
Sa kahit anong pampublikong lugar, maginhawa sa pakiramdam ng sinuman kapag ang mga palikuran na kanilang daratnan ay malinis at walang masamang amoy. Ngunit, hindi naman ganito ang madalas na senaryong tumatambad sa mga lugar tulad ng paaralan.
Mabaho, marumi, at mapanghi—ilan lamang iyan sa mga karaniwang hinaing ng mga mag-aaral patungkol sa kanilang comfort rooms (CR) na minsan man ay nalilinisan ngunit hindi napapanindigan ang salitang ‘comfort.’
Kaya naman, isang grupo ng mga STEM strand students ng San Jose National High School ang bumuo ng prototype na layong bawasan o matanggal ang mabahong amoy ng mga CR sa kanilang paaralan.
Ang kanilang imbensyon ay tinawag na Smart Monitoring Odor Control and Alert System (SMOCAS) kung saan ito ay nakatutok sa pagbawas at pagtanggal ng ammonia sa hangin.
Sa agham, ang ammonia ay isang kemikal na compound na binubuo ng nitrogen at hydrogen (NH₃) na kadalasang nanggagaling sa pagkasira ng mga organikong bahagi ng ihi, dahilan upang kumalat ang mapanghing amoy sa mga saradong espasyo tulad ng CR.
Ayon kay Kylene Pangilinan, isa sa mga lumikha ng SMOCAS, nagsagawa ang kanilang grupo ng qualitative research na nagtatanong ng karanasan ng kanilang kapwa estudyante hinggil sa mga CR ng kanilang paaralan.
Dito nila napag-alaman na ang ammonia ang pangunahing sanhi ng mabahong amoy at pagkaduwal na nararanasan ng kanilang mga kamag-aral.
Agham sa umaalingasaw na amoy
Ayon sa Neutron Industries, ang amoy ng ihi ng tao ay pangunahing nagmumula sa urea, isang waste product na nabubuo mula sa metabolismo ng protina sa atay.
Kapag ang ihi ay naiiwan at nalalantad sa hangin, tinutulungan ng mga bakterya ang pag-break down ng urea sa pamamagitan ng enzyme na urease, na nagreresulta sa pagbuo ng ammonia at carbon dioxide na nagdudulot ng matapang na amoy.
Dagdag pa rito, ang dehydration o kakulangan sa tubig sa katawan ay nagiging sanhi upang maging mas concentrated ang ihi, kaya mas tumitindi ang amoy nito. Bagama’t hindi tumataas ang dami ng ammonia na nabubuo, mas tumitindi ang amoy dahil mas mataas ang konsentrasyon ng waste products tulad ng ammonia at sulfur compounds sa ihi.
Ang paglanghap ng hangin na may ammonia ay maaaring magdulot ng iritasyon sa paghinga, tulad ng pag-ubo, pangangati ng mata, ilong, at lalamunan. Maaari din itong mag-trigger ng asthma, at kung mas mataas ang antas ng ammonia sa hangin ay pwedeng magdulot ng pagkamatay.
Sa pangkalahatan, kakulangan sa wastong kalinisan ang nakikitang pinakadahilan kung bakit may umaalingasaw na amoy sa mga CR katulad ng mga nasa paaralan.
Likhang hatid ay ‘comfort’
“The comfort room should live up to its name na nagse-serve po ng comfort sa mga students,” saad ni Yesha Miranda, kabilang sa grupo ng mga bumuo sa SMOCAS.
[Ang comfort room (CR) ay dapat mapangatawanan ang pangalan nitong nagbibigay ng ‘comfort’ sa mga mag-aaral.]
Ang likhang prototype ng grupo ay may gas sensor kung saan natutukoy nito ang antas ng ammonia na mayroon sa hangin. Kapag lumagpas sa 30 parts per million (ppm) ang ammonia sa hangin—antas na maaaring magdulot ng iritasyon—awtomatikong mag-aactivate ang humidifier sa pamamagitan ng motorized system nito.
Dagdag ni Miranda, pangunahing layunin ng built-in humidifier sa kanilang prototype ang pagbawas ng masamang amoy.
Ang humidifier na ito ay ginagamit upang mapanatili ang tamang halumigmig o humidity ng hangin na makatutulong upang maging maayos ang kalidad ng hangin sa paligid at mas maging komportable para sa mga gagamit ng CR.
Sa pagtaas pa ng antas ng ammonia sa hangin, may kakayahan din ang SMOCAS na magpadala ng mensahe sa mga tagapaglinis ng CR upang maipaalam ang nagiging lagay ng palikuran.
Kasama rin sa mga tampok na katangian nito ang pagkakaroon ng sensors na kayang makapag-detect ng temperatura, halumigmig, at iba pang uri ng gas sa hangin.
Ang SMOCAS ay patunay na ang agham ay maaaring magbigay ng mas komportableng karanasan sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Gayunpaman, hindi matatapos sa teknolohiya ang solusyon sa problema sa amoy at kalinisan ng mga CR.
Hindi sapat ang inobasyon kung walang disiplina. Sa loob man o labas ng paaralan, tunay na mabibigyang-buhay ang salitang ‘comfort’ kapag magkasama nang kumikilos ang agham at responsibilidad ng bawat isa.