Saling-Kitkit

Sampid kung ituring sa sariling lupang kinalakihan, pilit na isinisiksik sa pagitan ng tubo at negosyo. Sa isang ordinansa, ang pamilihang kinapitan ng masa ay nasa bingit ng gipitan, kung saan ang kapos ang unang natatabunan.

Nitong Abril 27, inilunsad ang Save Carbon Market Movement sa pangunguna ng iba’t ibang sektor sa Cebumga tindero, residente ng Sitio Bato, consumer groups, civil society organizations, simbahan, at maging kabataan.

Ang pagkilos ay tugon sa Public-Private Partnership ng Cebu City Government at Megawide Construction Corporation na tatagal ng 50-65 na taonisang kasunduan para umano sa redevelopment ngunit kinatatakutan ng mga taong magbubukas ng privatization sa Carbon Public Market at direktang makaaapekto sa mahigit 700 pamilya.

Higit pa ito sa usaping modernasisayon. Ang laban ay nasa pagitan ng pampublikong espasyo at pribadong kontrol, kung saan ang kinabukasan ng mga maliliit na kabuhayan, konsyumer, at urban poor communities ay nakataya sa isang kontratang tinagurian ng marami na “one-sided”.

“Gisulod nila kini sa usa ka kontrata nga moabot og 50–65 ka tuig. Diin ang among gikabalak-an, subay pa sa kontrata, nakita namo nga adunay kinaiya sa privatization kay gitugutan sa syudad nga ang private corporation sama sa Megawide mao nay mudumala sa proyekto, mukolekta ug mag-operate diri sa Carbon Public Market,” ayon kay Jovelyn Gomez, chairperson of  Carbohanong Alyansa Alang sa Reporma ug Bahandianong Ogma sa mga Nanginabuhi (CARBON) sa isang panayam ng Explained PH – Cebu.

“Ipinasok nila ito sa isang kontrata na tatagal ng 50–65 taon. Ang aming ikinababahala, batay sa kontrata, nakita naming may katangian ito ng privatization dahil pinapayagan ng lungsod na ang isang pribadong korporasyon tulad ng Megawide ang mamahala sa proyekto, mangolekta, at mag-operate dito sa Carbon Public Market.”

Dagdag pa ni Gomez, kung mapapasapribado ang Carbon Market at papasok ang mga malalaking kompanya, paniguradong tubo o kita ang magiging pangunahing layunin.

Sa madaling salita, ipinapakita ng kontrata ang mahabang kontrol ng pribadong kompanya sa pampublikong pamilihan. Sa ganitong senaryo, mawawala ang direktang pananagutan ng pamahalaan sa operasyon ng Carbon Market, at mula sa pagiging “service-driven,” nagiging “profit-driven” ito.

Aniya pa, hindi sapilitan ang taktikang gagamitinhindi sila direktang palalayasin, kundi unti-unti silang mapipilitang susuko dahil sa hindi na kayang pasaning gastusin, hanggang sa tuluyan na silang mawala sa Carbon Public Market.

“Kay una, posibleng kada tuig musaka ang rental. Ikaduha, ang mga entrance fees nisaka usab gikan sa ₱300 to ₱1000. So kung mumahal ang Carbon—once musaka na tanan palitonon—unsa pay rason muanhi ang mga tao para mamalit og barato?”

“Una, posibleng kada taon tumataas ang upa. Ikalawa, tumaas din ang mga entrance fee mula ₱300 hanggang ₱1000. Kaya kung mamahal na ang Carbon—kapag tumaas na ang lahat ng bilihin—ano pang dahilan para pumunta ang mga tao rito para bumili ng mura?”

Batay sa pahayag ni Gomez, hindi ito direct eviction kundi economic displacement. Kapag hindi na kayang bayaran ang renta at iba pang bayarin, nawawalan ng laban ang maliliit na negosyantedahil sa totoong buhay, tunay kang maiipit kapag sa pera ka ginipit.

Bukod dito, ayon kay Shakira Mejias, isa sa Board of Directors ng Bato Ermita Community and Neighborhood Association Incorporated (BECANAI), Apil ang Sitio Bato sa JVA, stipulated didto nga, ‘the government or the city shall clear or relocate the illegal settlers.’ Kami pud, nabalaka sad mi kay kung i-demolish mi, asa mi i-butang pud? Daghan raba kaayo mi.”

“Kabilang ang Sitio Bato sa JVA, at nakasaad doon na ‘ang gobyerno o ang lungsod ang maglilinis o magre-relocate sa mga ilegal na naninirahan.’ Kami rin ay nag-aalala dahil kung kami’y idemolisyon, saan naman kami ililipat? Napakarami pa naman namin.”

Ayon pa kay Mejias, hanggang ngayon ay wala pa ring nagaganap na public hearing at wala silang ideya kung saan sila ililipat sakaling ma-relocate. Isa ito sa kanilang kinatatakutan—ang kawalan ng kasiguruhan sa kanilang kinabukasan.

Ibinahagi rin niya ang karanasan sa Baracks, kung saan ang ilang na-demolish na residente ay inilipat sa kabundukan. Doon, nakaranas umano ang mga ito ng matinding takot noong Bagyong Tino dahil sa banta ng flash flood. Sinubukan pa nilang humingi ng tulong sa kanilang kapitan, ngunit hindi na sila nasoklolohan dahil kasagsagan ng bagyo.

