
Charles Anthony Gallenero at Zaijan Simeon
Sa bawat tahanan, may iba’t ibang uri ng haligi na pasan ang responsibilidad upang panatilihing matatag ang pamilya.
May mga istriktong tatay, mga nakikipagsapalaran sa ibang bansa, mga amang mapag-aruga, at may mga inang tumayong ama. Hindi man sila pare-pareho, bawat isa ay may sariling kwento ng sakripisyo at pagmamahal.
Ngunit sa kabila ng kanilang pagkakaiba, iisa lamang ang gusto nila — ang magsilbing matibay na pundasyon ng tahanan.
Bantay bahay
Walang kapantay ang bahay na may tigasing tatay — tiga-saing, tiga-ayos, tiga-linis, at tiga-laba. Kumbaga, sila ang all-rounder ng pamilya na itinuturing na kaharian ang tahanan, gumigising nang maaga upang asikasuhin ang mga pangangailangan.
Tila mapapatunayan nila ang kasabihang “A jack of all trades is a master of none, but oftentimes better than a master of one.” Sa kanilang sipag at sakripisyo, ramdam talagang tunay na haligi sila ng tahanan.
Dad Along Da Riles a.k.a. OFW Dad
“Magpapadala na ba ako?”
Isa ito sa mga linyang madalas bukambibig nila na para bang isang eksena sa pelikula.
Sila ay lumisan nang hindi ginusto, ngunit kinakailangan upang makasabay sa riles ng buhay, gaano man ito kahirap, kalayo, at kahaba. Katulad ng bagong serye na hango sa kataga, minsanan na lamang nangyayari ang reunion. Balikbayan man ang laging surpresa, iba pa rin kapag sila ay magbabalik sa tahanan. Huwag magpadala sa mga naririnig o nakikita, sapagkat sa likod ng kamera, doble-kayod ang pagtatrabaho nila para sa pamilya. Iba ang “kaya” sa “kinakaya,” kaya kakaiba talaga ang mga ama.
Single fathers
Sila ang mga haligi ng tahanan na nanatiling matatag kahit mag-isa. Pinapasan ang lahat ng hamon na sarili lamang ang katuwang at pinipiling magpakatatag sa panahon ng mga problema.
Papa-tawa
Napipilitang mabusog ang pamilya sa baon na dala, kahit hindi pa ito inihahanda. Hindi pagkain ang bitbit, kundi mga banat na tila nagmula pa sa ninuno ng kanilang angkan.
Sa sobrang talino ng mga inihandang biro, mapapaisip ka na lang — kahit ang siyensya at teknolohiya ay hindi ito maipapaliwanag. Minsan mabenta, madalas walang kwenta, ngunit hahanap-hanapin pa rin at aabangan ang kanilang presensya’t tawa.
MVP – Most Valuable Papa
Sa entablado, loob ng classroom, o sa court man ‘yan, may mga tatay na palaging nakasuporta at gumabay sa bawat landas na tatahakin ng kanilang anak.
Ika nga, “coaches don’t play,” ngunit “one call away” lamang sila sa bawat oras. Manalo man o matalo, ikaw pa rin ang MVP sa kaniyang puso. Siya ang nagsisilbing “sagip,” paalala ng kanta ni Jan Roberts, na sa lahat ng pagkakataon ay handang dumamay sa kaniyang sinta.
Ang iyong tagumpay ay tagumpay din nila, sapagkat walang tagumpay na papantay pa sa kanilang tunay at labis na pagmamahal.
Fathers not by blood but by heart
Hindi man sya ang unang tumawag sayo ng “anak,” pero pinili niyang maging ama.
Pinatunayan niyang ang pagiging tatay ay hindi lamang nasusukat sa dugo, kundi sa pagmamahal at sakripisyo.
Paw-ther
Daig pa ng alaga nilang hayop ang laman ng kanilang pitaka dahil sa walang katapusang gastos para sa mga ito.
Punong-puno rin ang gallery at feed ng mga larawan ng kanilang fur babies. Hindi man magka-uri o magkadugo, pero itinuturing na nila itong parang tunay na anak. Kung gaano man kaliit ang kanilang alaga, siya namang kinalaki ng kanilang pagmamahal.
YOLO dads
Ang damit? Binata. Ang edad? Lagpas na sa kalendaryo. Ang puso? Bata.
Tila isang siglo na siyang namumuhay sa dami ng mga side quest na kanyang tinanggap. Lahat ng bagay ay sinusubukan niya, pati ang mga trend sa bawat henerasyon ay napagdaanan niya na rin.
Hindi hadlang ang panahon, bagkus ginagamit niya ito upang makasama ang kaniyang mga anak. Siksik, liglig, at umaapaw ang enerhiya, kahit unti-unti nang sumasakit ang kaniyang tuhod at likod.
Strict dads
Madalas sila ang mga tatay na mahigpit pagdating sa rules katulad na lamang na huwag magpapagabi. Ngunit sa likod ng matigas na boses at seryosong tingin ay ang amang handang maging proteksyon upang matiyak ang kaligtasan ng buong pamilya.
LGBTQIA+ dads
Sila naman, hindi sila pinagdugtong ng dugo, kundi ng pagmamahal at pagmamalasakit. Sabay nilang hinarap ang mga hamon ng pagpapalaki ng isang bata bilang dalawang amang pinili ang landas na maging magulang. Para sa isang anak, doble-doble ang father’s love na nararanasan niya mula sa kanyang mga tatay.
The nonchalant dad
Sila ang maituturing na not-so-expressive tatay. ‘Yong tipong mahilig mang-likezone palagi sa chat, pero deep inside ay hindi nawawala ang caring side nila sa pamilya.
The mom who stepped up
Siya ang ama at siya rin ang ina. Pinupunan nya ang mga puwang dahil hindi niya hahayaang maramdaman ng pamilya na may kulang. Hindi man siya tinatawag na “Tatay,” pero taglay niya ang lakas, sakripisyo, at pagsisikap na hihigit pa sa sapat para sa minamahal na pamilya.
Ikaw ang ilaw at haligi ng tahanan, Ma.
Ang pagiging tatay ay hindi nasusukat sa iisang pamantayan o anyo, kundi sa kung paano sila magmahal sa abot ng kanilang makakaya.
Haligi ng tahanan, malayo man o malapit, tahimik man na gumagabay sa araw-araw, ay nangingibabaw ang kanilang pagmamahal na kasingtibay nila.
Sa bawat sakripisyo at pagod na pilit tinatago, naroon ang pusong laging handang umunawa at umalalay.
Sa huli, walang iisang batayan ang pagiging ama dahil ito ay laging higit pa sa kung ano ang nakikita.