₱25B benepisyo, naibibigay ng mangroves sa WPS — pag-aaral

Explained PHExplained PHNews3 weeks ago

Photo Courtesy of Surfrider Puerto Rico

Carl Kristofe Malinao 

Tinatayang umaabot sa ₱25 bilyon ang halagang naibibigay ng mga mangrove o bakawan sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng carbon sequestration na nakatutulong sa pagbaba ng temperatura sa bansa, ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).

Ang carbon sequestration ay ang proseso ng pagsipsip at pag-iimbak ng carbon dioxide (CO₂) mula sa atmospera ng mga halaman, kagaya ng mga bakawan, upang mabawasan ang dami ng greenhouse gases na nagdudulot ng climate change.

Sa pamamagitan nito ay nakatutulong ang mga mangrove sa pagpapanatili ng balanse ng klima at sa pagpapababa ng epekto ng global warming.

Isinagawa ang pag-aaral sa ilalim ng proyektong Resource Inventory, Valuation and Policy in Ecosystem Services under Threat (Re-INVEST) mula 2022 hanggang 2025, sa suporta ng Department of Science and Technology–Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD).

‎Layunin ng proyekto na masukat ang halaga ng mga marine ecosystem ng WPS at makapagbigay ng datos na maaaring maging batayan sa pagbuo ng mga polisiya para sa pangangalaga ng mga ito.

‎Ayon sa pag-aaral, tinatayang ₱1.58 bilyon ang halaga ng mga isdang dumedepende sa open-sea at seagrass habitats, na nagsisilbing mahalagang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga municipal fisherfolk.

Nagbibigay rin ang mga bakawan ng humigit-kumulang ₱91 milyon na benepisyo sa coastal protection para sa mga komunidad sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Palawan, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

‎Sa kabilang banda, ipinakita ng pag-aaral na bumaba ng 10.5% ang lawak ng coral reefs, 8.1% ang seaweed, at 6.5% ang seagrass mula 2015 hanggang 2020.

‎Sa kabila nito, lumawak naman ang mga bakawan ng 6,001 ektarya o 30.6%, na nagpapakita ng positibong pagbabago sa ilang bahagi ng marine ecosystem.

‎Ayon kay UPLB economics professor Asa Jose Sajise, mahalagang magamit ang mga resulta ng pag-aaral sa paggawa ng mga patakarang magpoprotekta sa yamang-dagat at magtitiyak ng pangmatagalang benepisyo nito sa bansa.

Aniya, “These are not just mere scientific findings, but actually something that should trigger policy action as well.”

‎Samantala, binigyang-diin din ng Department of Agriculture (DA) na mahalaga ang ligtas na pag-access ng mga Pilipino sa WPS dahil dito nakasalalay ang kabuhayan ng mahigit 450,000 rehistradong mangingisda at ang seguridad sa pagkain ng bansa.

‎Inirekomenda ng mga mananaliksik ang pagpapalakas ng marine resource monitoring, paggamit ng satellite remote sensing, at pagpapatupad ng mas matibay na mga polisiya upang mapangalagaan ang yamang-dagat ng WPS para sa susunod na mga henerasyon.

2 Votes: 1 Upvotes, 1 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...