Pudpod na gulong sa iisang daan

#CartoonOnPoint by Princess Efondo

Isang daan. D’yan umiikot ang sanga-sangandaang buhay ng tsuper, mga drayber ng traysikel, opereytor, at komyuter. Sa mga malayang kalsada rin ng isang daan nabubuhay ang mga kalsadang arteryal na bumubuhay sa mga sektor ng ating lipunan.

Pero ngayon, wala nang sangdaan ang salaping mula sa isang araw na pinagpapaguran ng mga tsuper sa daan.

Kung titignan mong mabuti, parang simpantay ng linya sa kalsada ang kalagayan ng batayang sektor ng transportasyon. Sa panahon ng welga at tigil pasada ng mga dyip, umaarangkada naman ang mga traysikel. 

Sa mata nating lahat na ordinaryong pasaherong nagkukumahog makapasok sa trabaho sa ating mga paaralan, ang kawalan ng isa ay pansamantalang napupunan ng isa pa.

Sa unang tingin, parang tagumpay pa at may pakinabang pa ang sakripisyo ng iba.

Ngunit ito ang pinakamalaking kasinungalingang pilit na ipinapakain sa atin at sa mga tsuper: ang ilusyon na magkakalaban sila.

Pilit na pinag-aagaw ang mga dyip at traysikel sa kakarampot at barya-baryang pamasahe ng mga komyuter, habang ang mga dambuhalang korporasyon ng langis at ang gobyerno mismo ay walang patid kung kumamal ng bilyun-bilyon mula sa parehong bulsa. Estratehiya na ito ng mga nasa poder at sa mga makapangyarihan mula pa sa noong panahon ni Batman. Na hatiin at pagharian ang mga nasa laylayan.

Sa laban ng tsuper, makikita natin na sa pagtaas ng pamasahe ay hindi naman ito tagumpay ng tsuper ni ng drayber ng traysikel na parehong nagmamakaawa sa prangkisa at nakapila sa initan na nag-aantay ng pasahero.

Tagumpay ito ng naghahari-hariang uri.

Sa laban ng tsuper, dapat magkaisa ang mga rider, traysikel drayber, at iba pang batayang sektor laban sa makinaryang nagdidikta sa presyo ng kanilang kabuhayan. Sa gasolinahan mismo, pareho lang naman silang kinakatay. Ano pa’t paglalabanin mo ang parehong isang kahig, isang tuka?

Lalo pa ngayon. Pumutok ang giyera sa Iran. Sa bawat bombang bumabagsak at misil na pinapakawalan sa Gitnang Silangan, ang umuugong na pagsabog ay umaabot hanggang sa mga kalsada ng Maynila. Kinabukasan din, asahan mo nang tataas ang presyo sa mga pump station. Sasabihin na naman ng gobyerno sa mga tsuper na nagpoprotesta sa Mendiola: “Wala tayong magagawa, pandaigdigang krisis ‘yan.”

Ngunit isa itong palusot na kasing gasgas ng pudpod na gulong.

Isa pang pasakit ang 12% value added tax o VAT sa krudo. Wala naman yang sinasanto–four wheelers, two wheeler, at kahit mga traysikel–pare-parehong pasakit sa masang naghahanapbuhay nang marangal at makatuwiran.

Kung susuriin, malaki rin ang papel ng oil deregulation law (ODL) sa patuloy na paghihinaing ng mga batayang sektor sa transportasyon. Kung nasyunalisado lamang ang mga pampublikong serbisyo tulad ng petrolyo, magkakaroon sana ng seguro para sa mga tsuper at pati na rin sa komyuter. 

Sa ngayon, nakaasa pa rin sa pag-aangkat ang Pilipinas, at walang nakalagay na seguro para sa sektor ng petrolyo. Hanggang 1998, pagmamay-ari ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga kompanya tulad ng Petron, kung kaya naman nasesentro at natatakda nito ang presyo ng petrolyo para hindi ito umigpaw sa kaya ng mga tsuper. Bunsod ng ODL, natanggal ang segurong ito.

Ang mga demonstrasyon sa mga nakalipas na araw sa iba’t ibang panig ng bansa ay patunay ng lumalaking kalakasan ng sambayanan na singilin ang gobyerno sa mga kakulangan nito sa mga pampubliko at batayang serbisyo. Mula Mendiola hanggang Welcome Rotonda dito sa NCR, lahat ay umaalingawngaw laban sa mapanakal na presyo ng langis, bilihin, at serbisyong dapat natatamasa ng lahat.

Kaalinsabay na rin ng palpak na seguro ng sistema sa Pilipinas ang sapilitang phaseout sa mga dyip na hindi na “raw” pasok sa mga regulasyon ng estado. Ayon sa bagong pamantayan ng LTFRB, tanging mga dyip na pasok lamang sa Euro4 standard ang maaaring pumasada sa ating mga lansangan. Ngayong nasa krisis at namomroblema na sa suplay ng petrolyo, malahimalang naging pasok muli ang napaglumaang Euro2 standard. Ano pa at isinusulong ang modernisasyon, kung sa totoo lang ay hindi pa handa ang modernisasyon sa mga daluyong ng progreso at krisis sa pandaigdigang merkado?

Sintomas lang ang phaseout ng isang mas malalang sakit: ang pagtingin ng estado sa transportasyong pampubliko bilang negosyo imbes na serbisyo. At kapag natapos na nilang walisin ang mga tradisyunal na jeep sa malalaking kalsada, sino sa tingin niyo ang isusunod nilang pagkakitaan at patalsikin sa mga iskinita at sekondaryong ruta?

Simple lang ang iisang daan na pinagpapasadahang ruta para sa kalsada ng masa. Kaya naman kung mananatiling tahimik at hiwalay ang hanay ng mga traysikel drayber habang kinakatay ang mga dyip, darating ang araw na sila naman ang maiisahan.

Ang pagbuhos ng suporta ng mga traysikel drayber sa laban ng mga tsuper ng jeep ay hindi lang simpleng pakikiisa ngunit pagtatanggol sa sarili nilang kinabukasan–at sa kinabukasan na rin ng sambayanan.

Dahil sa kalsadang pareho nilang binabaybay araw-araw, ang tagumpay tungo sa isang daan ang ay tagumpay na kaalinsabay ng tunay na repormang pangmatagalan.

5 Votes: 5 Upvotes, 0 Downvotes (5 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...