
Malayo pa lamang, malalanghap na ang kakaibang amoy na karaniwan sa mga ilog o kanal, at kung sisisirin ang pinagmumulan nito, matutuklasan ang isang kemikal na parehong delikado sa kalikasan at kalusugan ng tao.
Higit pa sa mga basurang nangangamoy sa katubigan, ang nakasusulasok na amoy ay dulot din ng sulfide—isang kemikal na may matinding amoy na tila bulok na itlog, na nabubuo naman kapag ang bakterya sa tubig ay kumakain ng mga natirang organikong bagay kabilang na ang mga tirang pagkain o patay na halaman at hayop.
Ang sulfide ay nahahalo sa maruming tubig o wastewater, kaya naman, naging sentro ng pag-aaral ang isang pamamaraan upang epektibong maalis ito mula sa tubig.
Sa pagtutulungan nina Lord Richard B. Verania at Dr. Tiffany Joan Sotelo ng University of the Philippines–Diliman College of Science Institute of Chemistry (UPD-CS IC), National Sciences Research Institute (NSRI), at Dr. Hiroyasu Satoh ng University of Tokyo, sinuri nila ang paggamit ng Intermittent Contact Oxidation Process (ICOP) bilang isang sustainable post-treatment method upang epektibong matanggal ang sulfide sa wastewater.
Ang ICOP ay isang paraan ng paglilinis ng wastewater kung saan ang tubig ay pinadadaloy nang paunti-unti sa isang porous media o tila isang sponge na may maliliit na butas kung saan namumuhay ang bakterya, na unti-unti namang tinatanggal ang sulfide sa presensya ng oxygen at ng mga mikroorganismong nasa porous media.
Ayon sa pananaliksik ng mga siyentipiko, layon nitong malaman kung tunay nga bang epektibo ang ICOP sa pagtanggal at pagbabago (oxidation) ng sulfide sa wastewater sa kabila ng magkakaibang daloy ng tubig at konsentrasyon ng kemikal.
Mekanismo ng paunti-unting kalinisan
Kung tutumbukin ang puno’t dulo ng problema sa wastewater, nagmumula ito sa mga kabahayan, estero, at pasilidad na nagpoproseso ng maruming tubig, lalo na sa mga lugar na kulang sa maayos na mga tubong pinagdadaluyan nito.
Kaya naman, ang naipon na maruming tubig ng mga siyentipiko ay isinailalim sa anaerobic treatment kung saan ang mga bakterya ay kinakain ang mga maruming organikong bagay sa tubig nang walang oxygen. Sa prosesong ito, nalilinis ang tubig, ngunit sabay namang nabubuo ang sulfide.
Bagama’t maaaring mayroon nang sulfide sa wastewater bago pa ang treatment, mas tumitindi at naiipon lalo na kapag ang tubig ay nasa anaerobic na kondisyon.
Matapos ang pre-treatment kung saan nabubuo ang sulfide, ang tubig ay lumalabas bilang effluent at isinasailalim sa post-treatment gamit ang ICOP upang unti-unting malinis at maging ligtas.
Dito na nagsisimula ang mekanismo ng ICOP na nagaganap sa dalawang magkakaugnay na yugto: kapag dumadaloy ang tubig (high flow) at kapag humihinto ito at nakalantad sa hangin (low flow).
Tuwing may high flow, ang sulfide sa tubig ay napupunta sa porous media, habang ang oxygen mula sa hangin ay napapasok dito. Sa ganitong paraan, nagkakaroon ng ugnayan ang dalawa, na nagreresulta sa oxidation ng sulfide at sa pagbubuo nito ng sulfate.
Kapag dumako na sa low flow, nalalantad ang porous media sa hangin, kaya kahit walang dumadaloy na tubig ay unti-unting nagkakaroon ng oxygen sa loob nito at nagpapatuloy ang oxidation ng natitirang sulfide, na nagiging sulfate na rin.
Sa pagdaan ng dalawang yugto, nagaganap ang oxidation, o ang prosesong pagbabago ng sulfide patungo sa sulfate sa presensya ng oxygen, na nagreresulta sa mas ligtas at walang amoy na kemikal.
Nagaganap din ang oxidation nang hindi nangangailangan ng aktibong aeration o paggamit ng kuryente para sa pagpasok ng hangin sa tubig.
Hindi man biglaan ngunit sa paraan ng tamang proseso, dahan-dahan ngunit tuloy-tuloy, ay nagiging mas malinis at ligtas ang dating maruming tubig.
Likas-kayang inobasyon
Upang lubos na maunawaan ang mekanismong nagaganap sa pagtanggal ng sulfide sa wastewater, nakagawa ang mga siyentipiko ng isang maliit at hugis parisukat na reactor.
Ito ay gawa sa transparent polyvinyl chloride plastic plates upang masundan ang prosesong nagaganap sa reactor. Sa loob nito ay inilagay ang filter na pinamumugaran ng bakterya at tumutulong sa pagsasala at paglilinis ng tubig, na mas kilala bilang porous media.
Mula sa pre-treatment sa ilalim ng anaerobic na kondisyon, hanggang sa post-treatment gamit ang ICOP na may intermittent flow patterns o magkakaibang daloy ng tubig, napatunayan ang kakayahan nito na mapababa ang antas ng sulfide sa wastewater.
Batay sa resulta ng pag-aaral, naging malinaw na epektibo ang ICOP sa pag-alis at pag-oxidize ng mga sulfide sa wastewater.
Bagama’t mas malinis na kumpara sa dating wastewater na may sulfide, hindi pa rin ito ligtas na inumin, kaya mahalaga pa ring maging maingat sa paggamit nito.
Ang inobasyong ito ay sinasabing may potensyal dahil sa angkin nitong katangian na mababa sa konsumo ng enerhiya at likas-kaya pa. Nakitaan din ito ng kakayahang magsilbi na isang alternatibong pamamaraan sa pangangasiwa ng sulfide sa mga wastewater treatment systems.
Agos ng pagbabago
Sa bansang napalilibutan ng mga katubigan katulad ng Pilipinas, malaking bahagi sa pamumuhay ng bawat mamamayan ang pagkakaroon ng malinis na tubig. Gayunpaman, marami pa rin ang hindi nakatatamasa nito.
Maraming lugar sa bansa ang kulang sa maayos na sewer system, kaya direktang nakalalabas ang wastewater sa kapaligiran, na nagdudulot ng mabahong amoy, polusyon, at maging panganib sa kalusugan.
Sa kabila ng potensyal na dala ng ICOP, hindi pa rin nito lubusang masosolusyonan ang matagal nang problema sa maruming tubig. Kinakailangan pa rin ang pagtutulungan ng bawat Pilipino upang masiguro ang mas malinis at ligtas na kapaligiran.
Dapat lamang na ugaliin ng mga tao ang tamang pagtatapon ng maruming tubig at basura, at maging responsable sa kapiligaran na kanilang ginagalawan.
Malaking tulong din ang pagsuporta sa mga likas-kayang solusyon tulad ng ICOP na ginawa ng mga siyentipiko upang makasabay ang mga Pilipino sa agos ng pagbabago.
Sa tulong ng inobasyong ito, mababawasan na ang malalanghap na kakaibang amoy sa kahit anong uri ng anyong-tubig. Kahit na malayo pa ang tatahakin ng pag-aaral na ito, tila nagiging malinaw na ang hakbang tungo sa mas malinis at ligtas na tubig para sa lahat.