
John Paul Siapel
Isang 30 taong gulang na lalaking bagong nagtapos sa kolehiyo ang sugatan matapos paulit-ulit na barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa kahabaan ng National Highway sa Purok Gemelina, Barangay Kingking nitong hapon, Hunyo 25, dahil sa hindi pa mabatid na motibo.
Bagamat hindi pa isinasapubliko ng mga awtoridad ang kaniyang opisyal na pangalan para sa kaniyang seguridad, kinumpirma ng pulisya ang mga detalye ng pagkakakilanlan ng biktima.
Ang biktima ay isang 30 taong gulang na residente ng Barangay Pindasan sa karatig-bayan ng Mabini, Davao de Oro. Kagagaling lang ng biktima sa kaniyang graduation ceremony para sa kursong Bachelor of Technology and Livelihood Education major in Home Economics.
Kasamang pabalik ang kaniyang pamilya, sasakay na sana siya sa isang yellow minivan nang tapatan sila ng isang gray minivan na walang plaka.
Agad-agad na pinaputukan ng mga salarin ang biktima na nagdulot ng malaking takot sa mga nakasaksi sa paligid. Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa mabatid na direksyon matapos matiyak na tinamaan ang kanilang target.
Kaagad naman na isinugod ang sugatang biktima sa Davao de Oro Provincial Hospital – Pantukan upang malapatan ng lunas.
Imbestigasyon sa insidente
Inihayag ng Police Regional Office in Davao Region (PRO 11) na wala silang nakitang malinaw na motibo sa paunang pagsisiyasat.
“Without any apparent reason, the suspect/s repeatedly shot the victim using a suspected .45 caliber firearm. Thereafter, the suspect/s immediately fled towards an unknown direction,” saad sa opisyal na ulat ng pulisya.
Narekober ng mga nag-imbestigang pulis sa crime scene ang apat na basyo ng bala na nagmula sa ginamit na armas.
Kasama ring nakuha ng mga eksperto sa lugar ng krimen ang isang bala na pinaniniwalaang mula rin sa .45 caliber na baril.
Kasalukuyan nang nag-kasa ng isang malawakang hot pursuit operation ang mga lokal na pulis laban sa mga nakatakas na salarin.
Sinusuri na rin ng mga awtoridad ang mga posibleng anggulo upang malaman ang tunay na pagkakakilanlan ng mga suspek.
Inaasahan ng kapulisan na makakakuha sila ng mga karagdagang testigo upang mapabilis ang paglutas sa kasong ito.
Ayon sa huling ulat ng pulisya ay nasa stable na kondisyon na ang biktima habang patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Karagdagang impormasyon
Mabilis na nagpalabas ng pahayag ang lokal na pamahalaan ng Pantukan upang bigyang-linaw na ang pamamaril ay naganap bandang alas-12:25 ng tanghali. Sinabi ng LGU na ang insidente ay naganap sa labas ng premises ng Kolehiyo ng Pantukan at hindi sa loob ng campus.
Nag-abot ng buong suporta at panalangin ang munisipyo para sa mabilis na paggaling ng biktima at para sa kaniyang pamilya.
“The LGU assures the public that it is committed to extending all necessary assistance and support to the victim and his family. Our thoughts and prayers are with the victim and his loved ones,” ayon sa pahayag ng pamahalaang lokal.
Hinimok din ng mga lokal na opisyal ang mga mamamayan na manatiling kalmado sa kabila ng takot na idinulot ng pamamaril.
Nakiusap ang pamahalaan sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon sa iba’t ibang social media.
Tiniyak naman ng pamahalaang lokal na nananatiling priyoridad ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ng buong komunidad.