
Nathalie Feliciano
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking posibilidad na mapalawak pa ang ugnayang pangkalakalan at pang-ekonomiya ng Pilipinas at Russia sa kanilang bilateral meeting sa Kazan, Russia nitong Hunyo 18.
“There are many potential areas that I think we should still open to explore and I think that the present level of trade, although it is steady, I think that this is – there is a great deal more that we can do,” saad ng Pangulo.
Ibinahagi rin ni Marcos ang kasunduan ng Pilipinas at Russia sa Moscow noong nakaraang taon sa ilalim ng Joint Commission on Trade and Economic Cooperation (JCTEC), kung saan kapwa binigyang-tuon ng dalawang bansa ang enerhiya at seguridad sa pagkain.
Samantala, sinabi ni Russian President Vladimir Putin, na may malaking posibilidad pang mapalawak ang kalakalan, lalo na sa sektor ng agrikultura at enerhiya, matapos umabot sa mahigit $500-M ang bilateral trade noong nakaraang taon.
Naging bahagi rin ng talakayan ng dalawang pangulo ang pagpapalalim ng relasyong pang-ekonomiya kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Maynila at Moscow ngayong taon.
Ayon sa mga opisyal, nakatulong ang mga business-to-business engagements sa naturang pagpupulong upang makabuo ng mga bagong ugnayan sa pagitan ng mga kumpanya mula sa Pilipinas at Russia.
Patuloy ang kooperasyon ng PH-Russia sa mga larangang inobasyon, retail products, kosmetiko, food processing, at industriyal na kolaborasyon sa kasalukuyan.
Inimbitahan naman ni Marcos si Putin na dumalo sa 21st East Asia Summit sa Maynila na gaganapin sa Nobyembre bilang pagpapatibay sa ugnayan ng dalawang bansa.
Inaasahan ngayon ng magkabilang panig na magpapatuloy ang paglago ng kooperasyon ng Pilipinas at Russia sa mga darating na taon sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang kalakalan.