
Hindi ako Katoliko. Hindi ako Cebuano. Ngunit sa kauna-unahang pagkakataon, sinubukan kong dumalo sa isang misa para sa Sinulog. Dala-dala ko ang kaba ng isang tagamasid. Hindi ko alam kung kailan luluhod, kailan tatayo, at kung aling panalangin ang sasabayan ko. Hawak ko ang sarili kong katahimikan—tila isang bisitang ayaw makabasag ng ritwal na hindi niya ganap na nauunawaan.
Wala akong kaalaman sa ‘koreograpiyang’ matagal nang kabisado ng mga deboto, ni hindi ko alam kung ano ang itutugon sa bawat dasal. Ngunit sa bawat sandaling naiilang ang kaluluwa ko sa pinasok kong umpukan, walang matang tumingin sa akin bilang isang estranghero. Walang bulong na nagtanong kung bakit ako naroon.
Alalang-alala ko pa na sa gabing iyon, ang mensahe ng pari ay hindi nagtunog-utos, ngunit naramdaman kong ako’y inaanyayahan sa isang tahanan ng mga maysala–tahanang para sa maysala. Bagaman hindi lahat ay malinaw, may kung anong pamilyar; parang kuwentong matagal mo nang narinig kahit hindi mo maalala kung kailan ka unang nakinig.
Sa pagtatapos ng misa, isa-isang binanggit ng pari ang mga sektor at dahilan kung kanino iaalay ang sigaw—para sa mga may sakit, sa mga malalayo sa pamilya, at sa mga naghahanap ng direksyon, mga taong naliligaw. Sa bawat banggit, sabay-sabay na umugong sa simbanhan ang: Pit Señor!
At sa bawat Pit Señor, hindi ko namalayang sumasabay na rin pala ang damdamin ko sa sigaw. Hindi dahil bigla akong naniwala, kundi dahil sa sandaling iyon, wala akong naramdamang hadlang. Mas nanaig ang pakiramdam na may kasama akong nagbubuhat sa kung anuman ang aking pinapasan.
Bago pa man ang huling Amen, marami akong nasilayan at nakasalubong na mga ngiti—payak, walang paliwanag, at walang inaasahang kapalit. Higit sa mga ngiting iyon, nakaramdan ako ng koneksyong hindi kayang ipaliwanag ng relihiyon o doktrina. Sa isang iglap, marami akong natagpuang kuwento kahit hindi iisang ruta ang tatahakin namin pag-uwi.
Doon ko naunawaan na ang selebrasyon sa Sinulog ay hindi lamang tungkol sa kung ano at sino ang pinaniniwalaan mo. Ito’y nagsisilbing isang pagdiriwang na kung saan malaya ang lahat na makapagtanggal ng mga maskara at anumang karatulang ikinakabit sa iyo ng lipunan. Hindi mahalaga kung anong denominasyon ang kinabibilangan mo, sapagkat sa harap ng iisang sigaw, ang lahat ay nagiging iisang ugong lamang ng mga tinig.
Sa labas ng simbahan, bumabalik ang bawat pagkakakilanlan, ngunit may pabaon sa bawat alaala. Kung dati’y limitado lamang ang kulay ng mundo ko, ngayon ay pinatingkad na ng liwanag na hindi ko inaasahang matatagpuan sa loob ng isang tradisyong hindi ko kinagisnan.
Hindi ako ginawang Katoliko ng Sinulog. Hindi ako naging Cebuano sa Cebu. Ngunit doon, tinuruan akong makinig—isang pakikinig na hindi nangangailangan ng paniniwala upang maramdaman na ikaw ay nabibilang at may puwang sa mundo. Sa bawat Pit Señor, natutuhan kong ang ating pagkakaugnay ay mas matibay pa sa anumang pagkakaiba at mga bakas ng identidad na nakaukit sa bawat isa.
At marahil, iyon ang tunay na diwa ng Sinulog sa Cebu—na sa gitna ng sayawan at sigawan, tahimik tayong pinaaalalahanan na bago tayo nagkaroon ng mga titulo at pangalan sa mundo, bago pa tayo pinagbuklod sa mga kapuluang watak-watak na mapang-arkipelago, tayo muna ay kapwa—malaya sa pagkakakilanlang ikinabit sa isa’t isa.
Dahil sa dulo, walang dayo, walang estranghero—lahat ay kabilang sa larawan ng piyestang hitik sa biyaya at pagpapala ng patron ng mga Katoliko, Señor Santo Niño!