Pinoy Daily Konsu(misyon): Oil price hike bilang sukatan ng pagmamahal 

Ang mahirap sa pagiging mahirap, ang pag-ibig ay nasusukat sa mga simpleng bagay, kahit sa gas.

Kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas, mas bumibigat din ang dagan ng krisis na ito sa pang-araw-araw na pagkayod ng maraming Pilipino. Ngunit, hindi lamang iisa ang ruta ng pasanin na dulot nito: naisasabuhay ito mula sa pagdadalawang-isip ng mga jeepney drayber kung paano pagkakasyahin ang ilang litro sa pasada, sa mga magsasakang matumal ang produksyon sa pagkain, hanggang sa mga normal na mamimiling pahirapan sa pagbabadyet.

Sa kasalukuyang tensyon ng mga bansa sa Middle East, partikular na ang kaguluhan sa pagitan ng United States at Iran, kabilang ang Pilipinas sa mga karatig bansang nakararanas ng nakagugulantang na mga sunod-sunod na epekto: isa na rito ay ang pagtaas ng presyo ng diesel na may panibagong patong na 15 pesos, at gasolina sa 12 pesos nitong araw ng Huwebes, doble dagok para sa mga namamasada at iba pang sektor ng lipunan na pilit pinagkakasya ang dati pa’y hindi naman sapat.

Sa isang maliit na isla sa Persian Gulf, araw-araw na nakatanaw ang mga manggagawa sa mga dambuhalang tanker—dala ang langis na bumubuhay sa ekonomiya ng Iran, na kilala bilang third-largest producer ng Organization of the Petroleum Exporting Countries. Matatandaang nakapag-export ito ng 90% ng langis na iniluluwas sa Kharg Island, at idinadaan sa makipot na Strait of Hormuz, ang nag-iisang pinakamahalagang daanan sa mundo, para maipadala sa iba’t-ibang bansa.

Ayon sa report ng Al Jazeera, ang 39-kilometrong Strait ay ang tanging ruta papuntang bukas na dagat para sa higit sa isa sa anim na bahagi ng pandaigdigang produksyon ng langis at isang-katlo ng likidong natural na gas (LNG) sa mundo. At ang pagsasara nito ay nagdulot ng sangkatutak na isyung kakaharapin ng mamamayang Pilipino.

Pasanin ng Pasada

Para sa mga tsuper, problema kung paano pa sila makakapagpatuloy sa pasada sa lagpas libo na presyo ng langis, gayong ang kanilang kita sa isang araw ay ni hindi naman sapat para makapagbili man lang ng isang kilong bigas. 

“Ang diesel ko kahapon 1,200 pesos maghapon tapos ang kinita ko ‘yung sumobra, 56 pesos kasama na barya. Tapos nagboundary lang ako,” hinaing ni Benny Medina sa krisis ng gasolina, mula sa report ni Mark Salazar sa 24 Oras ng GMA News

Ayon sa kaniya, kumita lamang siya ng 56 pesos mula sa maghapong pamamasada, na hindi naman sakto para sa 60 pesos na kilo ng bigas. 

Ang bawat pisong pagtaas ng presyo ng langis ay patuloy na kumakain ng porsyento sa kita ng mga katulad ni Benny, at ang bawat price hike ay napipilitang itulak ang mga drayber papalapit sa complete zero income. 

Sa kahirapan, ang pag-ibig ay nakikita sa praktikal na bagay, at sa jeepney drivers, iyon ay sa bawat patak ng gasolina na kanilang pinagkakagastusan. Katumbas ng isang litrong diesel ang pawis mula sa tirik ng araw at ang pagod mula sa paghihirap. 

Cream of the Crap

Pantay ang hirap na ito para sa mga magsasakang Pilipino na tila nagbubungkal na lamang ng hukay sa kanilang kabuhayan.

Higit pa sa malinaw at direktang epekto ng kaguluhan sa Middle East sa mga tsuper, malaking dagok din ang dala nito sa suplay ng pataba sa pagsasaka na maaaring mamiligro sa sitwasyon ng food chain supply sa bansa. 

Nakadepende ang proseso ng produksyon ng pataba sa enerhiya, sa pamamagitan ng liquefied natural gas (LNG) para sa mga ammonia-based fertilizers. Ayon sa Sugar Regulatory Administration, tataas ang presyo ng pataba sa ₱250 per bag, na maaaring magdulot ng kasabay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

“The anticipated spike in fuel prices will result in significant increases in production costs and will certainly affect small farmers and fishers producing food,” ayon kay Danny Carranza, secretary general of Kilusan Para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan sa isang pahayag. 

Abot sa sariling hapag-kainan ang pagtitipid sa bawat sako ng abonong hindi na kayang bilhin. Kaya papaano bubuhayin ng isang simpleng magsasaka ang kaniyang pamilya, kung sa bawat pagtaas ng presyo ng langis at pataba ay tila pagkabaon sa utang? 

Kung iniisip mong walang katumbas ang pag-ibig na kayang ibigay ng isang tao, iba ang realidad na ito para sa mga Pilipinong nasa sungkit ng laylayan tulad ng mga magsasaka. Nasusukat ang kanilang sakripisyo sa bawat maliliit ngunit praktikal na mga bagay – sa tiyaga kahit hindi naman sapat ang kinikita, sa pagpupursige sa gitna ng kawalan. 

Sa kakulangan, hindi ang halaga ng bagay ang sukatan ng pagmamahal, kundi ang sakripisyong kaakibat nito.

Ang kanilang depinisyon ng pag-ibig ay nasa mukha ng mga lubos na kapos, iyong natatanging puhunan ay kung paano mairaraos ang pang-araw-araw na pamumuhay sa gitna ng paglobo ng presyo ng langis, hindi lamang para sa kanila, kundi para sa mga taong nakasandal sa kanilang mga balikat. 

Ang lenggwahe ng kanilang pagmamahal ay kadalasan hindi mauunawaan ng mga mayayamang hindi tinitipid ang kanilang pamumuhay, ngunit malinaw para sa mga pesanteng isinusulong ang karapatang makakain ng maayos, pumasada nang walang iniisip na presyo, at ang pag-aararo nang suplay na higit pa sa kanilang kinakailangan. 

Kaya ang mahirap sa pagiging mahirap, hindi ito naiintindihan ng kung sinumang hindi na gumagapang upang itaguyod ang simpleng mga pangarap.

2 Votes: 1 Upvotes, 1 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...