Parang kailan lang, iisa ang ating palatandaan

Laurence Pernato, Grace Ann Pitogo

Bago pa man tayo lumisan sa nakasanayang pasilyo, isang makulay na ID lace muna ang isinabit sa ating mga leeg — isang simpleng piraso ng tela na naging sagisag ng ating pagkakakilanlan.

Sa araw-araw na pakikibaka sa eskwela, para sa mata ng iba, ito na rin ang kanilang palatandaan.

Anim na taon.

Anim na taong iisa ang kulay ng ating kasuotan, iisa ang kulay ng ID lace sa ating mga leeg.

Unti-unti itong napuno ng mga nakasabit na anik-anik, at mumunting bagay na wari’y walang halaga—ngunit siya palang tahimik na nagsasalaysay kung sino tayong dalawa.

May mga pagkakataong hindi ko na kailangang makita ang iyong mukha.

Sa gitna ng dagsa ng mga taong nagdaraan, sapat na ang isang pamilyar na kulay upang ikaw ay matagpuan.

Marahil ay tama nga sila— may mga bagay na hindi lamang isinusuot,

kundi isinasabuhay at binibigyang halaga.

Isa pala itong palatandaan.

Isang tanda na kahit magkakaiba ang ating hakbang, iisa ang mundong ating kinabibilangan. Isang paalala na kahit sa malayo, kilala kita, kilala mo ako, at magkakakilala tayo dahil sa ating alaala.

Ngunit paano kung dumating ang araw

na magbago ang kulay ng ating mga ID lace?

Makikilala mo pa kaya ako, kung wala na ang telang unang nagturo sa ating maging iisa sa magulong mundo?

Bakit kaya pilit tinatakbuhan

ang tadhanang tahimik na itinahi

sa ugat ng Maylikha, isang buhol na hindi na maitatali sa ibang paraan?

Ang sinag ng araw ay palaging nagpapahinga sa maamo mong mukha,

may dalang pahiwatig, may kasamang panalangin: ito na yata ang huling beses

na ika’y masisilayan sa aking paningin.

Kaya ngayon na magkaiba na ang ID lace natin, magkaiba na rin ang mundong ginagalawan, ngunit nasa isip at puso pa rin ang mga araw na nairaos ang mga pasanin, at sabay humihiling ng tagumpay sa kawalan.

Marahil, hindi lahat ng ugnayan ay isinulat upang manatiling magkatabi; may mga pangalang dumaraan upang maging liwanag sa nakakubling mga gabi.

Hindi man tayo naging kuwentong may iisang wakas, naging totoo naman ang bawat tawanan, bawat pangarap na sabay nating pinanghawakan,at bawat katahimikang hindi nangangailangan ng paliwanag kundi ng pagkakaintindihan.

At kung may isang bagay na hinding-hindi mababago ng panahon, ito marahil iyon—na balang araw, kapag nakita kitang masaya sa mundong wala na ako, hindi na ako malulungkot.

Sapagkat may mga pagkakaibigang hindi sinusukat sa tagal ng pananatili, kundi sa lalim ng iniwang pagmamahal na hindi kailangang ikubli.

At ikaw—ikaw ang isa sa mga patunay na kahit magkaiba na ang ID lace natin, may mga pangalan pa ring isinasabit ng puso. Na siyang dadalhin habang-buhay at kahit saan man patungo.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...