Get to know the improved five senses ng mga bading

Hillarie Venice San Roque

Kapag bading ka, matututo ka munang huminga bago unang beses na pumasok sa mga pintong ngayon mo lang bubuksan. Magiging master ka sa pagbuntong-hininga dahil may mga pintong kahit para sa’yo, pagdadabugan ka pa rin ng pagsarado. Sa mga pasilyong babaybayin mo, umayos ka dapat at huwag kang masyadong mag-ingay. Sa mga mesang uupuan at usapang sasalihan, tantyahin mo muna kung katanggap-tanggap ba ang mga salita mo para sa mundong limitado sa label ng tanging lalaki at babae. 

Bonus din na kapag bading ka, improved ang five senses mo! 

Lilinaw ang paningin mo: sisipatin mo segu-segundo kung wala ka na bang kakilala at pwede na bang maging malaya. 

Tatalas din ang pang-amoy mo: kung ligtas ba ang hangin dito para sa mga gaya mo.

Lalakas ang pandinig mo: lahat ng bulung-bulungan nila, pasók sa tainga mo at mananatili sa ulo.

Tatapang din syempre ang panlasa mo: kahit salita, makakabisado ng dila mo ang pait.

Higit sa lahat, tatalim ang pakiramdam mo: kahit pumikit ka, tutusok sa’yo ang mga mata nila.

Pero sa mga silid na pwede akong maging ako, dahil sa mga nangungunang pumihit sa doorknob ng mga pintong dapat lang naman na bahagi ako, sa mga kasama kong lumakad sa pasilyo nang walang pakialam kung gaano kaingay na tayo, at sa mga katabi ko sa mesang hindi na kailangang maingat na huminga at bumoses, sa ganitong mga espasyo nabubuo ang kapanatagan ko. 

Dito, pinakamalinaw ang paningin ko dahil kita ko ang buong ako kasama kayo.

Pinakamatalas ang pang-amoy ko dahil langhap ko ang hangin na tinanggalan ninyo ng bigat.

Pinakamatalas din ang pandinig dahil kahit sa katahimikan, wala akong narinig na panghuhusga.

Pinakamatapang ang panlasa ko dahil lasap na lasap ko ang sarap ng pagtanggap.

At pinakamatalim ang pakiramdam dahil balot na balot ako ng katiyakan na dulot ninyo.

Salamat sa inyo dahil malaya ako.

Salamat dahil sinanay ninyong maging banayad ang paghinga ko at ang puso.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...