Joemiguel Zydrik Magtagnob
Sa pagbugso ng init ngayong Mayo, nagiging kanlungan ng karamihan ang mga “cold snacks” tulad ng halo-halo. Ngunit sa likod nito, umuusbong ang kahalagahan ng pagtuon sa pangmatagalang solusyon kaysa sa pansamantalang kaginhawaan.
Sa isang ulat mula sa India, partikular sa NDTV World nitong Mayo 2, 2026, isinalaysay ni Sanket Deshmukh, doktor mula sa Apollo Clinic, ang dahilan sa lamig na nararamdaman kapag kumakain ng mga malalamig na pagkain tulad ng sorbetes.
Ayon dito, isang “trick” lamang ang lamig na nararamdaman kapag kumakain nito, o pinapaniwala lamang ang utak na nakararamdam ito ng pansamantalang lamig.
“Cold food or drink may cool your body momentarily by tricking your mind, however, this is only a temporary feeling,” saad ni Deshmukh.
[Maaaring palamigin ng malalamig na pagkain o inumin ang iyong katawan nang panandalian sa pamamagitan ng pag “trick” sa iyong isipan, ngunit, ito ay pansamantalang karamdaman lamang.]
Nangyayari ito dahil sa “evaporative cooling,” o ang proseso na kung saan nakararamdam ng sandaling lamig ang katawan dahil umaalis ang init dito at lumilipat sa tubig o yelo. Dahil dito, natutunaw ang yelo at dumaraan sa proseso ng evaporation ang tubig.
‘Cause you’re hot, then you’re cold
Sa katunayan, ang pagkonsumo ng mga malalamig na pagkaing sagana sa asukal at taba ay nagreresulta sa pagtaas ng temperatura sa loob ng katawan, ayon sa doktor.
Alinsunod ito sa prosesong “diet-induced thermogenesis,” na kung saan tumataas ang temperatura ng katawan kapag ito ay nagda-digest ng pagkaing maraming calories.
Mula sa salitang “thermo” o init, at “genesis” o paglikha, ang prosesong ito ay kaugnay sa paggawa ng init sa loob ng katawan.
Hindi naiiba ang halo-halo sa mga pagkaing ito dahil naglalaman din ito ng iba’t ibang sangkap na maraming asukal at taba tulad ng leche flan, sorbetes, at ube halaya na siyang nagdudulot din sa kaunting pagtaas ng temperatura sa loob ng katawan.
Dagdag pa rito, ayon sa isang artikulo mula sa Garden State Pain & Orthopedics, ang cooling effect o lamig na nararamdaman mula sa bibig at lalamunan matapos kumain ng cold products ay agarang binabalanse ng katawan sa pamamagitan ng pagpapainit dito sa tulong ng prosesong “thermoregulation.”
Bunsod ng pagbaba ng temperatura, pinapabilis ng katawan ang pagdaloy ng dugo na siyang nagdudulot sa pagpapawis at paglikha ng init sa loob nito.
Mainit na panahon, maginhawang solusyon
Bagama’t simple, mura, at mas madaling paraan ang pagkonsumo ng mga malalamig na pagkain tulad ng halo-halo sa pagpawi ng init sa katawan, hindi ito praktikal upang matamo ang pangmatagalang kaginhawaan.
Sa pagdagsa ng mga konsyumer sa malalamig na panghimagas, patuloy na pinapayo ng mga eksperto na iwasan ang mga pagkaing naglalaman ng maraming asukal at taba, at piliin ang mga masusustansiyang alternatibo.
Kabilang dito ang pagkonsumo ng mga natural na pagkaing sagana sa tubig tulad ng pakwan at pipino. Mainam ding piliin ang mga inuming sagana sa electrolytes, o mga mineral na kailangan ng katawan, upang maiwasan ang pagkauhaw. Isa ang sabaw ng niyog sa mga inuming ito na karaniwang matatagpuan sa bansa.
Maliban sa mga pagkain, mabuting paraan din ang pagpapanatili ng maaliwalas na kapaligiran tulad ng pagkakaroon ng maayos na bentilasyon sa loob ng bahay. Siguraduhin ding presko ang hangin sa tuwing gagamit ng electric fan upang maiwasan ang pag-ikot at pagkalat ng init sa loob ng kwarto.
Katiyakan tungo sa maginhawang kinabukasan
Hindi maipagkakaila na malaking bahagi ng kultura ng Pilipinas ang halo-halo dahil hindi lamang ginhawa sa mainit na panahon ang hatid nito, kundi pati na rin ang sarap ng bawat sangkap na pinagsama-sama. Sa mas lalong pinainit na panahon bunsod ng pagbabago ng klima, mas nagiging kanlungan ng maraming Pilipino ang halo-halo.
Ngunit, sa kabila ng patuloy na pagdepende sa mga pagkaing ito sa tuwing sumasapit ang tag-init, maaaring umusbong ang mga problemang mas matindi pa sa bagsik ng naglalagablab na araw—mga komplikasyon sa kalusugan bunsod ng matitirik na bilang ng mga asukal at taba.
Sa darating na mga taon, maaaring mas humigit pa ang init na nararamdaman bunsod ng patuloy na pagbabago ng klima.
Maaaring dumating ang araw na kahit ang ideya ng pagkain ng halo-halo upang mapawi ang init, kahit pansamantala lamang ang lamig, ay hindi na sapat.
Maaaring dumating ang araw na kahit ang mga alternatibong pagkain ay kulang na upang maitawid ang bawat araw ng tag-init.
Ngunit sa likod ng lahat ng ito, may isang katiyakan ang makapagpapaginhawa sa lahat na siyang magdadala sa kinabukasang hindi na nagiging panakip-butas ang halo-halo sa tuwing tag-init: ang pagkalinga sa kapaligiran.
Sa pagsugpo sa lumalalang krisis sa pagbabago ng klima, hindi lamang nito mapapakalma ang bawat tag-init tuwing Mayo sa Pilipinas, kundi, magmamarka rin ito ng isang simula tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kaginhawaan.