Pakikipagkapwa: Tulay sa pagitan ng pinagmulan at kanluraning kaisipan

Bernadette Soriano


Sa panahong ang pahinga ay kailangan ipagpaalam, at ang therapy ay inilalako bilang “self-care essential” sa mga online cart, kailan nga ba natin lubusang mauunawaan — na ang kalusugan ng isipan ay hindi lang personal na laban, kundi isang tahimik, masalimuot, at marubdob na ugnayang panlipunan?

Sa maraming sulatin ni Dr. Mary Racelis hinggil sa mga pamayanan sa looban, laging lumilitaw ang lakas ng ugnayang panlipunan — mga eksenang tila karaniwan ngunit tagos ang bigat: tulad ng matandang babae na tinutulungan ng mga kapitbahay sa pagtitinda ng kakanin — hindi dahil suki sila, kundi dahil kailangan siya.

Sa Kanluran, tawag dito’y community‑based intervention. Sa atin, may salitang mas malambot ngunit mas buo: pakikipagkapwa.

Ngunit paano kung ang loob ay hindi lang kusang loob, kundi isang pag-iyak na may pag-asa? Sa mundong puno ng mapanlinlang na hustle culture, ang malasakit ay nauuwi sa transaksyon. Nabubura ang puri sa pagitan ng “utang na loob” at “utang na loob mong suklian.” Sa lente ni Dr. Virgilio Enriquez — ang ama ng Sikolohiyang Pilipino — pananagutan ang mas malalim na anyo ng pagdamay: hindi batay sa obligasyon, kundi sa tugon ng pusong narinig ang hinaing ng kapwa.

Oo, may mga nagsasabing mapang-abuso ang konsepto ng utang na loob. Pero baka hindi ito ang ugat ng problema. Baka ang tunay na usapin ay hindi ang kabuuan ng konsepto kundi ang mga kontekstong pilit itong binabaluktot. Dahil kapag ang loob ay may saysay, hindi ito pagkakakulong. Ito ay pagkakaakbay.

Kapag sinabi mong “burnout” ang isang Pilipino, kadalasa’y ang tugon, “Kaya mo ’yan.” O “Magpahinga ka muna.” Tila payo sa unang dinig. Pero sa ilalim ng mga salitang ito, may himig ng pag-iisa: na ang paghilom ay pasaning ikaw lang ang may karapatang buhatin.

Sa Kanluran, maraming taong isinasalarawan ang therapy bilang tahimik na silid na marapat tahakin nang mag-isa para “kilalanin ang sarili.” Pero sa konteksto ng Sikolohiyang Pilipino bilang tugon sa kolonyal na gamit ng naturang disiplina, may isa pang tanong na laging sumusulpot: “Sino ang kasama mo sa katahimikan?”

Sa isang case study na inilathala sa American Journal of Psychotherapy, ikinuwento ang karanasan ni “Tom,” isang lalaking dumaan sa group therapy matapos makaranas ng paulit-ulit na alitan sa asawa. Sa mga unang linggo, kinampihan siya ng grupo lalo na ng mga babaeng miyembro nang ilarawan niya ang kanyang asawa bilang mapuna.

Ngunit habang lumalalim ang diskusyon, napansin ng grupo ang paulit-ulit na pattern ng kanyang pagdadamay ng sisi. Isang gabi, hindi nito napigilang sabihing: “You women are starting to sound like my wife.” Sagot ng group facilitator: “And it only took you a few months to train them.”

Dito niya napagtanto na dala-dala niya sa therapy group ang parehong dinamiko na gusto sana niyang takasan. Sa kalaunan, ayon sa facilitator, mas naging bukas si Tom sa mas malalim na introspeksyon — hindi dahil nag-iisa siya, kundi dahil hinamon siya ng ugnayan sa iba.

Ang therapy, kung gayon, ay hindi pagtakas sa ingay kundi pagbabalik sa ugnayan — sa komunidad, sa alaala, sa sarili — dala ang isang loob na mas buo, mas malambot, mas may alam kung saan sumasakit.

Kung ang Kanluraning therapy ay isang tahanan, ang kapwa ay isang daang-bayan — matao, magulo, mapanganib kung minsan, pero buhay at may saysay.

Hindi natin isinusuko ang cognitive behavioral therapy (CBT) o ang prinsipyo ng trauma-informed care. Mahalaga ang mga ito, at napatunayan ang kanilang bisa sa maraming kaso. Ngunit sa kontekstong Pilipino, may isa pa tayong kailangan itanong:

Kapag napagaling mo na ang sarili, sino ang una mong pupuntahan?

Pagod ka na ba? Lahat naman tayo ay napapagod. Subalit ang mas masakit, hindi lahat ay may pintong maaaring katukin.

Kaya kapag ang “Tao po” ay ginawa nating metapora para sa kalusugang pangkaisipan, ito’y hindi lang tanong kung may tao sa loob, kundi panawagan:

“Handa ka bang tanggapin ang taong may bitbit na loob kahit nasa labas siya ng iyong pintuan?


Sa kulturang Pilipino, ang pagbati ay ritwal. Ngunit ito rin ay paninindigan. Sa mundong may stigma, minsan sapat na ang “Kumusta ka?” na may tunay na malasakit upang mapukaw ang hilom.

Ang loob ng Pilipino ay halo-halo: may Latinong ritwal, Amerikanong lohika, at katutubong damdamin. Kaya’t katawa-tawa kung minsan ang ideya na “madungis” o “hindi dalisay” ang mga Kanluraning pamamaraan. Bakit? Dahil ang ganitong pagkakahalo ay hindi kahinaan, kundi kabuuan.

