
“Huy! Ano ‘yang binabasa mo?”
Ang venn diagram ng read history at mga pinakatatagong sikreto ng isang mambabasa ay bilog. Hiwalay pang usapin ang pagbaba ng literasiya ng bansa dahil sa kawalan ng pisikal na mga silid-aklatan. Kaya’t kung titingnan ang mas nalalapit bersiyon ng isang library, napakarami nang mahihinuha mula sa pampublikong interes ng mga kabataan.
Mababa pa sa kalahati ng kabuuang bilang ng batang Pilipino, edad 8-17, ang nagbabasa ng mga libro kung hindi ito kinakailangan sa pang-akademikong koteksto. Subalit ang mga estatistika na ito ay hindi tuluyang napapalalim ang diskurso ng gawing pagbabasa sa digital na midya.
Sa kasalukuyan, limang milyong users pa rin na Pilipino ang gumagamit ng reading website na Wattpad matapos nitong magkaroon ng pay-to-read mechanics. Sa kabilang ibayo ng fandom spaces, ang malayang kartularyo ng Archive of Our Own, o mas kilala sa tawag na AO3, ay nakapagrekord pa ng 340 milyon na mambabasa kada-linggo noong nasa gitna ng pandemya.
Ang mga espasyong digital na ito ang naging tahanan ng kolektibong interes ng mundo sa mahigit kumulang 71,000 na fandoms. Ang isang fandom ay matuturing na isang grupo ng konsumer ng isang uri ng midya mula TV, panitikan, musika, pelikula, at iba pang pormat. Sa AO3 pa lamang, mahigit labin-limang libong Filipino fanfictions, o mga gawang panitikang piksyon ng mga umiidolo tungkol sa isang pop icon, ang matatagpuang kinokonsumo ng mga Pilipino nang ilang milyong beses.
AO3! Folksonomy at ang Kpop Cinematic Universe
Sa pagtungtong ng Setyembre ng 2025, mayroon nang mabibilang na 15,000 fanfictions sa Archive of Our Own na naka-’language tag’ sa Filipino— o ang pakakasulat ng isang gawang panitikan ay kalakhang wikang Filipino o Taglish. Nangingibabaw na 75% o mahigit 11,000 sa mga likhang-isip na ito ay may ‘relationship tag’ na M-slash o M/M o romantikong relasyon sa gitna ng dalawang kanonikal na lalaki. Kanonikal o ‘canonical’ bilang ang orihinal na midyang pinagmulan ng mga karakter sa pares na nasa fanfiction ay maituturing na magkahanay o magkapareho.
‘Canon divergent’ na man ang terminong gamit na ‘additional tag’ sa folksonomy ng programming ng AO3 tuwing nais iparating ng manunulat na lalayo sa orihinal na materyal ang kanilang gawa. Sa bahaging ito nagsisimulang mas bumukas ang pintuan ng mambabasa-manunulat sa mga posibilidad ng malikhaing pagsulat ng piksyon dahil sa kalawakan ng kanilang kontrol sa lahat ng aspeto ng mga karakter at pangyayari. Halos pantay-pantay ang pagkakahati ng ‘rating tags’ sa mga Filipino-Taglish fanfictions na ito kung saan naglalaro sa tig-dadalawang libong gawa ang nasa mature, explicit, general audiences, teen and up, at hindi rated.
Mapupunto sa Korean-pop culture ang karamihan sa labing-isang libong M/ fanfictions kung saan nangingibabaw ang mga grupong EXO, SEVENTEEN, ENHYPEN, at NCT. Sa oras ng pagsusulat nito, ang pinaka-binabasang piyesa ay isang ENHYPEN fanfic na halos tatlong-daang libong beses na binalikan ng mga registered at visiting AO3 users.
Ang additional tags ang nagpapakita ng mas malalim na interes ng mga mambabasa sa mga piyesang binabalikan ng mga registered users. Pansin na ang unang isang daang pinaka-binabasang sulat sa Filipino!M/ ay adult content o may rating mula sa manunulat na explicit! o mature! mula sa mga K-pop boy groups na ito. Sa gitna ng unang limang daang fanfictions ay kalat-kalat lamang ang SFW ratings at hindi rated dahil ang konsentrasyon ng pinakakinokonsumong mga gawa ay nasa kategoryang Not-Safe-For-Work o NSFW.
