Ayon sa mga eksperto, may negatibong epekto ang sugar-free diet

Nanete Bejeras 

Hindi lahat ng paraan upang magbawas ng timbang ay mainam sa katawan ng isang indibidwal. Sa kasalukuyan, marami nang diet trends sa social media, at marami ang sumusubok nito, ngunit mahalagang malaman ang mga maaaring mangyari sa katawan sa likod ng trends na ito. 

Isa ang sugar-free diet sa mga diet trends na isinasagawa sa pamamagitan ng pagbabawas o pag-iwas sa mga pagkain at inumin na may  dagdag na asukal (added sugar). Layunin nitong limitahan ang pagkonsumo ng mga pagkaing mataas sa asukal bilang bahagi ng  pang-araw-araw na diyeta. 

Maraming content creators, vloggers, at health enthusiasts sa social media ang nagbabahagi ng kanilang karanasan sa pagsunod sa sugar-free diet at ng mga naging epekto nito sa kanilang katawan.

Isa sa mga nagbahagi ng karanasang ito ay si Valerie, isang YouTube creator na sumubok sa 30-araw no sugar challenge. 

Ayon sa kaniya, pagkaraan lamang ng ilang linggo ay nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang panlasa at nasanay na siya sa lasa ng prutas at mga pagkaing wala o mababa sa sucrose o asukal. Gayunpaman, inamin niyang may mga pagkakataon pa ring hindi niya maiwasan na kumain ng pagkain na mayroong asukal sa loob ng 30-araw na hamon. 

Sa pagtatapos ng 30-araw no sugar challenge, ikinumpara ni Valerie ang kanyang kalagayan sa unang araw at sa pagtatapos nito. Batay sa kaniya, nabawasan ang kanyang pagka-bloated o naging mas magaan na sa pakiramdam ang kanyang tiyan, nabawasan ang hindi komportable na pakiramdam nito, at bumaba rin ang kanyang  timbang. 

“Sugar isn’t needed, all it was a want and breaking the cycle of cravings. You don’t need to be 100% sugar-free to feel the benefits,” ani Valerie 

[Hindi kinakailangan ang asukal; ito ay isang pagnanais lamang at ang mahalaga ay maputol ang siklo ng paghahangad nito. Hindi mo kailangang tuluyang umiwas sa asukal upang maranasan ang mga benepisyo nito sa katawan.]

Subalit, kamakailan lamang ay isang pananaliksik ang iniharap sa taunang pagtitipon ng Endocrine Society o ENDO 2026 na ginanap sa Chicago. Nakatuon ang organisasyon sa mga usapin ukol sa  hormonal disorders, pagkalinga sa mga pasyente, at mga posibleng lunas sa mga sakit. 

Inilahad ng pananaliksik na ito ang mga panganib ukol sa sugar-free diet sa kabila ng pagiging epektibo nito sa pagbawas ng timbang ng isang indibidwal. 

Sinuri ng mga mananaliksik mula Dasman Diabetes Institute sa Kuwait ang ilan sa mga epekto ng pag-alis ng sucrose gamit ang mga daga bilang paksa ng eksperimento. 

Ang isang grupo ay pinakain ng low-fat diet na walang sucrose. Ikinumpara naman ito sa isa pang grupo na pinakain ng low-fat diet na may asukal. 

Upang matukoy ang epekto ng pag-alis ng sucrose, sinukat ng mga mananaliksik ang iba’t ibang aspeto ng kalusugan. Kabilang dito ang glucose tolerance o kakayahan ng katawan na panatilihing normal ang blood sugar, insulin sensitivity o kakayahan ng katawan na tumugon sa insulin, insulin resistance o ang pagtaas ng blood sugar dahil sa mahinang pagtugon ng mga selula sa insulin, gut microbiome o ang komunidad ng trilyong mikrobyo sa bituka, at inflammation o pamamaga sa atay at colon. 

Sa kabila ng magkatulad na timbang, ang mga daga na nakatanggap ng low-fat diet na walang sucrose ay nagpakita ng mga negatibong epekto sa kanilang kalusugan kumpara sa isang grupo ng mga daga na mayroong asukal sa kanilang low-fat diet. 

Kasama rito ang mahinang antas ng glucose control, insulin resistance, imbalances sa gut microbes, intestinal inflammation, at mga pagbabago na konektado sa sakit sa fatty liver. 

Batay sa Endocrine Society, masamang epekto ang maaaring hatid ng sugar-free diet sa gut at metabolic health o ang kabuuang kalagayan ng pagkain at paggamit nito bilang enerhiya. 

Batay sa mga datos, ang tuluyang pag-alis ng sucrose sa isang diyeta ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa gut microbiota o ang komunidad ng mga mikroorganismo, katulad ng bakterya, na hindi nakikita nang walang mikroskopyo. 

Dagdag pa rito, ang pananaliksik na ito ay maaaring magsilbing batayan sa mga rekomendasyon ukol sa diyeta at bigyang-diin na mas mainam ang balanse ng diyeta kumpara sa diyetang nakatuon lamang sa pagbabawas ng sugar intake.

Sa kabila nito, ang mga epekto ng tuluyang pag-alis ng asukal sa isang low-fat diet ng isang tao ay hindi pa ganap na malinaw at kinakailangan pa ng mas malalim na pananaliksik. 

Sa panahon ng mabilis na pag-usbong ng mga diet trends sa social media, mahalagang maging mapanuri bago sundin ang mga ito. Sa halip na tuluyang umiwas sa asukal, mas mainam pa ring pairalin ang balanseng diyeta at mga desisyong nakabatay sa ebidensiya.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...