Penitensiya ng nagdarahop

Sa bawat paghampas ng latigo sa likod ng mga deboto sa Pampanga at sa bawat pag-alingawngaw ng chanting sa “Pabasa,” muling binubuhay ng sambayanang Pilipino ang alaala ng sakripisyo ni Kristo. Iniaalay ng lahat ang buong linggong katahimikan at pagpapakumbaba upang ipasan din ang parusang dulot ng kasalanan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang krus na bitbit ng karaniwang mamamayan ay hindi na lamang gawa sa kahoy kundi sa bakal: marka ng pagdagan ng nagsitaasang presyo ng mga bilihin, krisis sa enerhiya, at ang tila penitensiyang serye ng pagtaas ng presyo ng langis.

Imbes na maging panahon ng pagninilay at pagsisisi, ang Semana Santa ay iginunita sa kalbaryo ng pagdurusa sa araw-araw ng mga tsuper, manggagawa, at mamamayan. Mapait ang realidad ng kani-kanilang Via Crucis na hindi nagtatapos sa Biyernes Santo. Ang hirap ng buhay na siyang ibinubuhos sa mga payak na paraan ng pagtindig, katulad ng mga inanunsyong transport strike at lokal na mobilisasyon, ay hindi lamang protesta; ang mga ito ay makabagong paraan ng pagtindig sa gitna ng sistemang pilit silang ibinabaon sa utang.

Sa pagpasok ng Abril, itinala ang unang round ng pagtaas ng presyo ng langis, kung saan ang presyo ng diesel ay inaasahang tumalon pa ng hanggang ₱15.00 bawat litro. Hindi lamang ito mga numero sa paskilan ng gasolinahan. Ito ay bawas na pagkain sa hapag, bawas na pambaon ng mga anak, at dagdag na hiningang malalim para sa mga nagdarahop.

Hindi na lamang espirituwal ang sakripisyong inaako ng mga Pilipino. Dahil sa idineklarang State of National Energy Emergency, ang nakasanayang pag-uwi sa probinsiya upang makapiling ang pamilya at paglahok sa Visita Iglesia ay naging isang malaking hamon para sa marami. Ang kakarampot na biyahero sa mga terminal ay patunay na ang pananampalataya ay ginagapos ng mataas na pamasahe. Ang distansya sa pagitan ng pamilya ay hindi na lamang sinusukat sa kilometro, kundi sa kakayahan ng bulsa na tustusan ang biyahe.

Sa bawat prusisyon, mawawari ang bigat ng bawat yapak. At sa penitensiya, ay dama ang hapdi ng hampas ng latigo. Ang imahen ng mga tsuper na pasan ang isang makeshift na krus sa protestang “Kalbaryo sang Pumuluyo” ay buhay na simbolo ng pasakit na dulot ng mga polisiyang tulad ng Oil Deregulation Law at ang pasaning 12% VAT sa langis. Na parang Poncio Pilato, naghuhugas-kamay ang estado habang hinahayaan ang mga dambuhalang kumpanya ng langis na magtakda ng tadhana ng masa. Ang mga buwis naman ay siyang koronang tinik na lalong nagpapahapdi sa sugat ng mga mamamayan.

Ang kinakaharap ng bawat isa ay isang panatang hindi pinili. Ito ay ipinataw ng kapabayaan ng estado at ng profit-centric na mga polisiya sa langis na sana’y patas na natatamasa ng lahat.

Sa piling ng katahimikan ng Sabado, ang bansa ay nagnilay: hanggang kailan ang penitensiyang ito? Ang tunay na hamon ng Semana Santa na ito ay ang pagpapakita ng solidaridad at kagyat na aksyon upang pawiin ang gutom at hirap ng mamamayan. Nararapat na singilin ang tunay na may sala: ang gobyerno at iba pang pinuno ng bansa na nananatiling bingi at pipi sa kagutuman na bumabalot sa bayan.

Hindi simple ang magiging hakbang upang wakasan ang kalbaryong ito. Hindi sapat ang katatagan ng loob at paniniwala na baka sakali ay giginhawa ang mga presyo o lalakas ang kita bukas. Kinakailangan ng mga praktikal na alternatibo at masidhing pananagutan tungo sa reporma sa pagbubuwis at industriya ng langis.

Ang mga sustenidong fuel subsidies para sa mga tsuper ay isa lamang pantapal sa isang malalim na sugat. Ang kailangan ay ang radikal na pagbuwag sa mga mapang-aping polisiya at ang pagbabalik ng kontrol sa mga batayang pangangailangan sa kamay ng publiko.

Nararapat nang seryosong harapin ang pagrepaso sa Oil Deregulation Law upang wakasan ang pagmanipula ng pribadong sektor sa demanda at presyuhan ng langis. Kaakibat nito ang panandaliang pagsususpinde sa excise tax at VAT sa langis. Kaugnay nito ang usapin sa mas kapani-pakinabang na paraan ng pagbubuwis at paglaan ng kaban ng bayan sa paghadlang at pagtugon sa krisis. Higit sa lahat, dapat isulong ang renasyonalisasyon ng industriya ng petrolyo at ang paglipat sa renewable energy na kontrolado ng publiko, upang ang enerhiya ay hindi na ituring na luho kundi isang batayang karapatan na abot-kaya ng lahat.

Ngunit sa kabila ng lahat ng hagupit, ang ating panalangin ay hindi lamang para sa kapatawaran, kundi para sa paglaya mula sa nakakasakal na estado ng ekonomiya. Ang Pasko ng Pagkabuhay ay ang rurok ng ating pananampalataya na nagpapaalala na ang liwanag ay laging sumisibol pagkatapos ng dilim. Gayunpaman, hindi ito darating nang kusa. Nararapat na ito ay ipaglaban.

Sa prinsipiyong ito, sana ay makahugot ng lakas ang bawat isa na hindi lamang upang pasanin ang krus nang may pagtitiis, kundi upang tuluyang ibaba ito at lansagin ang sistemang nagpako sa sambayanan sa dusa. Ang tunay na muling pagkabuhay ay ang pagbangon ng isang bansang may sapat na pagkain, katarungang panlipunan, at dignidad para sa bawat Pilipino.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...