Si Mara, Si Clara at ang Buntis
Ang mga tags na kadalasang nagagamit ay naiipon sa isang trend ng peminisasyon ng isang lalaking karakter sa kwento kung saan sila ay kapwa ring napapaloob sa isang mas malawak na tradisyunal na feminized trope. Halimbawa dito ang mpreg! at ang omegaverse! tag kung saan tahasang ang isa sa lalaki sa relasyon ay nararanasan ang pagbubuntis, pag-aasawa at ang mga kaakibat nitong stereotypes.
Kung ikukumpara, mahigit lamang isang libong fanfictions ang may heteroseksuwal na pares kaya’t isang makabuluhang puntong naguguhit mula rito ang kagustuhan ng mga mambabasa sa kontent na heteroseksuwal ang daynamiko ngunit hindi kinakailangang lalaki-babae. Ang homo-erotika na may daynamikong heteronormatibo ay eksplorasyon ng intimacy sa paraang hindi nakahanay sa regular na gender binary. Mahalaga itong motibasyon sa pagbabasa dahil sa paglaban nito sa gender stereotypes at patriyarkal na alusyon.
Halimbawa ang ‘dead dove: do not eat’ o dead dove: DNE na isang tag na sumasaklaw sa kahit anong uri ng fanfiction na may potensyal na may nilalamang nakababahalang sitwasyon, mga taboo, at iba pang pangyayari sa balangkas. Dahil walang kahit anong uri ng censorship ang AO3, malaya ritong naisusulat at nauusisat ang kadalasang taboo tulad ng karahasang sekswal at ibang uri nito. Ang mga archive tulad ng AO3 ay isa sa mga online spaces kung saan ang kalayaan ng libreng pagkonsumo ay kaakibat ang responsibilidad ng self-regulation.
Maraming mga pag-aaral sa agham panlipunan ang tumuturo sa experiencing the other na nosyon ng pagbabasa: ang tinatawag na ‘self-insert’ sa fandom culture. Kadalasan, ang mga heterosekswal na babaeng mambabasa na nauudyok magbuklat ng boys love (bl), yaoi, manhua at iba pang M/ na panitikan ay dahil sa karanasang naibibigay nito sa pagsiyasat sa masculine lens sa romansa at buhay (Suganuma, K., Welker, J., Nagaike, K., & McLelland, M. J., 2015; Xu Y, Yang L, 2013). Ang imahinasyon ay isang ligtas na espasyo kung saan maaaring ilagay ng isang mambabasa ang kanilang katauhan sa sapatos ng iba. Ang ekperihensyang ito ay normal sa pagbabasa, subalit madali itong maging problematiko dahil unti-unting nawawala ang katotohanang maaring pinagbasehan ng isang pangyayari.
Kasalukuyang ang mga popular na additional tags ay umiikot sa sekswal at pagbababaeng tropes tulad ng boypussy!, PWP o Porn Without Plot, top! at bottom! dynamics, sex positions at mpreg! o male pregnancy.
Sa pagdaragdag, pinapalakas ng mga popular na tropes (o ang madalas na daynamiko ng mga karakter at balangkas ng kwento) sa mga Filipino fanfictions ang trend ng popular na tags. Habang nagiging mas tradisyunal ang daynamiks ng isang M/M na pares, ang tropes na tinutunguhan ng mga istorya ay nagiging mas tradisyunal din.
Bukod sa sekswal na mga daynamiks, maraming alternate universe tags, o AU, rin ang umiikot sa regular na buhay. College AUs ang madalas na depiksyon sa mga karakter ng Kpop groups kung saan sila ay nilalarawan bilang mga regular na nag-aaral sa kolehiyo. Sa trope na ito, kadalasang binibida ang isang karakter na nag-aaral sa Big Four tulad ng mga kwentong isko!Heeseung/ateninsta!Sunoo ng grupong ENHYPEN.