Hindi ba’t kahit ang baybayin ay may letrang hango sa ibang bansa rin? Ayon sa mga linggwistikang pag-aaral, ang baybayin ay bahagi ng Brahmic script family – isang sistema ng pagsusulat na umusbong sa Timog India, at hango sa Kawi script ng Java, Bali, at Sumatra. At gayunpaman, itinuturing natin itong atin, dahil iniangkop natin ito sa ating panlasa, loob, at panahon.

Ang takot sa Kanluran ay madalas takot mawalan ng sarili. Ngunit paano kung baliktarin natin ito? Gamitin ang Kanluran hindi upang palitan ang sarili kundi upang kilalanin ito nang mas buo.

Sa Cebu, may barangay sa Lahug na nagtayo ng Barangay Behavioral Health Unit, isang community-based mental health circle na pinangunahan ng mga kabataan, lola, at tanod. Wala silang lisensyadong therapist, pero may tainga, may kuwento, may malasakit — isang sistemang sumusuporta sa mental health sa pamamagitan hindi ng titulo, kundi ng tao.

Hindi sila nagtapos sa unibersidad. Pero sila ang mga kamay na sumasalo sa luha ng kapitbahay.

Ito ang pananagutang hindi galing sa diploma kundi sa damdamin:

Pakikiramay bilang pagsasabuhay.


Kapag inalis natin ang kapwa sa usapan tungkol sa mental health, para na rin nating sinabing ang loob ng Pilipino ay kulang. Ngunit sa bawat “Kumusta ka?” na hindi batay sa tungkulin kundi sa pagmamalasakit, may alternatibong therapy na dahan-dahang umiiral at, madalas, mas tumatagal.

Madaling maging dalubhasa. Mahirap maging tao. Pero sa kapwa, kapwa maaaring matutuhan.

Kung ang kultura ay alaala, at ang agham ay lente, kapag nagsanib sila, ang kalusugang pangkaisipan ay hindi lamang pananggalang sa sakit kundi sining ng pagpapatuloy.

Ngunit hindi dapat sa therapy lamang magtapos ang usapan ng kapwa.

Kapwa sa Trapiko: Sa Bogotá, Colombia, isinama sa pampublikong sasakyan ang mga gender-based safety features. Mula sa panic buttons hanggang segregated areas, layunin ng mga hakbang na ito na tugunan ang sexual harassment sa transportasyon. Samantala, sa Cebu, may gabi-gabing bike patrols na ikinakalat ng kapulisan at barangay volunteers para sa mas ligtas na kalsada. Sa buong Pilipinas, bakit hindi magkaroon ng ‘Kumusta Station’ sa bawat LRT platform, hindi para sumagot ng tanong, kundi makinig sa katahimikan, sa pasahero, sa pagod ng lungsod.

Kapwa sa Presinto: Sa Marawi, ilang kabataang boluntaryo ang nagsilbing tagapamagitan sa mga alitan sa komunidad lalo na sa panahon ng muling pagbangon matapos ang digmaan. Bahagi sila ng mas malawak na kilusang panlipunan para sa kapayapaan, kasama ang mga grassroots dialogues at youth peacebuilding initiatives. Kung sa lugar na dumaan sa giyera ay may puwang pa para sa pakikinig, hindi kaya panahon na ring magkaroon ng ‘Kapwa Room’ sa bawat barangay hindi lang para tumanggap ng reklamo, kundi para paghilumin ang masalimuot na ugnayan ng komunidad?

Kapwa sa Teknolohiya: Sa Indonesia, sinimulan ang ilang SMS-based mental health support para sa mga migranteng manggagawa — isang paraan para maabot ang mga OFW na walang akses sa therapy. Gamit ang text o tawag, umaabot sa kanila ang mensahe ng pag-unawa at pakikiisa. Puwede kayang magkaroon ng chatbot sa wikang Hiligaynon, Tausug, o Kapampangan bilang kausap na may malasakit?

Kapwa sa Procurement: Sa South Cotabato, hindi lang opisyal ang sumasaksi sa public bidding kundi mismong mga mamamayan. Sa ilalim ng mga participatory governance programs, naging katuwang sila sa pagbabantay ng pondo at proyekto. Kung kayang gawin sa isang lalawigan, bakit hindi ito gawing panuntunan sa bawat barangay? Isang ‘Barangay Check-in’ tuwing linggo: Tanungan kung ano ang proyekto, saan kailangan ang pondo, at kaninong tinig ang hindi pa naririnig.

Kapwa sa Eleksyon: Tuwing eleksyon, kadalasang loyalty ang sukatan ng boto; hindi loob, hindi ugnayan. Pero may mga organisasyong nagtangkang sukatin ang plataporma at track record ng mga kandidato, sa pamamagitan ng scorecards at performance-based surveys.

Pero paano kung baliktarin natin ang tanong? Hindi lang “Sino ang kakampi?” kundi “Sino ang marunong makinig?” Maaaring simulan ang isang ‘Kapwa Scorecard’ — isang pamantayan kung gaano kahusay makipag-ugnayan, umunawa, at magpakatao ang isang lider.

Ang Kanluran ay nagbibigay ng kasangkapan. Ang Katutubo, ng dahilan. Hindi natin kailangan paglabanin dalawa. Ang tanong ay kung ano ang sangkap na maaaring pitasin sa parehong balangkas, at paano sila makatutulong sa kabutihang panlahat.

Sapagkat ang pagkatao ay hindi dikotomiko. Ito’y kapwa — isang sayaw ng lohika at loob, agham at damdamin, karanasan at kabatiran.

Ang pakikipag-ugnay ay hindi tunggalian. Isa itong ambagan. Isang pagbati. Isang pakikibaka. Isang tahanan.

Mas magaan buhatin ang sarili kapag may kasama.

At mas matibay tayong bumabangon kapag hindi natin nakalilimutang may kamay na umaalalay.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...