Gising na ang apat na elemento

Lupa. Tubig. Hangin. Apoy…

Sabay nilang hinubaran at inilantad ang tunay na kulay ng pamahalaan.

ANG LUPA

Nagsigulong ang mga bato sa kinailaliman ng kalupaan. Unti-unting dinudurog ang mga semento’t pader upang subukin ang pinagyarian ng mga imprastrakturang dapat magsilbing proteksyon sa panahon ng delubyo.

Ngunit…

Setyembre 30. Sa Cebu, ginising ng 6.9 magnitude na lindol ang mga mamamayan. Ang sentro ng pagyanig ay malapit sa bayan ng Bogo, isang tahimik na komunidad na ilang oras ang layo mula sa kabiserang lungsod.

Ngunit sa isang iglap, ang katahimikan ay napalitan ng sigawan, dasal, at hagulgol. “Bang! It was as if the Earth stopped spinning,” ani ng isang residente.

Mula sa mga bitak ng kalsada hanggang sa mga guho ng gusali, tumambad ang marahas na anyo ng kalikasan. 

Sa mga kalsada, naghilera ang mga bangkay; sa mga silong ng ospital, tinatahi ang mga sugatan. Mahirap ang komunikasyon—naputol ang kuryente, nawasak ang linya ng telepono.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, matagal nang natutulog ang fault na ito. “At least in the last 400 years, the generator of this quake has just moved again now. That is why it was quite strong,” paliwanag ni Winchelle Ian Sevilla. 

At sa bawat pagyanig, ang tanong ng bayan ay kung may kapasidad ba tayong labanan ang ganitong pwersa kung mismong lupa ang magdesisyon na bumigay?

At kung matibay ba ang mga poste ng ating pamahalaan—hindi sa semento, kundi sa integridad?

ANG TUBIG

Ang elementong buhay ang dapat na dala, kapag inalon ng poot ay buhay din ang mawawala.

Kapag payapa ang katubigan, dapat pa ring pangambahan—dahil kapag bumuo ng baha ang ulan, aalinsangan ang baho ng mga kurakot. Lulutang ang bayang kinulang sa serbisyo.

Ayon sa imbestigasyon, 70% ng pondo para sa flood control ang nawala sa bulsa ng mga mambabatas at opisyal. Sa tatlong taon, mahigit $2 bilyon ang nawaldas. Bawat pisong nakurakot ay may katumbas—isang pamilya na nawalan ng bahay, isang barangay na inanod, isang buhay na hindi nailigtas. 

Sawang-sawa na ang bayan sa mga dakilang mandarambong, imbis na diligan tayo ng biyaya, inuhaw pa tayo sa kanilang kawalang-hiyaan.

Dagdag pa rito, dumarami na ang araw ng ulan. Ayon sa PAGASA, umaabot sa 138 days of rainfall kada taon sa Cebu, katumbas ng 1,685 millimeters ng tubig—o mahigit 700 Olympic-sized swimming pools. 

Kaya kung ang tubig ay patuloy na aapaw, lulunurin ba tayo ng ulan—o ng katiwalian?

ANG HANGIN

Matindi ang epekto ng nagngangalit na tubig. Ngunit kapag sinabayan ng hagupit ng hangin—wala itong pinipili.

Ang Severe Tropical Storm Bualoi (Opong) ay nagpakawala ng bugso hanggang 135 kph, nagpalikas ng mahigit 400,000 katao. Sa Bicol, tatlo ang napatay ng gumuhong puno; sa Camarines Norte, isa ang tinamaan ng kidlat.

Ngunit ang unos ay hindi lang gawa ng kalikasan. Habang lumalakas ang bagyo dahil sa pagbabago ng klima, lumalakas din ang hinala ng mga tao—na ang paghihirap ay pinapalala ng mga lider na inuuna ang bulsa kaysa sa aksyon at proteksyon.

Hindi nagtagal, umabot sa 3.5 milyong katao ang naapektuhan ng pinagsamang hagupit ng bagyong Opong, Nando, Mirasol, at habagat.

Mga sirang tulay, binahang bayan, at mga magsasakang nawalan ng ani. 

At sa likod ng lahat, alegasyon ng milyon-milyong kickbacks sa mga proyektong dapat sana’y nagligtas ng buhay.

Kung ang hangin ay walang pili, bakit tila ang pamahalaan ay may pinipili—at madalas ay ang kanilang sarili?

ANG APOY

Lahat ay may likas na takot sa apoy. Ngunit ito rin ang hudyat ng panibagong simula o ang wakas ng kinabukasang hinulma.

Sa Batangas, nagising muli ang Taal Volcano. Dalawang beses itong nagbuga ng abo—mula 12:57 a.m. hanggang 2:15 a.m.—na umabot ng 2,500 metro ang taas. 

Bagama’t walang direktang pinsala, paalala ito na laging may bantang nakatago sa ilalim ng ating mga paa.

“Wala namang reported na naapektuhang communities sa paligid ng Taal Volcano,” ayon sa Phivolcs. 

Ngunit alam ng mamamayan na hindi lahat ng apoy ay nakikita. May mas malupit pang pagsabog—ang apoy ng korapsyon na sumusunog sa perang dapat nakalaan sa relief goods, rescue trucks, at pasilidad na magliligtas ng buhay.

Kaya’t ang tanong: kung muling sumabog ang bulkan, masusunog ba tayo ng abo—o ng kahihiyan sa pamahalaan?

REPLEKSYON

Marahil, may hangganan ang disenyo ng bawat tulay, gusali, at dike. Hindi lahat ng pinsala ay bunga ng kapabayaan; minsan, talagang mas malakas ang kalikasan. “Every structure has a maximum design capacity,” ayon sa mga inhinyero.

Ngunit kung sa gitna ng sakuna’y pabigat pa ang gobyerno, kung bawat pisong kinurakot ay katumbas ng isang buhay na nawala—doon nagiging doble ang trahedya.

Oo, may likas na katatagan ang Pilipino. Marunong tayong mag-ambagan, lumuwas sa kabilang bayan, magpuyat sa pagbabalot ng relief goods. Ngunit paulit-ulit na sampal sa bayan kung ang pamahalaan mismo ang walang konsensya

Lupa. Tubig. Hangin. Apoy… kanina’y sila ang gumising, ngayo’y sila na ring nagbabadya. 

Hindi sila natutulog, hindi sila nalilimot—patuloy silang umaalingawngaw sa bawat pagguho, pagbaha, at kahit sa abo. 

At habang ang apat na elemento ay gising na, isang katotohanan ang malinaw: kapag ang pamahalaan ay patuloy na mananatiling bulag at bingi, sila mismo ang unang tutupukin ng kalikasang matagal nang nadisturbo ng pagkasakim.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...