
Kung tao lang ang Cebu City, katulad natin, nagpapakitang-tao siya.
Sa baho ba naman ng delubyong kinakaharap ng lungsod, naisipan pa nilang imungkahi ang pagtatayo ng isang pickleball court sa South Road Properties (SRP) gamit mismo ang pera ng taumbayan. Sa halip na bigyang-aksyon ang umaalingasaw na suliranin sa basura at lumalalang baha, mas pipiliin nilang pagtakpan ito ng mga proyektong repleksiyon umano ng kanilang pag-unlad. Kahit ang totoo, ang mga ito ay hungkag, walang kalaman-laman, at mayayaman lang ang pinagsisilbihan.
Nakaeengganyo nga naman ang pamumuhunan sa pickelball kung sa nakalipas na dalawang taon ay tumriple ang demand sa mga pasilidad nito. Kung mas maliit nang apat na beses ang court ng pickleball kaysa tennis, malamang apat na beses na mas malaki ang revenue density. Ngayong nasa kalagitnaan ng pickleball boom ang Cebu City, hindi na kailangan pag-isipan pa ang pagtatayo ng mga pasilidad para dito upang palaguin ang ekonomiya ng lungsod.
Marahil puwede rin nitong palakasin ang estado ng palakasan sa bansa. Pero kumpara sa mga iba pang umuusbong na laro tulad ng weightlifting at tennis, hindi pangmasa ang pickleball. Sa presyo pa lang ng paddle, na nagkakahalaga ng ₱4,000 hanggang ₱17,000, kitang-kita na agad kung aling antas ng lipunan ang tanging makikinabang. Kung usaping palakasan lang din ang pagbabasehan, mas mainam pang pagtuunan ng pansin ang weightlifting dahil hindi tulad ng pickleball, opisyal itong nilalaro hindi lang sa Palarong Pambansa kundi maging sa Olympic Games.
Isa pa, giyang na giyang silang pondohan ang mga pickleball court na ito samantalang ang pinatatayong pampublikong skatepark sa lungsod—na di-hamak na mas patok sa mga kabataan—ay nakatengga pa rin hanggang ngayon. Dalawa lang naman ang puwedeng kahihinatnan nito: kung mauuna pang matapos ang pickleball court kaysa sa skatepark, alam na kung sino ang kinikilingan ng pamahalaan ng lungsod; kung parehas mang hindi matapos, ibig-sabihin, hindi epektibo ang pagpapatupad ng pamahalaan sa mga simpleng proyektong katulad nito.
Kaya nasabing simple ang mga proyektong ito dahil may mas malaki pang suliranin na kailangang harapin, lalo na pagdating sa basura. Ito ang dapat na inuuna. Walang may gustong maglaro ng pickleball sa labas habang nilalanghap ang nakasusulasok na amoy ng hangin dulot ng basurang hindi makole-kolekta. Mula nang gumuho ang Binaliw Sanitary Landfill noong Enero, nauwi ang pagtatapon ng basura sa limbo. Naging open landfill na nga ang Pond A sa SRP na katabi lang ng mga baybayin at protektadong mga puno ng bakawan. Ang iba ay sa mismong dagat na nagtatapon ng basura.
Dapat mapagtanto ng pamahalaan ng Cebu City na hindi mapipigilan ng mga proyektong nakatuon umano sa pagpapaunlad ang sumisingaw na baho ng mga krisis na hindi tinutugunan, kahit pilitin man nila itong itago. Ganoon ang ginawa nila noong ginanap ang ika-48 Association of Southeast Asian Nations Summit. Tinadtad ng tarpaulin ang Cebu South Coastal Road para ikubli ang mga informal settlers na bigo nilang bigyan ng maayos na pabahay. Ipagdiinan na nilang hindi iyon pagtatakip, ngunit hindi pa rin malulutas ng pamahalaan ng lungsod ang kanilang suliranin sa pagpapanggap na hindi ito umiiral.
Hindi maituturing na maunlad ang lungsod kung ang pinagsisilbihan lamang ay ang mga mayayaman, habang ang mga mahihirap ay naiiwan sa laylayan. Ang tunay na kaunlaran ng isang lungsod ay makikita sa pag-angat ng lahat ng mamamayan nito, ano man ang antas sa lipunan, kahit sa pinakapayak na pampalipas-oras.
Kung tunay na para sa pag-unlad ang pamahalaan ng Cebu City, simulan nila sa pag-aming may problema ang lungsod at sikaping solusyunan kaagad ito. Kapag nagawa nilang tugunan ang krisis sa baha, sa basura, at sa mga informal settlers sa baybayin, puwede na nilang ng pagpapaunlad sa imprastruktura ng edukasyon at kalusugan na tiyak pakikinabangan ng lahat ng mamamayan.
Huwag na nilang pamarisan ang Rise at Monterrazas na labis-labis na nga ang paglabag sa mga batas pangkalikasan, pumapabor pa sa luho lang ng mga mayayaman. Sa halip na pickleball court na magpapalawak lang ng sementadong kagubatan at kapatagan, maaari namang parke na hitik sa damo at puno. Tapusin na rin nila ang pampublikong skatepark na matagal na nilang inaasam-asam. Payabungin natin ang mga proyektong nagpapahalaga sa kultura ng masang Cebuano at hindi ng pili lamang na mga tao.
Posible ang ganito kung gigisingin ng mga nasa kinauukulan ang mga sarili nila sa realidad. Hindi pa nasisimulan ang proyekto, kaya sana, maisipan nilang ilagay ang kanilang mga sarili sa kinalalagyan ng mga ordinaryong Cebuano. Hindi na para magpaka-plastic, hindi na para magpakitang-tao.