Hindi lahat ng tao, may pribilehiyong piliin ang “most convenient” option.

Zea Domingo

Hindi lahat ng Pilipino ay may pribilehiyong piliin ang “most convenient” na paraan ng pagtatrabaho. 

Milyon-milyong manggagawa ang kailangang pisikal na pumasok bilang responsibilidad upang may maiuwing sahod sa pamilya — pangkain, pantustos, at pambayad ng bills at matrikula.

Kaya naman, umani ng batikos ang mungkahi ng Majority Bloc na gawing alternatibo ang Zoom meetings at remote participation sa Senado matapos ang sunod-sunod na kasong inihain laban sa ilang senador. 

Tatlo sa mga senador ng Majority Bloc ang kasalukuyang kumakaharap sa mga kaso, sila ay sina: Senator Bato dela Rosa, dahil sa crimes against humanity na inihain ng International Criminal Court (ICC); Senator Jinggoy Estrada, para sa plunder bilang sangkot sa flood control scandal; at Senator Rodante Marcoleta, dahil sa plunder at bribery. 

Para sa maraming Pilipino, isa itong malaking sampal sa mga ordinaryong manggagawa na araw-araw bumabiyahe, nakipagsiksikan, at nagbabanat ng buto para lamang kumita.

Natatanging pribilehiyo

Nananatiling pribilehiyo ang work-from-home setup sa Pilipinas kung saan kadalasang naaabot lamang ng ilang sektor sa corporate world o ilang kumpanyang may abilidad na magpatupad ng flexible work arrangements.

Habang may kakayahan ang ilan na magtrabaho mula sa bahay, tila suntok sa buwan ito para sa mga 9-to-5 workers, urban poor, service workers, contractual employees, at laborers na physical work ang batayan at puhunan. 

Maraming Pilipino ang gumigising nang madaling-araw upang makipagsiksikan sa mahabang pila, makasakay lamang sa MRT at LRT o kaya ay makipagsapalaran sa bumper-to-bumper na traffic. 

Bukod pa rito, marami ring manggagawa ang humaharap sa mababang sahod at hindi tiyak na trabaho. Sa ilalim ng contractualization at iba pang precarious work arrangements, maraming empleyado ang madaling mapalitan at walang sapat na seguridad sa trabaho, kung kaya’t ang tanging paraan upang hindi sila matanggal ay pumasok, magtrabaho, at mag-perform.

Kaya naman, kahit may lagnat, bumubuhos ang malakas na ulan, o may banta ng transport strike, pinipilit pa rin ng marami na pumasok. Ang hindi pagpasok ay maaaring mangahulugan ng kaltas sa sahod o, mas nakalulungkot, kawalan ng kabuuang kita. 

‘Bare Minimum’

Mas mabigat pa rito ang realidad ng “no work, no pay” policy na umiiral sa maraming trabaho. Kapag boluntaryong absent ang empleyado, walang sahod. Kapag hindi nagtrabaho sa special non-working day o special working day, wala ring bayad. 

Ang katumbas nito, kahit may sakit ang empleyado o bumabagyo, kailangan pa ring pumasok upang hindi mawalan ng sasahurin.

Sa gitna ng ganitong kalagayan, lalong naging kontrobersyal ang panukalang gawing remote ang pagboto at pagdalo sa Senado dahil kung tutuusin, hindi lamang ito usapin ng convenience kundi usapin ng pananagutan.

Ang pagdalo sa plenaryo upang makipagdebate, makipagdiskurso, at bumoto ay itinuturing na pangunahing tungkulin ng isang senador na siyang dapat niyang gampanan. Ito ay isang bare minimum sa kanilang trabaho at hindi na ipinakikiusap pa sa taumbayan, at hindi rin dapat nagkakaroon pa ng negosasyon kung wala namang force majeure o pambansang krisis na kinakaharap ang bansa.

Kung ikukumpara ang “no work, no pay” ng mga manggagawa kay Dela Rosa na mahigit anim na buwan nang hindi nagpapakita ngunit patuloy pa ring sumasahod, malinaw ang malaking agwat ng pamantayan para sa mga nasa kapangyarihan at para sa ordinaryong Pilipino.

Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa ₱293,191 kada buwan ang kinikita ng isang senador. Sa loob ng mahigit anim na buwang halos hindi pagpasok ni Dela Rosa, umabot na sa humigit-kumulang ₱1.759 milyon ang kaniyang katumbas na sahod na lahat ay mula sa buwis ng taumbayan.

Habang ang karaniwang Pilipino ay kinakailangang magpakita araw-araw upang kumita, may mga opisyal na patuloy na binabayaran kahit hindi. 

Hindi naman mabigat na pabor ang hinihingi ng mga Pilipino mula sa mga senador, bagkus ang simpleng pagharap at pagtupad sa trabahong binabayaran ng publiko.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...