
Jett Morales
Sa tuwing sasapit ang panahon ng pagtatapos, karaniwang umaalingawngaw sa mga bulwagan ang mga pangalan ng mga nasa rurok na puwesto na patuloy na tinitingala. Kadalasan ay mga pulitiko, lisensyadong propesyonal, artista, at mga personalidad na matunog ang reputasyon sa kanilang mga industriya.
Subalit sa loob ng tatlong magkakasunod na taon, patuloy na pinatutunayan ng University of the Philippines-Visayas (UPV) na ang tunay na talino ay hindi lamang matatagpuan sa mga pahina ng mga aklat, kundi sa mga taong nakikibaka at pumapasan sa bigat ng reyalidad ng lipunan.
Sa ika-47 Seremonya ng Pagtatapos, si Pablo “Ka Pabs” Rosales, isang mangingisda at beteranong lalaing-dagat, ang tumayo bilang tanglaw ng magsisipagtapos. Siya rin ang tumatayong pambansang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda sa Pilipinas (PANGISDA-Pilipinas) mula pa noong 2016, isang pambansang alyansa ng mga mumunting mangingisda. Ikatlong baitang lamang ang natapos niya sa kaniyang pormal na edukasyon, ngunit sa loob ng maraming dekada, ang kaniyang silid-aralan ay walang apat na sulok, walang pisara, at walang bubong dahil ang malawak, malalim, at madalas ay saganang karagatan ang kaniyang naging unibersidad.
Ang taong natutong bumasa sa hiwaga ng agos, sa bulong ng hangin, at sa unos ng buhay-maralita ay haharap sa dagat ng libo-libong iskolar ng bayan suot ang kani-kanilang sablay. Isa itong radikal na pagpili, isang paglayo sa nakagawiang pagtingin kung sino lamang ang karapat-dapat magturo ng mga huling aral bago sumabak at maglayag tunay na buhay.
Hungkag na lambat
Sa mahabang panahon, si Ka Pabs ang naging sandigan ng maliliit na mangingisda. Ipinagtanggol niya ang mga katubigan ng kaniyang probinsya, ang tradisyunal na lunduyan ng kabuhayan, laban sa mga dambuhalang komersiyal na barko na tila mga pating na nangangamkam sa grasya ng maliliit. Ang kaniyang kredibilidad ay hindi iginawad ng isang institusyon kundi nililok ng alat, ng sikat ng araw, at ng gabi-gabing paglalayag para sa hustisyang panlipunan.
Ngunit ang kaniyang kuwento ay hindi hiwalay sa humihingal na kalagayan ng ating karagatan. Sa kasalukuyan, patuloy na sumasadsad ang huli ng mga mangingisda batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan ang pagbagsak ay umabot sa 17.66% hanggang 29% sa produksyon ng palaisdaan sa mga rehiyon ng Visayas sa mga nakalipas na taon dulot ng masamang panahon at katiting na huli.
Gaano man kalawak ang nagsisilakihang katubigan ng bansa, patuloy ring naghihingalo ang kabuhayan ng pangingisda. Napatunayan ito sa datos ng PSA na kabilang ang mga mangingisda sa pinakamahirap na sektor ng Pilipinas, kung saan ang poverty incidence sa hanay nila ay pumapalo sa 26.2%—isang reyalidad na hindi lamang ipinaglalaban ng mga tulad ni Rosales kundi maski ang mga mumunting Pilemon na patuloy ang pagmasol sa karagatan.
Agos ng adbokasiya
Bilang tahanan ng isa sa mga pangunahing programa sa pangisdaan ng bansa, matagal nang nakaugnay ang UPV sa mga pamayanang baybayin at sa kanilang pakikibaka para sa yamang-dagat.
Sa pamamagitan ng malawakang kampanyang “Atin Ang Kinse” (o “Aton ang Kinse”), nakikipagtulungan ang UPV sa mga mangingisda at iba’t ibang sektor upang ipaglaban ang eksklusibong karapatan ng mga maliliit na mamamalakaya sa 15-kilometrong municipal waters na nakasaad sa Fisheries Code, na naglalayong harangin ang pagpasok ng mga dambuhalang commercial fishing corporations sa nasabing sakop upang maiwasan ang tuluyang resource depletion at masubaybayan ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Hindi lamang ito nananatili sa mga diskurso sa loob ng silid-aralan. Aktibong isinusulong ng pamunuan at mga mag-aaral ng UPV ang pagpasa ng House Bill No. 5606 o ang “Atin ang Kinse Kilometro” bill na naglalayong amyendahan ang Fisheries Code of 1998 upang bigyan ng mas matalas na ngipin ang batas pabor sa mga maralita ng dagat.
