Kailan kaya magtitino ang gobyerno?

Nagngangalit ang hangin. Sa bawat hampas ng ulan, tila may galit na ibinubuhos ang langit, unti-unting pinupunit ang bawat bubong at sinisira ang bawat tahanan. 

Nobyembre na naman at ibang takot ang bumalot sa mga residente ng Cebu, Negros, at iba pang parte ng Visayas. 

Hindi naman na bago ang pagsalanta ng bagyo para sa isang bansa na sa isang taon ay ilang beses hagupitin nito. Natuto nang maghanda ang mga tao, ngunit ang pagdating ng Bagyong Tino ay isang mapait na paalala na hindi dapat ang mga mamamayang Pilipino ang binabaha, kundi ang konsensya ng mga taong dapat managot. Hindi na lamang ito isang unos ng kalikasan, kundi isang unos na likha ng kasakiman.

Ang kuwento sa bawat numero

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Diego Mariano nitong Biyernes lamang, 188 na ang nasawi— 139 mula sa Cebu, 24 sa Negros Occidental, siyam sa Negros Oriental, anim sa Agusan del Sur, dalawa sa Southern Leyte, at tig-iisa sa Antique, Iloilo, Guimaras, Bohol, at Leyte.

Mga buhay ng ordinaryong Pilipino: mga magulang na gusto lang mapakain ang kanilang mga anak, mga matatandang sabik lang makasama ang pamilya sa hapag-kainan, mga kabataan na pinagkaitan ng pagkakataong tuparin ang kanilang mga pangarap, mga Pilipinong araw-araw lumalaban sa gitna ng hirap.

Sa kabuoan, halos 1.9 milyong Pilipino ang naapektuhan ng pinsala ng Bagyong Tino, mga kababayan nating hindi alam kung paano magsisimula ulit. Mga nananawagan ng tulong. Wala silang tubig, walang pagkain, at walang kuryente. Sira rin ang mga daan, mga gamit na basa at puno ng putik, at mga pamilyang nawalan ng tahanan. 

Pagod na sila

Isang buwan pa lamang ang nakalipas mula nang mangyari ang sunod-sunod na mga lindol. Doon nakita ang mga gusaling agad-agad na nasira, mga haligi na tubo lang ang pundasyon, at mga daan na nagiba sa isang iglap.

At ngayong ang puwersa naman ng hangin at tubig ang nagparamdam, mga ordinaryong Pilipino muli ang nagdurusa.

Ang magsasaka, wasak ang taniman, ang mga palay na pinaghirapan nila ay napunta lang sa wala. 

Ang mangingisda, inanod na ang mga bangka at ang maliit na kita na pilit na pinagkakasya nila ay nawala na lang bigla.

Ang mag-aaral na hindi makapunta sa paaralan dahil sa sirang mga daan at ang kanilang mga libro’t kuwaderno ay basang-basa.

Ang mga manggagawang hindi alam kung uunahin pa ba ang kanilang trabaho o kung paano magsisimula ulit. 

Ang mga Pilipinong walang makain at mainom na gutom at uhaw na rin sa pagbabago.

Bakit wala pa ring nanagot?

Halos dalawang buwan na ang nakalipas mula nang maitatag ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), ngunit puro na lamang imbestigasyon na hindi umuusad at ang hustisya ay parang nilulubog sa baha.

Habang nalulunod ang bansa sa tubig, may mga pulitikong naliligo sa perang hindi naman kanila.

Ayon sa Commission on Audit (COA) at ICI, marami sa mga flood control projects na sana ay nakatulong ngayon ay non-existent, unfinished, at substandard.

Sa Cebu, nagkakahalaga ng ₱26.7 bilyon para sa 414 flood control projects mula 2022-2025. Sa Negros Occidental naman, mahigit kumulang sampung bilyon ang pondong inilaan. Pero bakit ganito ang nangyayari? 

Kung ginamit nang tama ang pera, wala sanang mga baryo ang nalubog, mga taong nalunod at natabunan ng lupa, at mga pamilyang kumpleto pa sana.

Sa halip na mga matatag na dike, maayos na drainage systems, matibay na floodwall, ang bumungad sa mga tao ay rumaragasang tubig at wasak na tahanan. Ang mga breakwater, rip-rap, at revetment na makakapigil sana sa mga landslides ay tila mga proyektong natapos lang sa papel.

Maliban pa rito, ay maraming mga gawain ang pinahihintulutan na hindi makakalikasan at makatao katulad ng labis na quarrying, walang batayang pagtatambak ng lupa sa mga baybaying dagat para sa reklamasyon, at walang habas na pagkalbo sa mga kabundukan para gawing resort o anumang mapagkakakitaan. 

Bayan o sarili, ano ang kanilang pinili?

Sa gobyernong ito, malinaw na matagal na silang nakapili. Sarili bago ang bayan, palpak na proyekto bago proteksyon, at kita bago ang kalikasan.

Kailangan natin ng tunay na solusyon. Mga proyektong itinatayo hindi para sa litrato kundi para sa kinabukasan. Mga plano na may maayos at tamang batayan. Mga lider na totoong may malasakit at may karunungan, hindi lamang nagpapabida para gawing negosyo ang politika. 

Dahil hindi na ulan ang lumulunod sa atin, kundi ang sariling gobyerno. Hindi tubig ang bumaha, kundi mga pangakong napako. Hindi bagyo ang nagpalubog, kundi ang sistemang bulok mula sa ugat.

Marahil ngayon ay hindi ang Bagyong Tino ang tunay na kalaban. Ang tunay na problema ay ang gobyernong hanggang ngayon, ayaw pa ring magtino.

11 Votes: 10 Upvotes, 1 Downvotes (9 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...