
Ang sarap balikan ng pagkabata.
Lalo na ang bahagi kung saan
ang pagkain ng Jollibee ay para lang sa may-kaya.
Dati, nakatitikim lang ako ng chickenjoy kapag may kaarawan o may mataas akong grado.
Kaya naman, isa itong simbolo ng matatamis na alaala kasama ang aking pamilya.
Sa aking paglaki,
unti-unti akong nagkamalay.
Nagsimula na rin maging abala
ang bawat isa sa pamilya
sa kani-kaniya naming pakikibaka.
Namulat din ako sa kung gaano nga ba kahirap kumita ng pera.
Hindi pala ito basta-basta na lang kinikita nina mama at papa.
Kaya, lalo kong pinahalagahan ang masasayang alaala ng aking kabataan.
Kabilang na rito ang pagkain ng Jollibee paminsan-minsan.
Hindi naman naging madali ang buhay.
Pero ngayon, kaya ko nang bumili ng Jollibee anumang oras ko gusto at kahit pa walang okasyon.
Kahit pa simpleng ‘Deserve ko ‘to’ lang ang rason.
Siguro, sa mga oras na sa palagay ko hindi ako magaling at sa mga gabing nagdududa ako kung may pag-usad ba talaga — sapat na ‘yon bilang paalala.
Na kahit papa’no, gumiginhawa na rin ako sa buhay.
Hindi ko na kailangan magpabili kina mama, papa, lolo o lola.
Ang pagkain ng Jollibee ay hindi na para lamang sa may-kaya.
Dahil ang batang minsan sumasama sa kanilang paanyaya, siya na ngayong may sarili nang kita.