Hindi lamang sila panauhing pandangal, kundi mga tinig ng mismong mga pamayanang matagal nang kasama ng UPV sa pagtatanggol sa karagatan at kabuhayan.
Maagang pumalaot
Sa edad na siyam, habang ang ibang bata ay naglalaro sa lupa, si Ka Pabs ay natuto nang humawak ng sagwan kasama ang kaniyang ama. Dahil sa hagupit ng kahirapan, maagang napunit ang kaniyang pangarap sa pormal na paaralan. Ngunit sa pagtalikod niya sa silid-aralan, doon naman siya sinalubong ng mas malalim na unibersidad ng karanasan.
Habang lumalalim ang kaniyang ugnayan sa dagat, nasaksihan niya ang unti-unting pagdurugo ng kalikasan—ang pagkaubos ng mga isda dahil sa dinamita at lason. Lumitaw sa pag-aaral na ang matagal nang ipinagbabawal na pakana ay patuloy pa ring bumabanta sa buhay-dagat, partikular sa katubigan ng Visayas kung saan 21.7% ng coral reef systems ang patuloy na naghihikahos.
Sa kabila ng krisis na nagaganap sa kailaliman ng para-paraisong asul ng bansa, may mga bangkang pumapalaot hindi lamang para sa samu’t saring huli, kundi para sa pantay na hustisya at pagtrato sa mga kapwa mangingisda.
Dito nagbago ang kaniyang papel, mula sa pagiging mamamalakaya na kumukuha sa dagat, siya ay naging tagapagtanggol at tagapangalaga nito. Batid niya na ang karagatan ay hindi isang balon na walang katapusan, kundi isang sagradong pamana na dapat panatilihing buhay para sa mga susunod na salinlahi.
Tradisyon ng laylayan sa UPV
Sa isang lipunang labis ang pagkaalingasaw sa mga diploma, kinang ng mga medalya, at mga titulong akademiko, ipinapaalala ng UPV na ang pinakamalalim na pilosopiya ay madalas na isinusulat ng mga taong may paltos sa kamay.
Hindi ito ang unang pagkakataong ipinagkatiwala ng unibersidad ang pinakamahalagang talumpati sa isang tinig na malayo sa sentro ng kapangyarihan.
Mula kina Roberto “Ka Dodoy” Ballon, Ramon Magsaysay Awardee noong 2021 at lider-mangingisda mula sa Zamboanga, kina Reynilda Partida, progresibong lider ng konseho ng mga mamalakaya mula Iloilo, at Fredil Muid, pinunong Katutubo at Bise Tagapangulo ng Tagbanua Calamian sa Palawan noong 2025, hanggang kay Ka Pabs ngayong taon, malinaw ang mensahe ng pamantasan na ang pinakamahalagang kuwento ay hindi laging nagmumula sa mga pinakamakapangyarihan.
At marahil, ito ang uri ng tinig na nararapat marinig ng mga nagsisipagtapos.
Sa pamamagitan ng tradisyong ito, inililihis ng UPV ang pansin mula sa matatayog na titulo tungo sa tunay na serbisyong matagal nang umiiral sa mga pamayanang nasa laylayan — ang maalat na reyalidad na araw-araw na nilalayag ng mga taong tahimik na lumalaban nang patas.
Sa panahong ang impluwensiya ay sinusukat sa kasikatan at kapangyarihan, pinipili ng unibersidad na itanghal ang mga taong buong buhay nang naglalayag sa alon ng pagbabago, nagbabantay sa yamang-dagat, at nagsisilbing tanglaw ng kanilang mga komunidad kahit walang entablado.
Sila ang tunay na nararapat pakinggan, palakpakan, at parangalan — sapagkat ang kanilang mga tinig ay hinubog ng aktuwal na danas at makamasang pakikibaka. Nawa’y mas marami pang institusyon ang magbukas ng espasyo para sa mga kuwento, kaisipan, at paninindigang matagal nang nakaugat sa mga pamayanan at matiyagang umaahon mula sa mga dalampasigan ng ating lipunan.
Dahil para sa mga magsisipagtapos, ang pagtayo ni Ka Pabs sa entablado ay isang salamin. Sapagkat sa paglabas nila sa unibersidad, hindi lamang diploma ang bitbit ng mga palad na ilang taon ding namangka sa kolehiyo, kundi tangan din nila ang sagwan ng edukasyong ipinagkait sa marami — isang pribilehiyong may kaakibat na pananagutang gamitin ang kaalaman para sa bayan, lalo na sa mga pamayanang nananatiling nalulunod na lamang sa laylayan.