Ayaw nilang maranasan ang ganitong sitwasyon. Kaya kung may relocation mang ipatutupad, umaasa silang magkakaroon ng public forum upang maipahayag ang kanilang saloobin at masuri kung makabubuti ba ang mga panukala. 

Binigyang-diin din niya ang hangarin para sa isang “win-win situation,” kung saan ang layunin ng pamahalaan ay tunay na para sa kapakanan ng mga mamamayan. 

Sa ilalim ng Republic Act No. 7279, ipinag-uutos ang prinsipyong “no demolition without relocation,” na nangangahulugang kailangang maglaan muna ng maayos at disenteng pabahay o tulong-pinansyal ang mga local government units (LGUs) bago isagawa ang demolisyon.

Ayon naman kay Lollita Brillano, lider ng Cebu Basic Sector at dating tindera, nanawagan sila dahil kahit may umiiral na batas, tila bulag at bingi pa rin ang mga awtoridad sa sigaw ng mga mamamayan na naaalala lamang kapag may demolisyon. 

Binahagi rin ni Brillano mula sa kaniyang personal na karanasan, “Nakadako mi, naka-eskwela mi pinaagi sa Carbon. Ari ko nagdako hangtod akoang mga anak, tungod lagi sa kahimtang nga naa kay anak nga atimanonon, mo ariya jud ka pero naa akoang tindahan, gi-sunod sa akoang manghod.”

“Lumaki kami at nakapag-aral dahil sa Carbon. Dito ako lumaki hanggang sa magkaroon ako ng mga anak. Dahil sa aming sitwasyon—kapag may anak kang aalagaan—talagang dito ka mananatili, lalo na’t may tindahan ako na tinutulungan ng aking kapatid.”

Dagdag pa niya, mas aktibo silang nakikilahok ngayon, lumalapit sa mga opisyal at pumipirma sa mga panawagan, dahil naniniwala silang kailangang marinig ang boses ng mamamayan. 

Binigyang-diin din niya na ang mga produktong binebenta sa Carbon ay mula sa kabundukan, kaya’t matibay ang kanilang suporta sa kampanyang “Save Carbon Market,” dahil dito nakaangkla ang kanilang kabuhayan.

Hindi man nakuhanan ng pahayag ang pamahalaan, malinaw ang tinig ng mga Carbohanon. Hindi lamang ito isang pampublikong pamilihan—ito ay lugar ng kabuhayan, pag-asa, at pagkakaisa.

“Dili mi supak nga panindoton, limpyohon, ug palamboon—kay una sa tanan, kami ang unang nangandoy ana kay kami ang naa diri kada adlaw… Pero kung ang ilang kalamboan nga giingon makapawagtang, makapa-displace, o makapawala sa kinaiya sa Carbon—kana maoy dili mi musugot,” huling mensahe ni Gomez.

“Hindi kami tutol sa pagpapaganda, paglilinis, at pagpapaunlad—dahil una sa lahat, kami rin ang unang nagnanais niyan dahil kami ang nandito araw-araw… Pero kung ang sinasabing pag-unlad ay makapagpapawala, makapagpapalikas, o makasisira sa identidad ng Carbon—iyon ang hindi namin papayagan.”

Kung pagbabasehan ang mga nakalap na impormasyon mula sa mga panayam ng mga representatives, nahulog sa dalawang lohika ang sitwasyon: Public Service Logic na nakatuon sa akses at kabuhayan at Private Profit Logic–isang pamamahalang nakasandig sa tubo at kita.

Kung titingnan ang imahe sa anggulo ng pagsasapribado, aasahan ang paglipat ng kontrol mula sa pamahalaan patungo sa isang korporasyon, ang palengke ng masa ay magiging isang commercial asset, at paggamit ng economic displacement bilang tahimik na anyo ng demolisyon–tinatawag itong Quiet displacement force sa isang pag-aaral ni Sharon Yavo-Avalon (2022).

Hindi hiwalay ang kabuhayan ng mga tao sa Carbon sapagkat ito ang mismong ugat. Kaya, para sa akin, hindi kailanman magiging neutral ang konsepto ng pribatisasyon dahil may kinikilingan itong interes, lalo na kung ito’y nakapaloob sa pagkahaba-habang kontrata. 

Hindi lamang sa pagkilos sa kalsada nagtatapos ang pakikibaka ng Carbohanon at mga Cebuanong apektado, higit na mas kailangan na magkaroon ng sistematikong tugon tulad ng legal na paghamon at masusing pagrerepaso ng kontrata, institusyunalisadong pakikilahok ng mga sektor sa isyu, at makataong urban planning na may maayos na relokasyon.

Kung tutuusin hindi naman sinabi ng mamamayan na tahasan nilang tinututulan ang plano ng gobyerno, puso at pandinig ang nais nila. Dahil sa huli, lahat ay may hangarin sa pag-unlad, ngunit ang kaunlarang nais ng masa ay yung tipong marunong kumilala–hindi nagtataboy, hindi nagbubura–kundi yumayakap sa mga taong nagbigay-saysay at kulay sa Carbon Market at hindi sila ituring na mga salimpusang laging nasa gilid ng kaunlaran lamang. 

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...