
Matagal na panahon na ang nakalipas nang itatag ang Unibersidad ng Pilipinas (UP), ngunit hanggang ngayon, nananatili itong isa sa pinakamahalagang institusyon sa bansa. At sa loob ng mahigit isang siglo, naging tahanan na ito ng mga siyentipiko, abogado, artista, guro, at lider.
Ngunit bakit nga ba ito itinatag at paano ito naging isang pambansang unibersidad?
Naitatag ang UP noong Hunyo 18, 1908, sa ilalim ng pananakop ng Estados Unidos.
Kasunod ng Digmaang Espanyol-Amerikano at pagtatapos ng mahigit tatlong siglo ng kolonyalismong Espanyol, naghahanap ang bagong administrasyong Amerikano ng paraan upang palawakin ang sistemang pang-edukasyon sa bansa. Sa panahong ito, kakaunti lamang ang institusyong nagbibigay ng mataas na edukasyon — kaya naman nakita nila ang pangangailangang sanayin ang mga Pilipino upang maging bahagi ng pamahalaan, industriya, at iba pang propesyon na makakatulong sa pagpapatakbo at pag-unlad ng bansa.
Pormal na itinatag ang UP sa pamamagitan ng Act No. 1870 o University Act na ipinasa ng Unang Lehislatura ng Pilipinas. Ang panukalang ito ay nagmula sa rekomendasyon ni William Morgan Shuster na noong Kalihim ng Pampublikong Instruksiyon.
Sa ilalim ng Act No. 1870:
Bagama’t itinatag sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan, kalaunan ay naging mahalaga ang esbasyo ng UP sa paghubog ng kamalayang Pilipino.
Ang naging unang pangulo ng unibersidad ay si Murray S. Bartlett, na siyang nagtaguyod ng pananaw na maging isang “University for the Filipino” ang institusyon. Dahil sa kanyang lideratura, nagsilbi ang UP sa sambayanang Pilipino at tumulong ito sa paglinang ng pambansang pagkakakilanlan.
Tumagal sa posisyon si Bartlett hanggang 1915, hanggang siya ay napalitan ng pinakaunang pangulong Pilipino ng unibersidad — si Ignacio Villamor, isang abogado at magsasaka.
Nagsimula ang UP na mayroon lamang apat na pangunahing yunit: College of Fine Arts, College of Liberal Arts, College of Medicine and Surgery, at School of Agriculture sa Los Baños, Laguna. Ngunit sa ilalim ng lideratura ni Villamor, lumawak pa lalo ang unibersidad at nadagdagan ito ng Conservatory of Music, University High School, College of Education, at Junior College sa Cebu City.
Sa paglipas ng mga taon, hindi lamang lumaki ang sakop ng unibersidad at ng mga estudyante rito. Unti-unti rin nitong hinubog ang sarili bilang isang institusyong may mahalagang papel sa lipunan — isang pamantasang hindi lamang nagtuturo, kundi nakikilahok din sa mga usaping humuhubog sa bansa.
Matapos makamit ng Pilipinas ang kalayaan, nagsimula rin ang panibagong yugto para sa UP.
Noong 1948, inilipat ang malaking bahagi ng UP mula sa Maynila patungo sa mas malawak na kampus sa Diliman, Quezon City, na kalaunan ay naging flagship campus ng UP system. Sa mga sumunod naman na dekada, naging sentro ang pamantasan ng mga diskusyon tungkol sa nasyonalismo, kultura, at pagpapaunlad ng bansa.
Patuloy lamang na lumawak ang mga programa, pananaliksik, at serbisyong iniaalok ng unibersidad upang makatugon sa mga pangangailangan ng lumalaking republika.
Pagsapit ng dekada 1970, naging sentro ang unibersidad ng mga pagkilos laban sa mga lumalalang krisis panlipunan at pampulitika sa bansa. Naging bahagi ang mga estudyante at guro ng UP sa First Quarter Storm, isang serye ng malalaking protesta laban sa administrasyon ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Noong 1971 naman ay naganap din ang Diliman Commune kung saan nagbarikada ang mga estudyante at manggagawa sa loob ng kampus bilang protesta sa tumataas na langis at umano’y pang-aabuso ng estado.
Samantala, matapos ideklara ang Batas Militar noong 1972, maraming miyembro ng komunidad ng UP ang naging bahagi ng paglaban sa awtoritaryanismo. Dahil dito, nakilala ang unibersidad bilang isa sa mga pangunahing espasyo para sa malayang pag-iisip, kritikal na diskurso, at paglaban para sa karapatang pantao.
Nang matapos ang People Power Revolution noong 1986, nagpatuloy ang pagpapalawak ng UP. Mula sa iilang kolehiyo noong 1908 ay lumawak lalo ang UP bilang isang sistema ng mga constituent universities sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang dito ang UP Diliman, UP Los Baños, UP Manila, UP Visayas, UP Mindanao, UP Open University, UP Baguio, UP Cebu, at UP Tacloban, bukod sa iba pang kampus at learning centers.
Hanggang sa noong 2008, sa pagdiriwang ng sentenaryo ng unibersidad ay nilagdaan ang Republic Act No. 9500 o ang UP Charter of 2008 na opisyal na nagtalaga sa UP bilang pambansang unibersidad ng Pilipinas.
Sa ilalim ng UP Charter of 2008:
Nagsimula ang UP bilang sagot sa pangangailangan para sa mataas na edukasyon sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan — ngunit sa paglipas ng panahon, naging higit pa rito ang nagawa nito.
Mahigit isang siglo matapos itong itatag, nananatiling buhay ang diwa ng pagiging Iskolar ng Bayan, paalala na ang edukasyon ay hindi lamang para sa sariling tagumpay, kundi para sa paglilingkod sa bayan.