Sa mga kuwentong hindi lamang isinasalaysay sa pelikula, kundi isinasabuhay

Cervy Ramos, Jai De los Santos, at Soraine Noel

Hindi lahat ng laban ay isinisigaw sa lansangan, ang ilan ay isinasalaysay sa pamamagitan ng pelikula. 

Sa likod ng mga eksena, diyalogo, at karakter na bumubuhay sa mga kuwento, naipapakita ang mga karanasan ng mga indibidwal na matagal nang naghahanap ng pagkilala at pang-unawa. Sa pag-usbong ng mga pelikulang tumatalakay sa buhay at pakikibaka ng LGBTQIA+ community, nagiging higit pa sa libangan ang sining ng pelikula. Isa itong makapangyarihang daluyan na nagbibigay-puwang sa mga usaping pangkasarian at humahamon sa lipunan na suriin ang mga pananaw nitong matagal nang nakasanayan.

Sa loob ng maraming taon, madalas na limitado ang representasyon ng mga LGBTQIA+ na karakter sa pelikulang Pilipino. Madalas silang ikinukulong sa komedya, stereotype, o mga kuwentong umiikot lamang sa kanilang seksuwal na oryentasyon. 

Ngunit habang umuunlad ang pelikulang Pilipino, unti-unti ring lumawak ang lente ng pagkukuwento. Naging mas malalim ang pagtalakay sa kanilang mga pangarap, relasyon, identidad, at pakikibaka sa isang lipunang patuloy pang natututo kung paano sila tatanggapin.

Sa tampok na ito, sisipatin natin ang ilang piling pelikulang Pilipino na nagbigay-boses sa komunidad ng LGBTQIA+. Mula sa mga kuwentong nakaugat sa kasaysayan hanggang sa mga naratibong tumatalakay sa unang pag-ibig, tradisyon, kabataan, at pagtanda, ipinakikita ng mga pelikulang ito na walang iisang mukha ang queer experience. Sa halip, isa itong koleksiyon ng iba’t ibang buhay, iba’t ibang panahon, at iba’t ibang paraan ng pagmamahal.

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005) ni dir. Aureaus Solito

Si Maxi ay dose, binabae, anak ng pamilyang magnanakaw at may crush.

Kumplikado ang pag-ibig sa anumang edad ngunit sa unang ragasa ng alon nito, kung kailan lahat ay bago, ramdam niya talagang lalo itong marubdob at umaapoy sa kaniyang puso. 

May dangal at kumpiyansa ang pagkatao ni Maxi dahil sa pagtanggap sa kaniya ng kaniyang pamilya. Ngunit ang kaniyang ginugusto ay isang batang pulis at sila’y nabubuhay sa hamak na pagnanakaw. 

Marahil sa simula pa lang ay naintindihan na ng lahat kung paano ito magtatapos, subalit ang biyahe ng kuwento tungo sa eksplorasyon ng musmos na pagsinta ang siyang pagbibigay-halaga sa karanasan ng pagiging bakla. 

Sa pelikulang ito, ang inuuwing punto ay nasa pagkilala ng kalayaan ng pagkagusto — na hindi alintana ang kasarian o pagkamusmos nito.

Sisenta! (2025) ni dir. Mae Malaya

Ang queer experience ay maaaring magsimula sa araw na kinuha mo na ang iyong senior citizen card, sa isang dapithapon ng Martes kung kailan libre ang Maybe This Time (2014) ni Sarah Geronimo.

Isang maikling kuwentong patikim sa lovesickness ng Love in the Time of Cholera, inilalatag nito ang tamis ng maagang pag-ibig ng isang babaeng katatapos lamang ng ika-60 niyang kaarawan. 

Sa pangunguna nina Shamaine Buencamino at Precious Paula Nicole, ang mag-ina ay salamin ng temporal na dimensiyon ng queer love sa kasalukuyang panahon. Walang iisang kronolohiya ang pagmamahal — sa anong bahagi man ito dumating sa ating buhay o makalimot man itong bumalik — ito ay hindi mawawala sa tama nitong daloy sa ating buhay.

