
Yra Felizze Barallas
Sabi nila andito sa siyudad ang mga bituin
Kaya kabilin-bilinan ng Ina na ako’y magtapos
At pakahawak ko ng diploma
Ay sumakay agad sa pinakaunang bus na aalis.
Bagong lugar, napakaraming ilaw
Kahit saan man ako pumaruon
Ang mga mata ay mistulang mapapapikit.
Minumuta na sa paninibago, sa pagkasilaw.
Sa pagsapit naman ng gabi,
Magsisibol na ang mga alitaptap
Na mistulang bubuyog kumayod.
Likod ay baluktot, mga tingin ay malalayo.
Pawis sa likod ng palad
sa paulit-ulit na pagpunas sa tagaktak.
Nasaan nga ba ang pinangakong
Tutupad sa aking munting mga pangarap?
Ang sabi’y rito raw makakamtan
Ang buhay na makakaraos sa kadukhaan.
Ang tanging nais ay hindi na magbanat ng buto
Ang minamahal kong mga magulang.
Kaya kahit ako’y nananabik
Sa lupang aking kinalakihan,
Napilitan makipagsapalaran
Sa isang mundong puno ng sakit.
Minsan dadaan ang gabi maaalala ko si Ina,
Ang kanyang walang humpay na aruga
Sa pag aasikaso at pag-aalaga.
Ngayon ako’y malayo, wala sa piling niya.
Sa bawat daan sa mga karinderya,
Luto mo lang Ama ang aking hinahanap.
Na sana dumating na ang Pasko o Semana Santa,
Para naman kayo’y makasama ko na.
Sabi nila andito raw sa sentro ang mga pilak,
Na makapagbibigay raos sa pamilyang laki sa hirap.
Kung alam ko lang sana na kapalit nito ay luha at pananabik,
Baka ay hindi ako dali-daling nag-impake at umalis.
Sapagkat sa bawat araw na ako’y mag-isa
Ako’y magtatanong sainyo sa telepono,
“Ano po Ma, kumusta na?”
Sagot mo lagi, “Okay lang, kumain ka na?”
Hangad ko lagi sa Panginoon
na huwag ako dapuan ng sakit
Dahil sino na lang ang hihimas sa aking buhok
para ako’y antukin at makaidlip?
Wala ang Mama para magpunas sa aking katawan
Na nagliliyab na sa lagnat at lantang gulay sa panghihina.
Bibili ng sandamakmak na prutas,
Bago pa man ibigay sa akin ay binalatan na at nakabukas.
Minsan nga iniisip ko,
di naman siguro masama kung ako’y umuwi na lang
Pero paano na lang ang mga pangarap kong
Naging pangako ko na rin sainyo?
Kaya kahit gaano ko tinatago ang pait,
Sasabihin ko pa rin sainyo na ako’y ayos lang
Kahit hindi ko kayo araw-araw kapiling,
Sapagkat alam kong kayo’y umaasa sa akin.
Na balang-araw, ako’y uuwi
Na hindi lang saktong pamasahe ang salapi.
Kundi sapat na upang hindi na muling aalis,
At makasama na kayo nang matagal at palagi.