
Carl Kristofe Malinao
Bagama’t itinanghal ang Pilipinas bilang “World’s Best Place to Retire” sa 2026 ng Retirement Abroad Index, ayon sa mga lokal na residente, tila malayo ito sa tunay na karanasan ng mga Pilipinong hirap makipagsabayan sa tumataas na presyo ng bilihin.
Kabilang sa mga naging pangunahing salik sa pagkilala sa Pilipinas ay ang mataas nitong marka sa visa accessibility, cost of living, at expatriate community integration, na nagresulta sa kabuuang 78 puntos mula sa 100 sa naturang index.
Sa kabila ng titulo, nananatiling tanong kung para kanino nga ba ang abot-kayang pamumuhay na ito, habang nakikita ng mga dayuhan ang bansa bilang murang destinasyon para sa pagreretiro, maraming Pilipino ang patuloy na nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng bilihin at mababang sahod.
Ang nasabing ranking ay base sa Retirement Abroad Index 2026 of the Expatriate Group na kung saan kanilang sinala ang 20 bansa batay sa healthcare services, visa accessibility, health insurance requirements, cost of living, and expat community and integration.
‘Para kanino?’
Ang Retirement Abroad Index ay nakatuon sa kakayahan ng mga retiradong may “foreign currency” na mamuhay nang marangya, subalit, para sa mga lokal, ang affordability ay isang malabong konsepto.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Hunyo 2026, ang inflation rate sa bansa ay pumalo sa 6.8%. Ang pagtaas na ito sa presyo ng pagkain, kuryente, at transportasyon ay direktang bumabawas sa purchasing power ng piso.
Para kay Rommel Gonzales, isang retiradong guro, ang “affordability” ay usapin ng perspektibo. “Kapag lokal ang kita at lokal din ang pensyon, iba ang usapan. Siguro madali para sa mga dayuhan, pero para sa normal na Pilipino, mahirap talaga,” ani Gonzales.
Ani naman ni Susana Mane, isa ring retiradong guro, bagama’t mas mababa ang ilang gastusin kumpara sa ibang bansa, nananatiling hamon ang presyo ng gamot, regular na pagpapagamot, at pang-araw-araw na pangangailangan dahil sa mababang sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang buwanang pensyon mula sa SSS para sa maraming Pilipino ay hindi sumasabay sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang isang retiradong manggagawa na nagkaroon ng monthly contribution na 1,000 piso at nagtrabaho sa loob ng 10 taon, ay nakatatanggap lamang ng 2,000 – 4,000 piso kada buwan.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2025, umabot sa ₱28,000–₱30,000 ang karaniwang buwanang gastusin ng pangunahing pangangailangan ng isang pamilyang may 3–5 miyembro.
Samantala, sa unang bahagi ng 2026, naitala ang 3.0% paglago sa household spending ng mga Pilipino, kung saan nananatiling pinakamalaki ang bahagi ng gastusin sa pagkain, pabahay, tubig, kuryente, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa likod ng benepisyo
Sa pagtataguyod ng Pilipinas bilang retirement destination, pinagpatibay ito ng Department of Tourism sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa tulad ng Special Resident Retiree’s Visa na kung saan pinalawak ng pamahalaan ang pagpapapasok ng mga dayuhang retirado sa layuning makalikha ng kita at pamumuhunan.
Ayon sa Philippine Retirement Authority (PRA), nakapagtala ng 25% na pagtaas sa bilang ng mga dayuhang retiradong pumapasok sa bansa noong Enero 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Bagama’t ito ay implikasyon ng maaaring pag-unlad ng bansa, nagkaroon ng iba’t ibang mga isyu noon ang lumutang sa ilalim ng batas na ito.
Noong 2020, napag-alaman ng Senado na inaaprubhan ng PRA ang mga foreign retirees kahit na 35 anyos pa lamang sila.
Lumabas din na halos 30,000 na mga Chinese retirees ang pinayagang makapasok ng ahensya noon, na siyang binatikos ng mga kritiko at ng mambabatas na si Nancy Binay.
Noong 2024 naman, naghain si dating congressman at ngayo’y senador na si Erwin Tulfo ng resolusyon upang imbestigahan ang umano’y iregularidad sa ilang special visa programs at suriin kung naaabuso ang sistema.
Ito ay kasunod ng pagdami ng mga Chinese retirees na kanyang ini-ugnay sa pagtaas din ng krimen sa bansa, katulad ng human trafficking, kidnapping, at iba pa.
Sa ngayon, wala pang pag-usad sa nasabing resolusyon na isinisiwalat sa publiko.
Iba pang sukatan
Kahit nanguna ang Pilipinas sa retirement ranking, may iba pang pandaigdigang sukatan na nagbibigay ng ibang larawan ng kalagayan ng bansa.
Sa mga pag-aaral na sumusukat sa kapayapaan, seguridad, at mas malawak na kalidad ng pamumuhay, hindi palaging kabilang ang Pilipinas sa pinakamataas na ranggo.
Ayon sa datos ng Global Peace Index ngayong 2026, ika-102 ang Pilipinas sa 163 kasamang bansa sa datos, habang sa kabuoang kalidad ng buhay, ika-98 naman ang Pilipinas sa 188 na bansa.
Gayunman, hindi ito nangangahulugang mali ang retirement index, sa halip, ipinapakita nito na magkaiba ang tanong na sinusubukang sagutin ng bawat ranking.
Kung ang retirement index ay nagtatanong kung saan maaaring mamuhay nang mas komportable at mas abot-kaya ang isang retiradong dayuhan, ang ibang global indices naman ay sumusukat sa mas malawak na kondisyon ng lipunan.
Kaya para sa iilan, hindi nito umano naipapakita ang kabuoang karanasan ng pamumuhay sa Pilipinas, bagkus pinapakita lamang umano nito ang kagandahan ng pagreretiro sa Pilipinas kung ikaw ay galing sa ibang bansa na napagpasyahang magretiro sa Pilipinas.
“Maganda sigurong pakinggan na magandang lugar ang Pilipinas para sa mga retirado na dayuhan, pero sana ganoon din ang maramdaman ng mga ordinaryong Pilipino kapag sila na ang tumigil sa pagtatrabaho,” ani Gregorio Kitong, retiradong manggagawa.
Pumangalawa sa naturang rankings ang Thailand na may iskor na 77, sinundan ito ng Colombia (73), Portugal, (71), South Africa (69), at Sri Lanka (69).