Si Astri maka si Tambulah (2017) ni dir. Xeph Suarez 

Sina Astri at Tambulah ay nag-iipon ng quincemil na dowry; ang isa ay para sa ibang babaeng kinakailangan niyang pakasalan at ang isa ay para sa kaniya.

Ang maikling pelikulang ito ay isinasalaysay ang kaugaliang “dowry” ng isang lalaki sa pamilya ng babaeng kaniyang pakakasalan sa lente ng isang transwoman at ng lalaking handang gawin ang pinakamabigat na sakripisyo bilang isang labing-anim na anyos na umiibig. 

Nagsimula sa mga tahimik na pangako sa mababaw na kislap ng mga lampara hanggang sa ang ugong ng sakripisyo at kulintang ng kasalan, ang naratibo nito ay nagsisilbing paalala na sa queer community, ang pagmamahal ay isang patong-patong na pasanin laban sa mga taong inaasahang humihingi ng higit pa sa materyal na kayang ialay. Ito ay makasarili at mapagbigay, nagsasakripisyo at nag-iingat, at patuloy na tataya sa walang kasiguraduhang pusta kung ito ang nag-iisang sirkumstansyang kayang ibigay sa kanila ng lipunan.

Aishite Imasu 1941: Mahal Kita (2004) ni dir. Joel Lamangan

Kapag pinag-uusapan ang kasaysayan ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, madalas na ang mga kuwentong ating naaalala ay tungkol sa mga sundalong lumaban at mga bayaning nakaukit sa mga aklat. Subalit paano naman ang mga taong matagal nang naging bahagi ng ating kasaysayan ngunit bihirang mabigyan ng puwang na maisalaysay ang kanilang kuwento?

Ito ang ipinakikita ng pelikulang ito sa pamamagitan ng karakter ni Ignacio “Igna” Basa, isang Pilipinong queer na nabuhay sa gitna ng pananakop ng mga Hapones. Habang nahaharap sa pag-ibig, digmaan, at mga sakripisyong dulot ng panahon, ipinakikita ng pelikula na ang kabayanihan ay hindi lamang nasusukat sa paghawak ng armas, kundi maging sa katatagan ng loob at kahandaang magsakripisyo para sa kapuwa.

Sa pagbibigay ng pagpapalalim sa karakter ni Igna sa loob ng isang makasaysayang naratibo, ipinapaalala ng pelikula na ang LGBTQIA+ community ay matagal nang bahagi ng kasaysayan ng bansa. Maaaring hindi sila palaging naitala sa mga pahina nito, pero ang kanilang mga kuwento ay kasinghalaga na rapat ay maisalaysay. 

Rookie (2023) ni dir. Samantha Lee

Hindi lahat ng kuwento ng LGBTQIA+ ay kailangang magsimula sa pagtanggi, diskriminasyon, o trahedya. Kadalasan, nagsisimula lamang ito sa isang simpleng paghanga sa pagitan ng dalawang kabataang unti-unting natututong unawain ang kanilang nararamdaman.

Ganito ipinakilala ng Rookie sina Ace at Jana. Sa halip na ituon ang pelikula sa sakit na madalas ikinakabit sa queer experience, mas pinili nitong ipakita ang mga karanasang pamilyar sa halos lahat — ang kaba ng unang pag-ibig, ang pagdududa sa sarili, at ang saya ng unti-unting pagtanggap sa kung sino ka talaga.

Dito namumukod ang pelikula. Hindi nito ipinakikitang “iba” ang pag-ibig nina Ace at Jana. Hindi rin nito ipinipilit na gawing sentro ng kuwento ang kanilang seksuwalidad. Sa halip, hinahayaan nitong maging ordinaryo ang kanilang karanasan.

