‘Di porket ‘di sabay, sablay

Kasabay ng pagsibol ng mga mirasol ang muling pag-alingawngaw ng istorya nina Carson at Dio. Pitong taon sa kolehiyo, pitong taong pag-ibig, at ang bigat na kakabit sa pag-aabang sa panahong makapagsa-Sablay na rin. 

Para sa marami, ang UP ay parang pelikula nina Carson at Dio: isang mahabang serye ng pagpupunyagi, pag-aalinlangan, at pagbaling ng tingin sa mga kuwento ng mga nagtapos sa perpekto at eksaktong oras. 

Sa mundong sumasamba sa mga nakatapos sa loob ng apat na taon, madaling isipin na ang bawat pagkaantala ay isang malaking kapintasan. 

Dito tayo nagkakamali. Nalilimutan natin na ang Sablay ay isang paalala. Paalala ito na ang pribilehiyong makapag-aral ay may kaakibat na responsibilidad na magbigay-aral. Paalala ito ng tangan-tangan na galing na hinubog ng oras, siphayo, at pamamalagi sa unibersidad. Paalala ito na sa likod ng dugo’t pawis ng mga magulang ay ang tanging pangarap na makitang maglakad at magtapos sa entablado ang kanilang mga anak. 

Pero, dapat bang ituring na pakikipagsapalaran ang pag-aaral?

Sa mundong hindi nagpapatinag, ang hayaang malansag ang sarili sa araw-araw na pagkabalisa kung kakayanin pa bang kimkimin ang pangangailangang magpahinga, kung sino ang mag-aalaga sa mga magulang na may sakit, at kung saan lalapit tuwing kulang ang 500-pisong allowance pangkain sa isang buwan ay isang kasalanan sa sarili.

Hindi sinusukat ng Sablay kung gaano katumal o katulin ang pagtatapos. Bagkus, binibigyan nito ng espasyo ang bawat liko, hinto, at pagbabalik bilang bahagi ng isang mas malawak na pagkatuto—edukasyong nagtuturo ng katatagan, tapang, at tunay na lalim na hindi itinuturo sa apat na sulok ng silid-aralan, dahil ang karangalang makapagtapos ay hindi nababawasan o kumukupas dahil lang sa mas marami kang taon na inilagi sa unibersidad. 

Gaya ng marami pang iba na:

Nakipagbuno sa mga pader ng unibersidad nang higit sa inaasahan, hindi dahil sila ay kulang o may kawalan, kundi dahil sa magkakaibang pasanin sa buhay. 

Piniling huminto muna, hindi dahil sa tamad, kundi dahil sa matapang na pagpili na unahin ang sarili.

Nagkaroon ng lakas ng loob na aminin na ang landas na tinatahak ay maaaring para sa iba, ngunit hindi sa kanila. 

Ibinaon muna ang pangarap at nag-iwan ng siwang upang balikan muli ang naudlot na pag-aaral sa hinaharap. 

Patunay silang lahat na anumang balakid ang makasalubong sa daang tinatahak ay hindi isang kahinaan—isa itong simbolo ng edukasyong hindi minadali, hindi dinaya, at higit sa lahat, hindi pinabayaan. Ang pagbali sa nakadiktang landas ng buhay ay hindi para lumihis, kundi para umukit ng sarili nilang landas. 

Isang halimbawa si Helweena Sadorra, na binansagang  “Student Emeritus” matapos makamit ang kanyang diploma sa UP Diliman makalipas ang 18 taon. Sinimulan niya ang pag-aaral sa unibersidad noong 2001, ngunit kinailangan niyang itigil ito upang magtrabaho at tulungan ang kanyang mga kapatid. 

Iba’t ibang trabaho ang pinasok ni Sadorra, tulad ng sa British Council, Korean Embassy, at Filipino coach sa Star Magic. Halos dalawang dekada niyang ginapang ang pagiging working student. Bagaman mahirap at tila walang katapusan, naisuot niya ang Sablay sa edad na 40 noong 2023.

Si Sadorra ay isa lamang sa daan-daang mga estudyanteng hindi nagpasindak sa hirap ng buhay. Kanya-kanya man ang lahat sa bigat at unos na pinagdaraanan, hindi nawala ang tiyaga para abutin ang layunin sa buhay.

Sa pagpunla pa lamang ng pangarap, kalakip na nito ang gabay ng mga tagapag-alaga, magulang, at guro. Ang maayos na pasilidad, sapat na pondo at kagamitan, pagsisikap at mga pagpapahalagang laganap sa komunidad na ginagalawan ang siyang nagsisilbing daan patungo sa pagtatapos.

Ang edukasyon ay hindi isang karera kung saan kung sino ang mauunang matapos ay siya na ang magwawagi sa buhay. Binibigyan ito ng sapat na oras upang makapagtayo ng malalim at matatag na pundasyon. Ang bawat pagkadapa at muling pagbangon ay lalong nagpapalakas sa paninindigang makararating din sa dulo. 

Gayunpaman, ang edukasyon ay hindi dapat itinuturing bilang isang pribilehiyong nakalaan lamang para sa mga mapalad. Hindi rin dapat mahal ang mangarap. Ang edukasyon ay karapatan ng sambayanang Pilipino na dapat ay tinatamasa ng lahat. Tungkulin ng lipunan at estado ang tiyaking may sapat na mapagkukunan at de-kalidad ang sistema ng pagkatuto. Ang pag-aaral ay dapat bukas sa lahat—hindi pinagtatalunan, hindi ginagapang, at hindi isinasantabi lamang. 

Ipinapabatid ng kanilang kuwento na ang pagtanggap sa sariling pangangailangan ay hindi isang mitsa ng kabiguan, kundi isang patunay na ang tao ay dapat hayaang magpakatao. Yakapin ito nang may galang at pagpapahalaga sa mga pinagdaanan, dahil ito ang rason kung bakit ang panahon ng pagtatapos ay nananatiling may buhay at may saysay. 

6 Votes: 6 Upvotes, 0 Downvotes (6 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...