinangunahan ni Poy Erram ang TNT matapos magtala ng 27 puntos sa napakahusay na 9-of-11 shooting, kalakip ang siyam na rebounds at anim na assists, upang tuluyang kontrolin ang laro.

“I helped the team as much as possible,” sambit ni Poy Erram.

“I’m also blessed with my teammates because we adjusted well. They see me, and when I have the ball, I’m being aggressive and always thinking about how I can help the team,” dagdag pa niya.

Nag-ambag din sina Calvin Oftana at Jordan Heading ng 14 at 12 puntos, upang punan ang naiwang puwang ng injured na si RR Pogoy na may iniindang hamstring injury.

Dikit ang naging laban sa unang quarter, ngunit unti-unting bumigay ang Meralco matapos mawala ang kanilang pangunahing sandata na si Chris Newsome, na nagtamo ng injury.

Sa panalong ito, isang tagumpay na lamang ang TNT upang masungkit ang unang tiket sa Finals. 

Muling maghaharap ang mga koponan sa Game 5 sa Enero 14.
With reports from PBA.ph

3 Votes: 2 Upvotes, 1 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...