Sa loob ng maraming taon, nasanay ang mga manonood na makita ang mga queer na tauhan bilang pinagmumulan ng komedya o trahedya. Ang Rookie ay isang paalala na may espasyo rin para sa mga kuwentong puno ng kilig, pag-asa, at kabataang natututong mahalin ang sarili. 

Sapagkat ang representasyon ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng espasyo upang sila ay makita, kundi ang mabigyan din sila ng pagkakataong magmahal, mangarap, at maging masaya.  

The Boy Foretold by the Stars (2020) ni dir. Dolly Dulu

Para sa maraming kabataan, ang unang pag-ibig ay ang unang pagkakataong makilala ang sarili. Pero paano kung ang damdaming iyon ay nabubuo sa isang mundong hindi pa ganap na handang tumanggap?

Sa The Boy Foretold by the Stars, sinundan ang paglalakbay nina Dominic at Luke, dalawang kabataang nagtagpo sa isang catholic school retreat at unti-unting natuklasan ang pag-ibig sa gitna ng mga inaasahan ng isang konserbatibong kapaligiran. Bagama’t may bahid ng kapalaran ang simula ng kanilang kuwento, ang kanilang karanasan ay nananatiling totoo: ang kaba, pag-aalinlangan, at pagnanais na tanggapin ang sarili.

Hindi ipinakita ng pelikula ang pagiging queer bilang isang suliraning kailangang ayusin. Sa halip, inilalapit nito sa manonood ang realidad ng maraming LGBTQIA+ na kabataan: ang paghahanap ng espasyong maaari silang magmahal nang hindi kailangang ikubli ang kanilang pagkatao.

Sa bawat pelikulang tulad ng The Boy Foretold by the Stars, mas lumalawak ang mundong ginagalawan ng mga queer na Pilipino sa pelikula. Hindi na lamang sila mga tauhang nasa gilid ng kuwento, pero sila mismo ang nagsasalaysay nito. 

Marahil, sa bawat kabataang makakakita ng sarili nila kina Dominic at Luke, mas magiging madali ang paniwalaang may lugar din sila sa sarili nilang kuwento.

Mula sa pagiging tauhan patungo sa pagiging tagapagsalaysay

Kung susundan ang paglalakbay ng mga pelikulang ito, makikitang kasabay ng pag-unlad ng pelikulang Pilipino ay ang paglawak din ng espasyong ibinibigay nito sa LGBTQIA+ community. 

Mula sa pagbawi ng kanilang puwang sa kasaysayan, sa inosenteng pagdadalaga ni Maxi, sa mga sakripisyong dulot ng tradisyon, hanggang sa mga kuwentong tumatalakay sa kabataan at maging sa pag-ibig na natatagpuan sa pagtanda, unti-unting nabasag ang pananaw na iisa lamang ang mukha ng kani-kanilang mga karanasan.

Mahalagang kilalanin na ang pelikula ay hindi lamang salamin ng lipunan kundi isa ring puwersang may kakayahang hubugin ito. Sa bawat kuwentong pinipiling isalaysay at bawat karakter na binibigyang-buhay, may pagkakataong mabago ang pananaw, mabuksan ang isip, at mapalalim ang pang-unawa. Ang mga pelikulang ito ay hindi lamang nagsisilbing representasyon ng LGBTQIA+ community; nagsisilbi rin silang paalala na ang kanilang mga kuwento ay bahagi ng mas malawak na kuwento ng sambayanang Pilipino.

Sapagkat sa likod ng bawat pelikulang tumatalakay sa karanasan ng LGBTQIA+ ay isang paanyaya — na makinig, umunawa, at kilalanin ang pagkatao sa kabila ng pagkakaiba. Dahil ang pinakamahahalagang kuwento ay hindi lamang isinasalaysay sa pelikula. Isinasabuhay ang mga ito ng mga taong patuloy na lumalaban para sa pagkilala, pagtanggap, at pagkakapantay-pantay.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...