Ma, Pa, hindi na po ako bata

Grace-Ann Pitogo

Ilang beses sa isang araw ka ba nag-aatubili?

Bago mo lagyan ng asin at paminta ang prinitong itlog, tingnan nang maigi kung sakop na ng isang kutsara ang asukal para sa iyong kape, o kaya piliin ang angkop na kulay ng iyong kamiseta para malagpasan ang init ng panahon. 

O kaya, kung paano mo inisip ang unang sasabihin at gagawin sa taong nais kausapin, paano muling paulit-ulit na binilang ang pamasahe, o kung gagawin na ang unang hakbang sa tawirang di mapagbigay.

Saulo na yata ng kalamnan ang mga gawaing ito. Kaya sa sandaling mabasag ang nakasanayang galaw, tila naliligaw ang direksiyon ng buhay at lumilitaw ang takot sa mga landas na hindi pa nalalakaran.

Kapag sarili na ang pinag-uusapan, ilang beses sa isang araw ka ba nag-aatubili? Ilang beses kang nag-aalinlangan na bigyan ng segundo para makahinga sa sunod-sunod na pasan, kung pagbibigyan muli ang ikinubling munting pabor, at ang mabuhay muli… para sa sarili.

Marahil ito ang uri ng pag-aatubiling dala ng isang taong alam nang hindi siya bata, ngunit hindi pa rin lubos na sanay na mabuhay nang walang kamay na gumagabay.

Araw-araw, ipinapaalala na hanapin raw parati ang sariling layunin. Kumbaga, ang rason kung bakit tayo nabubuhay at bakit patuloy nating pinipili na mamuhay.

Sa loob ng bente-kwatro oras, inilalaan ito sa pinaniwalaang “layunin.” Gigising bago pa sumikat ang araw, sasakay sa parehong jeep, uupo sa parehong silid, at uuwi sa parehong oras. Subalit mas nilalapit ito sa nakakapagod na katotohanan: namumuhay na lamang para maitawid ang araw-araw.

Marahil, darating din ang sandaling ang tanong na ito ay hindi na lamang para sa iyo, kundi para sa akin din. Para saan pa ba ako bumabangon at nagpapatuloy? Sa mismong sandaling sumagi ang tanong na ito, unti-unting lumalawak ang aking kuryosidad sa kung ano pa ang maaaring naghihintay sa kabilang dulo ng mundo.

Pero nakaukit pa rin sa isipan ang paniniwalang ang pag-aatubili ay isang senyales ng kahinaan—na hindi pa handang harapin ang tunay na magulo at walang-awang mundo, na para bang isa pa ring bata. Kung gayon, unti-unting namuo ang takot: ano kaya ang buhay sa mata ng isang hindi na bata?

Kaya’t yayakapin ko nang buo ang pag-aatubili. Dahil baka ako’y tinatawag na ng kabilang dulo nito, oras na para tunghayan at tuklasin ko ito. 

Kung tutuusin, hindi naman sa mundo ako unang natutong matakot. Natuto akong mag-ingat dahil may mga taong unang nagmahal sa akin. Lumaki akong may kamay na laging handang sumalo sa bawat pagkadapa. Kaya marahil, ngayon na kailangan ko nang bumitaw, mas mabigat ang pag-aatubili. Hindi na kailangan ng proteksiyon mula sa kinasanayang pag-iingat. Kahit huwag na ninyo akong ikubli sa inyong malapad na likod. Hayaan ninyo akong magsalita para sa sarili ko at tuklasin ang mga landas na ako mismo ang pipili.

Kaya, Ma, Pa, hayaan ninyo akong subukan. Dahil nais ko nang mamuhay. 

Hindi pala iisa ang anyo nito. Hindi ito nakatali sa iisang layunin o iisang tagumpay. Habang lumalawak ang mundong nakikita, lumalawak din ang bersiyon ng sarili na maaari kong maging.

Hayaan na ninyo akong lakbayin ang mundong ito. Mga desisyong pagsisisihan, mga pagkakataong masasaktan, at mga gabing nanaisin kong bumalik sa pagiging batang walang iniisip. Ngunit kung hindi ko mararanasan ang mga iyon, paano ko rin matututuhan ang tibay na lagi ninyong ipinagdarasal para sa akin?

Mula sa desisyon, gawain, at pangarap na itutuon, susubukan ko nang mag-isa na ituwid ang mga ito. Susubukan kong magluto ng ibang putaheng hindi kabisado, mawala sa kalsada ng Cubao, magkamali ng sasakyang jeep, makihalubilo sa mga hindi pa kilala, matutong umuwi hindi dahil may sumusundo, kundi dahil natutuhan ko na ang sariling daan at kusang habulin ang pangarap na isinisigaw ng puso. 

Ma, Pa, hindi na ako bata. Ang pinakamalaking pabor na maaari ninyo nang ibigay ay hindi na dagdag na proteksiyon, kundi ang pagkakataong matutong mabuhay sa sarili kong mga pagkakamali, pag-aatubili, at mga desisyon. Uuwi pa rin ako, ngunit gusto kong ang pag-uwi ko ay dala ang taong ako mismo ang humubog, dala ko hindi lamang ang pagod kundi ang mga aral na tanging ang mundo lamang ang makapagtuturo.

Sa isang araw, sakop ng bawat segundo ang aking pag-aatubili. Sapagkat kung ito ay mananatili sa akin, hindi na iyon magiging dahilan upang hindi humakbang—kundi paalala na ito ay may kahalagahan. At kung sakaling madapa man ako, sana’y makita ninyo hindi ang batang dati ninyong inakay, kundi ang taong natutong maglakad sa sariling landas dahil sa pagmamahal na una ninyong itinuro.

9 Votes: 9 Upvotes, 0 Downvotes (9 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...