
Cervy Ramos
Hindi ang abortion ang binubura ng anumang polisiya at pagbabawal, kundi ang ligtas na pagpipilian ng mga kababaihan.
Kamakailan lamang, umugong ang balita tungkol sa pagkakaaresto sa isang 65-anyos na babae sa Quiapo na umano’y nagbebenta ng ilegal na abortion pills. Para sa ilan, isa na naman itong tagumpay sa pagpapatupad ng batas. Ngunit kung uusisaing maigi, klarong hindi nito pinatutunayang epektibo ang pagbabawal sa abortion. Sa halip, ipinakikita lamang nito na sa kabila ng kriminalisasyon, patuloy na may mga kababaihang naghahanap ng paraan upang wakasan ang isang pagbubuntis na hindi nila nais o hindi nila kayang ipagpatuloy.
Hindi nawawala ang pangangailangan dahil lamang ipinagbawal ito. Nawawala lamang ang pagkakataong gawin nila ito nang ligtas, legal, at may sapat na pangangalagang medikal. Kaya habang nananatiling ipinagbabawal ang abortion, mananatili ring buhay ang iba’t ibang anyo ng kalakaran na handang samantalahin ang desperasyon ng mga babaeng wala nang ibang mapagpipilian.
Ito ang hindi matanggap ng marami. Hindi nagsisimula ang usapin ng abortion sa tanong na kung tama ba ito o mali. Nagsisimula ito sa realidad na may mga babaeng nahaharap sa mga sitwasyong hindi nila pinili. May mga biktima ng panggagahasa na kadalasan pa ay sangkot ang kanilang sariling kadugo na pinipilit dalhin ang bunga ng karahasang ginawa sa kanila. May mga babaeng nanganganib ang buhay dahil sa pagbubuntis. May mga menor de edad na hindi pa handang maging ina. Mayroon ding mga babaeng alam na ang pagpapatuloy ng pagbubuntis ay magpapalala lamang sa kahirapan at pagdurusang kinakaharap nila. Maaaring hindi sang-ayunan ng iba ang kanilang desisyon, ngunit hindi nito binubura ang katotohanang sila ang haharap sa pisikal, emosyonal, at panghabambuhay na epekto ng sapilitang pagbubuntis.
Sa ugat ng usaping ito, nangingibabaw ang prinsipyo ng bodily autonomy o ang karapatan ng bawat tao na malayang magpasya tungkol sa kanyang sariling katawan nang walang pamimilit o panghihimasok ng iba. Walang iba, miski ang simbahan, o estado ang dapat magdikta kung paano gagamitin ng isang babae ang sarili niyang katawan.Ang karapatang magpasya tungkol sa sariling katawan ay pundasyon ng dignidad at kalayaan ng bawat tao. Tulad ng kinikilala sa Universal Declaration of Human Rights, “All human beings are born free and equal in dignity and rights” (Article 1), at “Everyone has the right to life, liberty and security of person” (Article 3).
Kung kinikilala natin na walang maaaring piliting mag-donate ng dugo o organ upang iligtas ang buhay ng iba, bakit natin ipinipilit na obligadong gamitin ng isang babae ang kaniyang katawan laban sa kaniyang kagustuhan?
Madalas ding sabihin na ang abortion ay ‘pagpatay ng buhay.’ Ngunit sa usapin ng medisina at bioethics, hindi ganoon kasimple ang argumento. Sa mga unang yugto ng pagbubuntis, ang fetus ay wala pang kakayahang mabuhay nang hiwalay sa katawan ng buntis. Ganap itong umaasa sa katawan ng babae para sa oxygen, nutrisyon, at lahat ng kinakailangan upang mabuhay. Dahil dito, ang usapin ay hindi lamang ang potensiyal na buhay ng fetus, kundi ang karapatan ng babae na magpasya kung gagamitin ba ang kaniyang katawan upang ipagpatuloy ang pagbubuntis. Hindi ito pinatutungkulan ng pagiging ‘pro-life’ o ‘pro-choice’ lamang. Ito ay umiikot sa pagtanaw na ang kababaihan ay hindi simpleng sisidlan ng pagbubuntis, kundi mga taong may sariling karapatan, kalayaan, at kapasidad na magpasya.
