
Hindi lahat ng pintuang yari sa pinagtagpi-tagping mithiin ay kusang nagbubukas sa bawat kumakatok. May mga tarangkahang yari sa pawis at luha, binubuo ng mga tanong na tila lumulunod sa diwa, at sagot na tila mailap na santelmo sa gitna ng unos. Sa ilalim ng marikit ngunit mapanghamong pagsubok ng UPCAT, doon sumisilang ang mga diwaing pilit umaabot sa karurukan ng kadunungan.
Hindi ko kailanman itinuring na isang karaniwang paaralan ang Unibersidad ng Pilipinas, sapagkat ito ay isang tahanang kinapalolooban ng laksa-laksang isip na hindi natatakot magtanong, sumalungat, at tumindig sa gitna ng unos ng lipunan. Marahil isa ako sa mga mapanghamong nagtangkang katukin ang pintuang walang kasiguraduhan. At sa pagkatok kong iyon, dala ko ang pangarap na marupok ngunit matatag sa pag-asang sa likod ng pintong iyon ay may mundong handang tanggapin ang aking pagkatao at paninindigan.
Hindi ko alam kung saan eksaktong magsisimula—sa paghawak ba ng lapis na Mongol 2 na tila mas mabigat pa sa aking sariling hininga, o sa sandaling binuksan ko ang libro ng UPCAT na may mga tanong na wari’y humihingi hindi lamang ng talino kundi ng buong pagkatao.
Nahubog ang aking pasensya sa mga buwang hinintay ko ang liham na sasagot sa lahat ng aking katanungan—ang liham na mula sa UP. Ilang gabing bukas ang mata, kasabay ng pusong pumipintig sa kaba dahil sa kawalang-katiyakang paghihintay sa mga titik na papayapa o kukuyom sa isipan. Bitbit ko sa araw-araw ang mga katagang “UP, papasukin mo ako.”
Ngunit sa rurok ng lahat ng pag-asa at pagod, isang tahimik na pagdating ng katotohanan ang sumalubong sa akin—tila isang pintuang ayaw bumukas, bagkus ay nag-iwan ng bakas ng pagkukulang at paglimot sa pangarap na aking iningatan.
Isang napakalaking pulang:
“THANK YOU.”
Hindi ito ang mga pantig na nais kong pagmasdan. Malayo ito sa aking inaasahan. Sabik akong umahon sa pagkalunod ng paghihintay kung ano ang aking kahihinatnan, ngunit tila mas nalugmok yata ako sa kapanglawan.
Marami akong kasabay sa ganitong pagkalumbay. May mga nagsabing “UP or nothing,” ngunit natagpuan ang sarili sa ibang daan. May ilan na hindi nakatawid ngunit nagpatuloy at naging karangalan pa rin sa ibang larangan. May mga tahimik na umiyak sa apat na sulok ng silid, at may mga nagkunwaring walang naramdaman upang maitago ang bigat ng pagkabigo. Sa kanilang mga salaysay, iisa ang hibla: ang UPCAT ay hindi lamang pintuang pinapasok, bagkus salamin kung gaano kahirap ang paghihintay.
Napagtanto ko na ang UP ay isang tulay—tulay na hindi lahat ng nagnanais makarating sa dulo ay pinahihintulutang tumawid.
Ngunit ang pagkabigong makapasok sa UP ay hindi nangangahulagang wakas na ng lahat. Isa lamang itong bahagi ng mas malawak na paglalakbay. Ito ay pagkakataong tuparin ang iyong mga pangarap sa ibang landas.
At sa dulo ng lahat ng ito, natutuhan kong ang pagkabigo ay hindi pagkaligaw. Ito’y paglihis nang may dahilan. Ang hindi pagkapili ay hindi wakas ng paglalayag, kundi pagbabago ng daang tatahakin.
“Walang anuman, UP.”
Hindi dahil sa ako’y bigong katukin ang iyong pintuan, kundi dahil natutuhan kong ang pangarap ay hindi nakatali sa iisang tarangkahan lamang.
At siguro sa ibang santinakpan, UPCAT passer ako.
You must be logged in to post a comment.
Yeriii Mariii
This suprisingly brought me comfort, thank you to whoever wrote this. ❤️