Sa mga orihinal na materyal na man na ang kanon ay isang punto lamang sa buhay tulad ng mga kwentong high school ng anime-manga na Haikyuu! at Harry Potter, kadalasang timeskip! tag ang nangunguna sa fanfiction kung saan ilang taon o dekada ang layo ng likhang piksyon mula sa orihinal na timeframe. Nagbibigay itong mas malawak na kalayaan sa awtor upang galugarin ang paglagong karakter ng mga bida mula sa kanong materyal.
Mula sa mga romantikong tropes, marami ring mga piyesang hindi nahihiyang lumusong sa kalaliman ng mga isyung panlipunan at introspeksiyon ng bawat karakter na binibigyan nilang buhay. May mga Pilipinong awtor na binubuksan ang mga diskursong korapsyon, kawalan ng katarungang panlipunan, at klasisismo tulad ng isang fanfiction sa pairing na Kim Mingyu/Jeon Wonwoo ng grupong SEVENTEEN.
Kinakaaliwan din ang soap opera tropes tulad ng mayamang CEO at maralitang probinsyano sa mga fandoms ng EXO at SEVENTEEN. Madalas na sinisiyasat ang trope na ito kung saan ang isang lalaking karakter ay laking mayaman habang ang kanilang magiging romantikong partner ay laking hirap tulad ng Mara Clara ni Emil Cruz Jr. Ang trope na ito ang isa sa mga daynamiks na nakikita sa lahat ng uri ng ratings sa AO3 mula explicit hanggang sa general audiences dahil ang pokus ng balangkas ay hindi laging adult content.
Tradwife core, Si Migoy at ang Pag-inog ng Henerasyon
Sa kabilang banda, ang pagtanggap ng mga mambabasang Pilipino sa homo-erotika, F/ o M/ man ito, bilang katanggap-tanggap na sekswal na pantasya sa aspetong aesthetics— dahil kaakit-akit ang mga bida— at sa aspetong escapism— para maiba naman sa ordinaryo— ay hindi laging dahil sa pagbabagong progresibo ng isang populasyon. Kontraryo sa madaling paniniwala, ay maaaring isang senyales ito ng paghina ng pagtanggap ng nakababatang henerasyon sa same-sex relationships (Van Der Star A, Bränström R., 2015). Halimbawa ang fetishization sa kahalayan sa queer media dahil naisasa-mitolohiya na lahat ng bakla ay may pare-parehong pagnanasang sekswal (Littlejohn et al., 2017). Nawawala ang konteksto ng karahasang totoong napagdaraanan ng mga kalalakihan dahil ito’y regular na nababasa nang paulit-ulit.
Ang palabas na pagtanggap sa sekswal na gawain ay hindi palaging simbolo ng liberalismo dahil ito ay kailangang tumutugma rin sa sosyo-politikal na klima ng lipunan. Bagaman nagtutugma ang mga lumalagong tradisyunal na tags at tropes, bumabangga ang mga ito sa manipestasyon ng karakterisasyon sa mga fanfictions. Sumisikat sa Filipino-limited fanfictions ang peminisasyon, mpreg, omegaverse— mga tags na nabuo mula sa regular na heteronormatibong stereotype ng pagsasama ng isang biyolohikal na babae at lalaki (ie. AFAB, AMAB*).
Ang mga motibasyon nito ay maibabalik sa mga usaping pangkaunlaran: ang kasaysayan ay umiikot sa apat na bahagi (Strauss, Howe, 1997). Maaalalang dumadaan ang mundo sa panahon ng krisis na markado ng mga digmaan, kaguluhang politikal, opresyon at pandemya sa mga taong ang kabataang Gen Z at Alpha ay dapat nagsisimulang bumuo ng malalalim na sosyal na relasyon. Ang populasyon ng kabataang Gen Z at Gen Alpha ay adaptive-artist generations, maaaring lohikal ang gawi nila bilang konsumer ng panitikan ngunit hindi naaayon ang motibasyon sa mga praktis na ito.
Dahil ang ikaapat na pag-inog (Strauss, Howe, 1997) ay patungkol sa krisis na kinalakhan ng kasalukuyang kabataan, makikita na ang ideolohiyang pangangailangan nila ay tumutuon sa kapanatagan o stability. Ang trend na ito ay natural na sumusulpot sa mga panahong gitna at matapos ang krisis. Matapos ang ikalawang pandaigdigang digmaan, umigting ang presensya ng mga simbolo ng tradisyunalismo sa midya lalo na sa pelikula at panitikan.