Hindi rin totoo na ang abortion ay hiwalay sa usapin ng healthcare. Sa katunayan, kinikilala ito sa maraming bansa bilang bahagi ng reproductive healthcare. Kapag ligtas, legal, at isinasagawa ng mga sinanay na propesyonal, nababawasan ang pagkamatay at mga komplikasyong dulot ng hindi ligtas na abortion. Ngunit kung ipinagbabawal ito, hindi tumitigil ang abortion. Ang tumitigil ay ang ligtas na paraan. Napapalitan ito ng mga pekeng gamot, hindi lisensiyadong nagbebenta, mapanganib na pamamaraan, at mga operasyong ginagawa nang palihim na maaaring humantong sa pagkamatay ng babae.
Ito mismo ang ipinakikita ng nangyari sa Quiapo. Hindi lamang ito kuwento ng isang matandang nahuling nagbebenta ng abortion pills. Kuwento rin ito ng isang sistemang nabigong tugunan ang pangangailangan ng mga kababaihan. Kung wala sanang bumibili, wala ring magbebenta. Ang patuloy na pag-iral ng underground market ay patunay na may mga taong hindi naaabot ng ligtas at lehitimong serbisyong pangkalusugan.
Sa halip na puro pagbabawal at panghuhuli, dapat sigurong siyasatin ng pamahalaan kung bakit may mga babaeng handang isugal ang kanilang kalusugan at buhay para lamang wakasan ang isang pagbubuntis. Bakit mas madaling makahanap ng ilegal na abortion pills kaysa sa komprehensibong sex education? Bakit kulang pa rin ang access sa kontraseptibo? Bakit maraming biktima ng sexual violence ang naiiwang mag-isa sa kanilang pagdurusa?
Isa sa mga dahilan nito ay ang kakulangan ng epektibong information campaigns at access sa tamang impormasyon. Sa tala ng Commission on Population and Development (CPD), 44% ng mga kabataang babae at 39% ng mga kabataang lalaki sa Pilipinas ang walang mapagkakatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa sex, habang isa lamang sa bawat sampung kabataan ang nakapag-uusap tungkol dito kasama ang kanilang mga magulang. Kapag napapabayaan ang sex education at reproductive health awareness, mas madaling manaig ang maling impormasyon kaysa sa tamang kaalaman.
At hangga’t hindi sinasagot ang mga tanong na ito, mananatiling sintomas lamang ang hinuhuli ng batas, habang ang tunay na ugat ng problema ay patuloy na pinababayaan.
Hindi kailanman naging sapat ang pagbabawal upang wakasan ang isang pangangailangan. Ang nagagawa lamang nito ay itulak ang mga tao sa mas mapanganib na sitwasyon. Sa kaso ng abortion, ang ipinagbabawal ay hindi lamang isang medikal na pamamaraan. Ipinagkakait din nito ang karapatan ng kababaihan na magkaroon ng ligtas na pagpipilian sa isa sa pinakamabibigat na desisyong maaari nilang harapin.
At ang tunay na tanong ay hindi sa kung paano mas maraming tao ang maaaresto dahil sa paglabag dito. Ang tanong ay kung ilang kababaihan pa ba ang kailangang mamatay, magtago, o magdusa bago natin tanggapin ang katotohanang hindi kayang wakasan ng kriminalisasyon ang abortion.
Hindi dapat maging sentensiya ang pagbubuntis. Ang pagdadala ng buhay ay dapat maging bunga ng malayang pasya, hindi ng pamimilit, takot, o kawalan ng ligtas na pagpipilian. Sapagkat ang isang bagay na itinutulak ng pangangailangan ay hindi nawawala kapag ipinagbawal. Nagiging mas mapanganib lamang ito. At sa suliraning ito, hindi ang abortion ang ipinapatay ng pagbabawal, kundi ang karapatan ng kababaihang mabuhay nang may dignidad, kaligtasan, at kalayaan sa sarili nilang katawan.