
Parang bahay lang ni Tarzan na nagkandabuhol-buhol sa daliri ng batang paslit,
Hindi pa man kabisado and pasikot-sikot,
Alam na alam naman kung saang kulumpol babalik
Nang makapagsimula muli.
COLON STREET
Higit pa sa isang kalsada’y
paghuhugutan rin ng kakaibang sigla,
O baka para sa iba’y kinasaid ng kanilang saya.
At dito akong magsisimulang maglakbay.
Unang liko, pa-norte: PELAEZ STREET
Sinluma ng mga pinturang nakakapit sa mga pader
Ang kasaysayan ng bawat gusaling
Tila luho sa mata ng nakaraan.
Ngunit kung makikisiksik ka sa SANCIANGKO
Malawak man ang kalsada, masikip pa rin ang mundo
Para sa mga simpleng buhay na nakahilera sa kanto –
Mga matang sanay sa tawaran at kasipagan ang bisyo.
Kaya sa tuwing mapapadaan ka rito,
Minsa’y makakatagpo ka ng mamang nagtutulak ng kariton
Habang nagtitinda ng tiyaga sa libreng presyo sa kabila ng presyon
At kumikita ng dangal kahit purong pawis ang puhunan.
Kaya, marahil, kasangga niya ang init
Dahil sa ilalim ng ulan, sa kaniya’y walang lalapit.
Hanggang sa mapadpad ka sa J.C. ZAMORA
Dito mo maririnig ang sarili mong paghinga
Mahinahon ang kalsada,
Dahil bitbit nila ang pag-asa.
Tapos sa A. BONIFACIO –
Madawag ngunit bawat hakbang ay may dalang istorya
Bukod sa mga museo sa palibot, nakapaloob din ang ala-ala
Sa hangin at alikabok na saksi sa paghihirap ng masa.
Kung malayo na ang nalakbay mo
Ngunit nalilito ka pa rin, bumalik ka sa sentro
Subukan mo ang landas sa bandang timog
LEGASPI STREET, baka dito, makikita mo.
Dito, palaging may prusisyon kahit walang santo.
Dito, hinahabol ng oras ang mga tao.
Sa kabila, mas malulula ka sa OSMENA BOULEVARD
Doon, iba ang anyo ng lungsod na parang kakambal nito ang pagod
Ngunit paniguradong kalaro nito’y saya at lakas ng loob
Dahil sa handog na oportunidad na dito ipinagkaloob
Maging sa maliliit na kalsada, konektado pa rin ang Colon
URGELLO STREET – J. ALCANTARA
Kahit kumagat man ang dilim, gising pa rin
Mga tindahang hindi nagsasara
Para sa mga sikmurang
Sa madaling araw lang napagsisilbihan.
LEON KILAT – A. BORROMEO – MAGALLANES
May kinikimkim na sigaw sa bawat kanto nito
Ngunit mas malapit ang pagitan ng mga tao
Sa reyalidad at karanasan nito.
At sa ika-anim mong liko mula sentro—may BASILICA.
Hindi mo man sadyaing hanapin,
parang ito ang hahanap sa’yo.
Sa pagitan ng pagod at panata,
may sandaling titigil ang paa mo,
at mapapaisip ka kung dasal ba ang kailangan mo
o pahinga lang muna.
Minsan mas una ka pang matutong maligaw
Kaysa sa matutong magtanong.
Sa dami ng ilaw-trapiko’t karatula
Ni hindi mo alam kung kailan tatawid, kung saan lilingon.
Kaya minsan, lakas ng loob na lamang ang tanging baon
At bahala na ang mga paa kong magdesisyon.
Ngunit tila may kung sa anong mahika
Kahit ilang beses akong malito, saan man mapadpad
Palagi kong natutunton ang landas pabalik ng Colon.
Dahil ito ang sentro at buhay sa Metro
Lalo na sa gabi, ibang-iba ang musika rito
Sa pagitan ng mga kariton at tindahan
May mga pamilyang nais mag-iba ang kapalaran
Sa bawat rutang Colon ang punta
Hindi nangangahulugan na dulo nito’y iisa.
Kundi ‘sang simbolismo na may sentro
Sa kabila ng mapang magulo;
May pulso kahit basag ang ritmo.
Dahil ganoon din ang buhay–
Hindi kailangan ng malinaw na destinasyon
Minsan ikaw ang gagawa ng sariling direksyon
Nang masabi mong umuusad ka.
Minsan, sapat na ang maligaw at malito.
Dahil sa bawat maling liko at paghinto
Ay unti-unti mong natatagpuan hindi ang dulo
Kundi ang sarili mong dahilan para ‘di ka sumuko.
Dahil tulad pa rin ng batang ‘di makabuo-buo sa bahay ni Tarzan
Ilang goma man ang kailangan masakripisyo para matandaan
Susubok nang susubok hanggang sa matuto nang tuluyan
At sa wakas, sarili niya ang magiging saksi
Ng pangarap na binuo ng mga pagal niyang daliri
Hindi perpekto, hindi rin dapat minamadali
Ngunit totoo, at buong-buo sa sarili
Hindi dahil wala nang pagkakamali
Kundi dahil mas handa nang sumubok muli.