
Handa daw siyang harapin ang International Criminal Court (ICC), sabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, mahigit isang taon na ang nakararaan. Pero, nauulinigan pa lang ang pag-iral ng warrant laban sa kaniya, halos kalahating taon siyang nagtago. At nang tuluyang lumitaw, wala siyang ibang ginawa kundi maghasik ng lagim sa Senado.
Hindi dahil sa may dumanak na dugo sa loob ng plenaryo, kundi dahil sa harap-harapang pagpatay sa integridad ng batas, pagtatago ng ebidensya ng katotohanan, at paggamit ng kapangyarihan upang harangan ang daloy ng katarungan.
Ganyan “katigas” si Bato, na ngayon ay umaming nababahag na. Handa raw siyang litisin, pero sa Pilipinas at hindi sa sinasabi niyang banyaga. Ipinapamukha niyang soberanya ng bansa ang malalabag sa oras na ipadala siya sa The Hague kahit ang totoo, natatakot siyang dumaan sa tamang proseso at harapin ang batas dahil alam niyang hindi na niya ito malulusutan.
Para maunawaan kung paanong naging pinangyarihan ng krimen ang Senado, dapat munang balikan kung ano ang nangyari sa kasong crimes against humanity laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte. Matapos ibasura ng ICC ang lahat ng kanilang teknikalidad, wala na silang ibang taktika kundi ang manira, manuhol ng naratibo, at mag-imbento ng mga senaryo ng destabilisasyon.
Sa kaniyang pre-trial, walang ibang ginawa ang kampo ni Duterte kundi ang kuwestiyunin ang teknikalidad ng kaso—partikular ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas. Nang tuluyang ibasura ng ICC ang mga petisyon hinggil dito, ang susunod nilang taktika ay pangmukhang mahina na ang dating pangulo at hilingin ang pansamantalang paglaya. Pero tulad ng inaasahan, tinabla ng ICC ang pahayag ng depensa ng mismong ang ICC ang sumuri sa kalagayan ni Duterte.
Sa loob ng siyam na buwan, paulit-ulit na nabibigo ang abogado ni Duterte na si Nicholas Kauffman na mapalaya kaagad ang kaniyang kliyente. Ngunit sa halip na paglaanan ng oras ang pagbuo ng isang makabuluhang depensa, nagpatuloy sila sa maruming paglalaro. Biglang lumantad ang mga dating miyembro ng Philippine Marines upang isiwalat ang umano’y panunuhol ni dating senador Antonio Trillanes IV ng ₱2 bilyon sa ICC. Mga pinanganak lang kahapon ang hindi makakaisip na isa iyong hakbang upang dungisan ang pangalan ng ICC.
Pamilyar ba ang ganoong mga galawan? Malamang, dahil ganiyan na ganiyan ang nakasanayang taktika ng mga tiwaling opisyal dito sa bansa. Hinahanapan ng butas ang bawat probisyon ng batas upang makalusot sa kamay ng hustisya. Ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang pag-abuso sa Temporary Restraining Order na nagiging kanilang unang hakbang upang takasan ang batas. Mula sa pagkakahuli ni Duterte noong nakaraang taon, sa unang impeachment ni Sara Duterte, hanggang sa napipintong pag-aresto kay Bato, naririyan ang paghingi nila ng TRO.
Kung minsan, nakakalusot sila. Isang halimbawa ay ang pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang impeachment laban kay Sara Duterte dahil sa teknikalidad. At ang ikalawang impeachment ni Sara ay mauuwi lang sa absuwelto dahil sa pagpapalit ng liderato sa Senado, salamat sa boto ni Bato na biglang lumitaw matapos ang matagal na pagtatago.
Ang maskalap, kung may magpasya man na kuwestiyunin ang kanilang pag-abuso sa kapangyarihan at batas, pinatatahimik sila at pinakukulong. Palibhasa, ito ang sistemang nakasanayan nila noong malaya pa ang panginoon niyang si Duterte sa Pilipinas at sila pa ang mga naghaharing uri. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, pinakulong niya ang noo’y senador Leila de Lima nang paimbestigahan niya sa Senado ang extrajudicial killings (EJK) na may kaugnayan sa giyera kontra droga ng administrasyon. Pinakulong din niya si Trillanes na matagal ding nagkulong sa Senado.
Malinaw ang kabalintunaan na ang nararanasan ng mga dating senador na ito ay nangyayari rin ngayon kay Bato. Natatakot ngayon si Bato dahil binasag na ng ICC ang kanilang maling akala na kaya nilang baluktutin ang batas upang pumabor ito sa kanila. Sa oras na ipadala siya sa The Hague, wala na siyang takas. Kaya ang lahat ng panggugulong ginagawa niya ngayon sa Senado ay isang desperadong hakbang upang lituhin ang taumbayan at guluhin ang Pilipinas.
Kung may dapat mang sisihin si Bato sa lahat ng mga nangyayari sa kaniya, wala iyong iba kundi ang sarili niya. Ang kanilang pag-abuso sa kawalan ng hustisya sa Pilipinas ang siyang nagtulak upang mamagitan ang ICC. Masyadong nagpakakampante si Bato kahit pa naipadala na ang iniidolo niyang pangulo sa The Hague dahil wala siyang kaide-ideya kung gaano katalim ang pangil ng batas kapag matimtiman sa prinsipyo ang naglilitis.
Ngayon, lumabas na rin ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa. Wala siyang ibang ginawa kundi magkubli sa ilalim ng saya ng Senado at hamakin ang bawat boses na humihingi ng pananagutan. Ngunit tandaan: ang Senado ay hindi santuwaryo ng mga takas.
Ayon din sa Article 6 Section 11 ng Saligang Batas, hindi puwedeng protektahan ng Senado ang senador na may kasong higit sa anim na taong pagkakakulong ang kaparusahan. At sa bigat ng crimes against humanity, walang kuta na sapat ang taas para harangan ang kamay ng katarungan. Gayunman, sinusubukan muli ni Bato na gawing teknikal ang labanan ngayong umaasa siyang may ilalabas na Temporary Restraining Order ang Korte Suprema, na malamang ay panimula muli sa maruming galawan.
Kung tunay ngang matapang si Bato at wala siyang kasalanan, hindi niya dapat tinatakbuhan ang batas na parang isang kriminal, lalo na’t dati siyang hepe ng mga tagapagpatupad nito. Tularan niya si De Lima na hinarap ang mga pekeng akusasyon laban sa kaniya.
Napagtanto na nina Bato at Duterte na hindi tatagos sa ICC ang marumi nilang mga galaw. Tapos na ang panahong nalulunod sa ingay ng disimpormasyon at pananakot ang panaghoy ng hustisya. Mahaba at marami ang galamay ng batas, lalo na para sa isang pandaigdigang hukuman. Hindi magtatagal, kailangan nang harapin ni Bato ang kaso. Matutupad na ang hiling niya sa Diyos na masamahan si Duterte. Wala siyang dapat ikatakot dahil mararanasan niya ang legal at tamang prosesong minsan nilang ipinagkait sa mga biktima ng EJK.