
Cervy Ramos
May mga pagbabagong hindi agad sumisigaw ng panganib, ngunit kapag isinakatuparan, saka pa lamang mararamdaman ang lawak ng pinsala. Ganito ang kinakaharap ngayon ng General Education sa gitna ng panukalang overhaul ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa isang pampublikong pagdinig, malinaw ang direksyon ng reporma na gawing mas tumutugon ang kurikulum sa pangangailangan ng workforce. Ngunit kasabay nito, unti-unting nabubura ang tanong na mas mahalaga, katulad ng para kanino ba talaga ang edukasyon?
Sa pagdinig na iniulat ng Philstar, iginiit ng naturang ahensya na kailangang maging mas ‘agile’ at skills-based ang kurikulum upang makasabay sa industriya. Hindi na raw sapat ang tradisyunal na General Education (GenEd) kung hindi ito direktang konektado sa employability. Ngunit dito lumilitaw ang isang mapanganib na pananaw na ang halaga ng edukasyon ay nasusukat na lamang sa kung gaano kabilis itong nagagamit sa trabaho.
Ang ganitong pagtingin ay may malinaw na limitasyon. Ayon sa ulat ng UNESCO, ang mga bansang may matibay na pundasyon sa humanities at liberal education ay mas mataas ang antas ng innovation, civic participation, at social cohesion. Ibig sabihin, ang edukasyon na hindi lamang nakatuon sa trabaho kundi pati sa pang-unawa sa lipunan ay mas nagbubunga ng pangmatagalang kaunlaran. Kung babawasan ito, hindi lamang indibidwal ang nawawalan kundi ang buong estado.
Dagdag pa rito, hindi rin garantisado na ang mas ‘skills-focused’ na kurikulum ay awtomatikong magreresulta sa mas maraming trabaho. Sa katunayan, ayon sa International Labour Organization (ILO), patuloy ang job mismatch sa maraming bansa kahit na may mga reporma sa skills training. Ipinakikita nito na ang problema sa employment ay hindi lamang nakasalalay sa kurikulum, kundi sa mas malawak na istruktura ng ekonomiya. Kaya’t ang pagtapyas sa GenEd bilang solusyon ay tila maling target upang ito’y tuldukan.
Mas lumilinaw ang krisis kapag inilapat ito sa konteksto ng Pilipinas. Sa panahon ng mabilis na pagkalat ng maling impormasyon, mahalaga ang kakayahan ng mamamayan na sumuri, sumiyasat, at magtanong. Ngunit kung hihina ang kaalaman ng kabataan sa kasaysayan, pilosopiya, at panitikan, mas magiging biktima sila ng maraming porma ng misinformation at manipulasyon. Hindi ito haka-haka. Ipinakita ng iba’t ibang pag-aaral sa media literacy na ang kakulangan sa critical thinking education ay direktang konektado sa pagkalat ng fake news at political polarization.
Sa ganitong kalagayan, ang pagbawas ng mga mahahalagang asignatura sa tersiyaryang antas ay hindi neutral na polisiya. Isa itong hakbang na maaaring magpalala sa kahinaan ng ating demokratikong proseso. Paano makapipili ng tamang lider ang isang mamamayang hindi naturuang magtanong? Paano maninindigan sa tama kung hindi naman nahubog ang moral na pag-iisip?
Ngunit hindi lamang estudyante ang tinatamaan ng pagbabagong ito. Muli, sila ang nasa gitna ng krisis. Sa bawat eksperimento, sila ang unang naaapektuhan. Nangangamba na ito ay magdulot ng mas kaunting asignatura, sapilitang paglipat ng larangan, o tuluyang pagkawala ng trabaho. Sa sektor ng humanidades, na matagal nang kulang sa suporta, ang ganitong pagbabago ay maaaring humantong sa malawakang job displacement.
Kapag nabawasan ang guro, lumalaki ang class sizes, bumababa ang kalidad ng pagtuturo, at lalong lumalala ang learning outcomes. Hindi ito simpleng administratibong isyu sapagkat ito ay lantarang epekto sa kalidad ng edukasyon na natatanggap ng estudyante.
Ang pagtanaw sa kultura ang dapat ding alalahanin. Ang GenEd ay nagsisilbing tulay ng kabataan tungo sa kanilang identidad bilang Pilipino sa pamamagitan ng panitikan, kasaysayan, at sining na nagpapanatili ng alaala at pagpapahalaga ng lipunan. Mahalaga itong tingnan sa kontekstong historikal dahil ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay malaki ang impluwensiya ng edukasyong ipinataw ng mga Amerikano noong kolonyalismo, kung saan mas pinalaganap ang wikang Ingles at mga pananaw na Kanluranin kaysa sa lokal na kaalaman at kulturang Pilipino.
Hanggang ngayon, makikita pa rin ang kawalan ng ugnayan ng edukasyon sa ating sariling karanasan, paraan ng pag-iisip, at pananaw bilang Pilipino. Kaya naman, mahalaga ang GenEd hindi lamang bilang asignatura kundi bilang espasyong nagpapanatili ng koneksyon ng kabataan sa kanilang kultura at identidad.
Kung tutuusin, ang usapin ay hindi lamang tungkol sa modernisasyon ng kurikulum. Ito ay usapin ng direksyon ng edukasyon sa bansa. Kung ipagpapalit natin ang lalim sa bilis at ang pang-unawa sa agarang pakinabang, maaaring makagawa tayo ng mga propesyonal na handa sa trabaho ngunit hindi handa sa buhay.
Hindi dapat pinaliliit ang espasyo ng GenEd sa naghihingalo nating sektor. Bagkus, ito ay dapat na pinagyayaman pa. Kung pipilayan natin ang pundasyon ng pag-iisip ng kabataan, hindi lamang sila ang mawawalan. Saklaw ng krisis ang mga gurong humuhubog sa kanila, ang kalidad ng ating demokrasya, at ang kinabukasan ng lipunang ating binubuo kasama sila.