
“Sa wakas!” Ito ang tinig na umalingawngaw sa paglabas ng 5,594 na pangalan na magpapatuloy sa landas ng abugasya. Ang naging resulta ng 2025 Bar Examinations ay hindi lamang tinta sa papel kundi simbolo ng mga gabing walang tulog, daang kasong binasa, at matinding pressure na tanging siyang bar taker lamang ang makakaunawa. Sa lahat ng bagong abugado, at sa lahat ng sumubok, valid ang inyong pagod at tagumpay.
Maraming nakakaantig na istorya ang masisilayan sa bukangliwayway na ito. Mga kuwentong katulad na lamang ng pinagdaanan ni Jan Tristan Ramos na nagmula sa pagiging janitor at naging abogado sa edad na 41, hanggang sa mga buntis, senior citizens, at mga may kapansanan na hindi nagpatinag sa hirap. Sa lahat, ay nakaimprenta ang katatagan ng loob at pananampalataya.
Hindi rin maikakaila ang pansin na ibinibigay sa ilang personalidad at celebrity na nakapasa sa Bar. Mga artistang ngayo’y may titulong Atty. Gaya nina Luke Jickain na naging batayan sa karakter ni Joshua Zuñiga ng “Bar Boys” na kung saan si Kean Cipriano ang gumanap. Kabilang din sa mga pumasa ay isa sa mga aktor ng “Unmarry” na si Nico Antonio na kung saan gumanap din siya bilang isang abogado na ngayon ay naging tunay na buhay na.
Sa isang banda, maaari itong magsilbing inspirasyon—patunay na ang propesyon ay bukás sa iba’t ibang pinanggalingan.
Ngunit sa kabilang banda, nagbubukas ito ng tanong: ang batas ba ay magiging extension lamang ng kasikatan? Magiging plataporma ba ito para sa tunay na adbokasiya, o isa lamang bagong dekorasyon sa personal na brand?
Ang batas ay hindi entablado, at ang korte ay hindi kamera. Ang tunay na sukatan ng isang abogado ay hindi kung gaano siya kasikat, kundi kung kanino siya handang tumabi kapag wala nang palakpakan.
Ayos lang na tingnan ang tagumpay na ito bilang isang malaking hakbang para sa sarili at para sa pamilyang pinangakuan ng mas magandang buhay. Karapat-dapat na magdiwang dahil ang paglalakbay na ito ay hindi naging madali. Ngunit sa paghupa ng saya at natutuyo na mga luha, isang napakabigat na tanong ang sumasalubong sa mga nakapasa: “Eh ano ngayon?”
Mahalagang mapagtanto na ang pagpasa sa Bar ay hindi pa rurok ng kanilang mga karera. Ito ay isang pintuan lamang, hindi isang pedestal. Ani nga ni Justice Marvic Leonen, ang Bar ay “merely a qualifying examination,” hindi ito kasukatan ng pagkatao o kahusayan bilang lingkod-bayan. Ang titulong Atty. ay hindi kailanman magiging yardstick ng tangluyan base lamang sa kakayahan at katalinuhan. Marami nang nakitang dakilang mga abogado ang bansa pero hindi lahat ay may pusong maging abogado para sa bayan.
Sa huli, ang tanong ay hindi kung nakapasa ka, kundi kung kanino ka papanig. Hindi kung gaano kataas ang sahod, kundi kung gaano kalalim ang konsensya. Maraming pareho ang pangarap pero naiiba ang layunin. Ang bagong hanay ng mga abogado ang haharap sa lumang problema ng bansa: isang sistemang may batas ngunit kulang sa hustisya.
Napakadaling humanay sa malalaking korporasyon o makapangyarihang politiko at napakahirap magpakumbaba at ipamalas ang makatarungang mukha ng batas. Ang lisensya ay hindi lamang isang karangalan, kundi isang responsibilidad na itaguyod ang katarungan para sa lahat.
Nakasalalay ang tunay na halaga ng isang abogado sa kung paano nila gagamitin ang angking kaalaman at kasanayan pagkatapos manumpa at makuha ang lisensya. Ang pagpili sa landas na tatahakin ay siya mismong pahiwatig kung nasa kamay ng isang abogado ang pagsilbi bilang gabay ng marhinalisado’t nakabusal sa gitna ng unos.
Higit pa sa nilalaman ng talaan, maligayang pagdating sa tunay na laban. Ang panulat ay napalitan na ng paninindigan—at doon nagsisimula ang mas mabigat na pagsusulit.