Halimbawa nito ang pangangailangan ng isang nuclear family kung saan mayroong babaeng asawa na nananatili sa bahay, inaalagaan ang dalawang anak, at lalaking may 9-5 na trabahong mag-isang nagbibigay ng pang-ekonomikong kapangyarihan sa pamilya. Henerasyon ng ‘baby boomers’ ang tawag sa mga pinanganak sa gitna ng 1946 hanggang 1964 dahil sa pagbugso ng ideolohiyang nuclear family na nagbunga ng maraming anak sa kada mag-asawa.
Ang kaibahan ng mid- at post-crisis turning ng kasalukuyan ay ang estado ng kapitalismo ng huling ika-apat na pag-inog: noon ay kayang buhayin ng isang nagtatrabaho ang kanyang buong pamilya, ngayon ay mas mahirap nang mahanap ang seguridad na ito (West et al., 2017b). Maidadagdag din riyan ang kasalukuyang klimang politikal ng Pilipinas na sunod-sunod ang pagsasapubliko ng korapsyon, pagwawaldas ng publikong pondo, oligarkiya at family dynasties. Bagaman hindi mawawala ang batayang nukleyar na pamilya sa naratibo, ang post-capitalism at ibang natatanging karakter ng kasalukuyang pag-inog ay rumeresulta sa nagbabanggaang trends at tropes sa konsumpsyon ng midya at libangan ng Gen Z at Gen Alpha.
Bukod sa global na lebel ng paglalahat na ito, dagdag karakter sa katangian ng mga Pilipinong mambabasa ang ideyang ‘glocal’ sa lipunang Pilipino (Robertson, 1994 kay San Juan, 2006) dahil sa paghaharap ng ideyang ‘globalized natives’ at ‘localized cosmopolitans’. Maibabalik ito sa halimbawa ng paglago ng queer media sa bansa, tulad ng pagdami ng M/ fanfictions sa AO3, ngunit sa tradisyunal na oryentasyon o ang pagkakaroon ng heteronormatibong tropes, nukleyar na Pilipinong pamilya, o mga soap opera na plotlines. Marahil mukhang isang kabalintunaan ang pagkakaroon ng makalumang tropes ng Pinoy na telenobela sa isang uri ng modernong piksyon na nagmula sa kanluran sa isang website na nasa Amerika, ngunit ito’y aktwal na naaayon sa ibang kontemporaryong ideya sa sikolohiyang Pilipino, at ito rin mismo ang nangyayari ngayon.
Mahalagang pagpapalalim dito ang akses sa AO3 bilang hybrid na pormat ng social intimacy dahil maaakses lamang ito gamit ang internet (Cabañes, Uy-Tioco, 2022). Ang limitasyon nito sa world wide web at mobile media ay nagpapaigting sa paglalantad sa kabataan ng mga kanluraning modernong ideya (tulad ng, humigit-kumulang, progresibong representasyon sa queer media) at ang lokal na kultura ng bansa (tulad ng paglabas ng college AUs at ang diin nito Big Four universities).
Huling puntong nais kong iuwi ay aktibo ang pag-iral at pagtibay ng wikang Filipino sa literatura. Ito lang ay sa hindi inaasahang pormat ng panitikang fanfiction ng AO3 sa oryentasyon ng pagbabasa sa cellphone tuwing alas dos ng umaga bago matulog. Mula sa malalalim na mga salita at sinaunang salawikain, sa talastasan ng pag-iibigan at pagtatalik, sa tropes ng higantihan ni Amor Powers, sa paulit-ulit na pagpapangalan kay Kim Mingyu bilang Miguel at Migoy sa college AUs, pilit na umuusbong ang lokal at ang panitikang Pilipino sa mga bitak sa kongkretong kanluranin at Ingles na paglilimbag. Buhay na buhay nitong pinapadaan ang kasalukuyang hangin ng bansa at nilalakasan ang mga bulong-bulungan ng mga kabataan mula sa kanilang mga crush hanggang sa mga paninindigan nila sa politika.