Sa hanging ‘unhealthy,’ ano nga ba ang nasa likod ng makapal na usok?

Photo Courtesy of fineartamerica

Ang kalangitan na dapat sana’y malinaw na tanawin ng pang-araw-araw na buhay ay tila natatakpan ng manipis ngunit mapanganib na ulap ng polusyon.

Sa ganitong kalagayan, nananatiling hindi ligtas para sa sensitibong grupo ang kalidad ng hangin sa Valenzuela, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), matapos umabot sa 121 ang Air Quality Index (AQI) noong Abril 27, 2026.

Ang Air Quality Index (AQI) ay isang sukatan na ginagamit upang ipakita kung gaano kalinis o karumi ang hangin at kung gaano ito kaligtas para sa kalusugan ng tao.

Sa ganitong antas, tumataas ang panganib ng iritasyon sa baga, pag-ubo, at paglala ng mga sakit sa paghinga, kaya’t pinapayuhan ang mga bata, matatanda, at iba pang sensitibong grupo na limitahan ang pananatili sa labas.

Bagama’t may naitalang bahagyang pagbuti sa antas ng Particulate Matter PM2.5 sa ilang lugar tulad ng Malabon, Maynila, at Pasay, nananatili pa ring banta ang maliliit na partikulo na kayang tumagos sa baga at magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan.

Ang PM2.5 o “fine inhalable particles” ay may sukat na 2.5 micrometers o mas maliit pa, at itinuturing ng United States Environmental Protection Agency (EPA) na isa sa pinaka-mapanganib na uri ng polusyon sa hangin dahil sa kakayahan nitong makapasok nang malalim sa baga at makaapekto sa daluyan ng dugo.

Ayon sa mga environmental health studies, ang matagal na pagkalantad sa PM2.5 ay iniuugnay sa mas mataas na banta ng sakit sa baga, puso, at daluyan ng dugo.

Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, ang patuloy na paglala ng kalidad ng hangin ay iniuugnay sa usok mula sa nasusunog na 41-ektaryang landfill sa Navotas, kung saan nagaganap ang sunog dulot ng naipong methane gas at matinding init

Patuloy naman ang koordinasyon ng DENR at Bureau of Fire Protection upang mapigilan ang pagkalat ng sunog sa lugar.

Ilang lokal na pamahalaan tulad ng Obando, Bulacan ang nagsagawa ng pansamantalang paglikas dahil sa makapal na usok na umabot sa kanilang lugar.

Ayon sa Department of Health, mahalagang bantayan ang kalidad ng hangin, gumamit ng face mask kung kinakailangan, at agad na magpakonsulta kapag nakaranas ng hirap sa paghinga, matinding ubo, o pananakit ng dibdib.

Inirerekomenda rin ang pananatili sa loob ng bahay at pagsasara ng mga bintana upang mabawasan ang pagpasok ng polluted air.

Hanging “unhealthy”—nagbababala ito ng patuloy na pagtaas ng polusyon na direktang banta sa kalusugan at nangangailangan ng agarang pag-iingat upang maibalik ang malinis at ligtas na hangin.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...